Kabanata 2

130 9 7
                                    

AKO ay isang babae ng abang kalagayan, hindi karapat-dapat pag-ukulan ng pansin ng tulad niyang nagmula sa angkan ng isa sa mga respetadong pamilya dito sa Ilocos Norte.

Kaya ano bang ikinalulungkot ko?

Pinili ko munang lumabas at magpahangin. Mahina kong sinipa ang maliit na batong nasa harapan ko saka tumingala upang pagmasdan ang kalangitan.

Kagaya ng pangarap ko sa pag-awit, napakahirap rin niyang abutin.

“Isabella!”

Napalingon ako sa hagdan kung saan nagmula ang boses ng tumawag sa akin. Doon ay natanaw ko ang nagmamadaling si Luisa na medyo namumutla pa at animo'y matutumba sa sobrang panghihina.

“Bakit? Anong problema?” agad kong tanong nang makalapit siya sa akin.

Si Luisa ay aking kaibigan na gaya ko, hilig rin ang pag-awit. Subalit, siya'y mas pinalad sa buhay, kaya't higit siyang nabibigyan ng pagkakataon na tumanghal sa mga salu-salo tulad ng ganitong okasyon.

“M-Maaari bang ikaw muna ang umawit para sa señor?” sambit niya.

Hindi ako nakasagot nang lumabas na rin mula sa mansyon ang kapatid ni Luisa na si Teresa.

“Kanina pa inaapoy ng lagnat si Luisa subalit wala kaming matagpuan na maaaring humalili sa kanya. Batid nating lahat kung gaano kabagsik si Don Emilio kapag ang mga pangyayari’y hindi umaayon sa kanyang kagustuhan,” paliwanag niya habang inaalalayan ang kaniyang kapatid.

Sa sitwasyon ni Luisa, mukhang pagtanggi nalang ang hindi ko nanaising gawin.

Kaya ko ba ito?

Pilit akong ngumiti sa kanila bago alinlangang tumango. Nasilayan ko na nawala ang kunot sa noo ni Luisa nang malaman ang sagot ko.

“Kung gayon ay halina't aming ipaaalam sa iyo ang mga nararapat mong gawin maging ang awitin na iyong itatanghal,” saad ni Teresa saka siya naglakad habang inaalalayan pa rin ang kaniyang kapatid.

“Sigurado ba kayo sa akin? Baka mapahiya lamang ako doon,” sambit ko nang maisuot ang baro't saya na ipinahiram sa akin ni Luisa.

“Saksi ako ng iyong kahusayan, Isabella. Kaya mo iyan,” pagpapagaan niya sa pakiramdam ko na tila epektibo naman dahil nabawasan no'n ang kabang namumuo sa aking dibdib.

Sa aking paglabas sa tanggapan, sinalubong akong agad ng mga iba't ibang uri ng tingin. Ang mga kababaihang nanghahamak sa akin kanina ay mababakasan ng pagkagulat ngayon, hindi makapaniwalang aawit ang isang hija de nadie sa fiesta bienvenida ng isang De Vera.

Hindi kalayuan mula sa akin ay nakaupo ang señor, nakangiti habang pinagmamasdan ako. Sa kaniyang tabi ay nandoon ang lalaking nakabangga sa akin kanina na tila nalimutan na siguro ako.

Lumakad ako sa upuan malapit sa alpa. Nang makaupo ay ibinalik ko sa mga bisita ang tingin. Doon ay nakita ko ang aking ama na awang ang labi, tila hindi makapaniwala sa nakikita. Bahagyang nagkunot ang kaniyang noo, pagpapahayag ng pangamba sa aking naging desisyon.

Sa kabila ng mga agam-agam dahil sa mga maaaring kahinatnan nito, dahan-dahan ko pa ring hinaplos ang mga kuwerdas ng alpa at sinimulang awitin ang baladang sinambit sa akin ni Luisa kanina.

Malakas ang kabog ng aking dibdib sa bawat lirikong aking sinasambit. Mabigat sa pakiramdam sapagkat maaaring magkaroon ako ng kaparusahan. Isang kahihiyan ang aking presensya sa salu-salong ito. Ngunit pinilit ko pa rin na hindi ipabatid sa kanilang mga mata ang mga namumuong emosyon sa aking loob.

“Detente (Hinto)!” Naging sentro ng atensyon ang malakas na boses ng babaeng kararating lamang. Ang señorita.

Agad akong tumindig at tinignan ang aking ama na akmang lalapit na sa aking direksyon. Binigyan ko siya ng tingin na huminto at ako na ang bahala sa aking sarili.

Dali-dali itong tumungo sa kaniyang nakatatandang kapatid at hinarap ito.

“Ano't katulad niya ang iyong mang-aawit hermano?” singhal nito sa señor.

“Sandali, Mariana. Maaari mo bang ipabatid sa amin ang iyong ikinapu-poot?” tanong ng señor.

Hindi ito sumagot. Sa halip, inilibot lamang nito ang  tingin. “Nasaan si Papa? Alam niya ba ito?” tanong niya pabalik sa kapatid, salubong ang kilay, hindi alintana ang atensyong nakukuha niya ngayon.

“Mariana, ikaw ay kumalma. Nais kong malaman ang iyong ikinagagalit.”

“Hindi mo ba batid ang pinagmulan ng mujer na iyan?”

Nagkunot lamang ang noo ng señor saka inilipat sa akin ang kaniyang tingin.

Bahagya akong napaatras nang humakbang palapit sa akin ang señorita. Iniwas ko ang aking mukha sa mga panauhin.

“Ang mujer na ito,” panimula niya saka hinawakan ang aking braso at marahas na iniharap sa mga bisita. “Ay isang hija de nadie. Iniwan ng kaniyang ina upang maging isang prostituta. Inyong sabihin sa akin, nararapat ba ang kaniyang presensya dito?” malakas niyang sambit.

Muli akong napatingin sa aking ama. Mapait akong ngumiti sa kaniya para sabihing ayos lamang ako.

“Verguenza! Anong kaguluhan ito?”

Lalong bumilis ang kabog ng aking dibdib nang makita ang pigura ni Don Emilio, kasunod niya ay ang asawang si Señora Catalina. Habang papalapit ito ay parang unti-unti rin akong nauubusan ng hangin sa katawan.

Malakas na ibinagsak ng señorita ang aking braso bago lumapit sa kaniyang ama.

“Iyan ang kahihiyan, Papa,” sabi niya saka ako itinuro.

Pinasadahan ako ng tingin ni Don Emilio. Tila nanunuya itong tumawa. Matalim namang mga tingin ang ipinukol sa akin ng señora.

“Ang anak ng ramera,” sambit ni Don Emilio saka lumapit sa akin. “Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na umawit? Lapastangan!”

Akmang sasaktan na ako nito ngunit nakita ko nalang ang sarili kong nasa likod ng isang matangkad at matikas na ginoo.

Si Señor Daniel.

“Hindi ko nais ang magkaroon ng bayolenteng kaganapan ngayong araw, Papa,” sambit niya saka ako nilingon. Ngumiti siya sa akin na parang may nais siyang ipaalam.

Natatatandaan niya na ba?

“Ang dungis na hatid ng mujer na iyan ay walang kapatawaran, Daniel,” sagot naman ni Don Emilio.

“Ako ang puno't dulo ng pagtitipon na ito. Aking ipinamamanhik na patawarin at kalimutan ang mga naganap na hindi kaaya-aya.”

“Hindi maganda ang iyong mga binabanggit. Kinokontra mo ba ang iyong ama?”

“Nais ko lamang na maging masaya ang aking pagbabalik. Maaari ba ninyong isantabi ang inyong galit alang-alang sa akin? Hindi ba't ang pagdiriwang na ito ay para sa aking pagdating?”

Tila nagpipigil ng sarili ang Don Emilio. Pabalang siyang tumalikod at nilisan ang tanggapan. Sumunod rin sa kaniya ang mag-ina niyang mukhang hindi rin natuwa sa naging resulta ng nangyari.

“Paumahin sa nangyari. Maaari na muli tayong magsaya,” sambit ng kaibigan ng señor upang ibalik ang gaan ng atmospera.

“Maraming salamat ho, Señor Daniel. Kung inyo pong pahihintulutan, oras na ho siguro upang ako'y lumisan,” magalang kong sabi habang nakayuko.

Humarap sa akin ang señor at nagpalipas pa ng ilang segundo bago nagsalita, “Ikaw ba iyan, Isabella?”

Denied by DestinyWhere stories live. Discover now