Kabanata 10

60 6 2
                                    

ILANG oras na ako naghihintay rito sa lilim ng Acacia. Puno ng pananabik ang aking puso, malapad ang aking ngiti, masigla ang aking presensya.

Hindi na ako makapaghintay pang magkita kaming muli. Nabuo ko na ang awitin, nais kong iparinig sa kaniya iyon.

“Ang pangarap kong iyong pangarap..,” himig ko sa katahimikan ng gabi.

Nagdaan pa ang mga oras ngunit tumunog na lamang ang kampana ay kahit anino niya ay hindi ko makita. Namumuo na ang kaba sa aking dibdib.

Kaniyang ipinapaalam kung sa akin kung siya'y hindi makatatagpo ngunit kanina sa plantasyon ay kahit tignan ako ay hindi niya magawa.

May problema ba kami? Sa aking pagkatatanda, masaya pa kami noong huling pagtatagpo namin dito. Nagtulong pa kami sa ibang bahagi ng aking awitin. Ano ang maaarimg maging problema?

Ilang sandali pang muli ang lumipas ngunit dinalaw na lamang ako ng antok ay hindi ko pa rin siya nakikita.

Tumungo ko sa Bulawan ngunit bigo rin ako. Wala rin siya doon. Ano ba ang nangyayari? Bakit bigla na lamang siyang nagbago?

Iniwan na ba niya ako dahil nakuha na niya ang ninanais niya?

Mapait akong natawa sa biglaang naisip.

Isa nga akong anak ng ramera, at hindi malayo na iyon lamang din ang pagtingin sa akin ni Daniel, kaya't hindi siya nag-atubiling angkinin ako.

Ako'y isang mangmang para maniwalang may pag-ibig para sa isang hija de nadie na gaya ko, at isang mestizo pa ang aking napusuan? Anong kasuklam-suklam na kalokohan!

Tuluyan nang kumawala sa aking mga mata ang mga luhang pinipigilan. Tumindig ako, tanda ng hinagpis na idinulot niya.

Kung ito ang nais mo, Señor Daniel de Vera, ako'y pumapayag. Dito na tayo magtapos, at hinding-hindi na ako babalik sa lilim ng Acacia na ito. Lilim na puno ng mga  alaala nating dalawa.

Ala-alang akala ko ay tunay ngunit hindi pala.

Napakahusay mo. Isa kang mapanlinlang, hindi ka kaiba sa kanila. Sa likod ng iyong ngiti at malalambing na gawi, nagkukubli ang mga salitang punung-puno ng kapaitan at kasinungalingan.

Daniel de Vera

PABALANG akong tumayo nang marinig ang sinabi ng aking ama. Sa kaniyang tabi ay prenteng nakaupo ang walang-ekspresyon kong ina at ang kapatid kong puno't dulo ng lahat.

“Wala kayong karapatan na diktahan ang aking puso. Iniibig ko si Isabella. Huwag ninyo siyang gagambalain,” bulyaw ko.

“Hindi mo mababago ang aking pananaw, Daniel. Una gran verguenza ang pakikipagrelasyon sa hija de nadie na iyon! Wala ka ba talagang pakialam sa reputasyon ng pamilyang ito?”

“Ang reputasyon ng pamilyang ito ay nasira na mula noong nakiapid ka sa babaeng iyan, hindi ba, ama? Sino sa atin ang sumira sa sinasabi mong reputasyon? Hindi ba't ikaw?” matapang kong sagot habang ginagantihan ang matatalim na tingin sa akin ng aking ama.

“Ingrato!” bulalas niya at malakas na sinuntok ang lamesang nasa harapan.

Bahagyang napa-atras ang mag-ina sa kaniyang tabi ngunit ako ay nanatiling nakatayo lamang.

“Patutunayan ko sa inyo na hindi kahihiyan si Isabella,” sagot ko saka tumalikod.

“Estupidez, Daniel! Ikaw ba ay hindi nag-iisip? Tuluyan na bang nilason ng pobreng iyon ang iyong kokote?” sambit ng aking madrasta tila hinuhusgahan ang aking pagkatao.

Naikuyom ko ang aking kamao. Ang mag-inang ito ang siyang tunay na salot sa aking buhay. Mula ng mawala ang aking inang mahal, ako'y nawalan ng kaagapay sa pamilyang ito.

Lubos akong nagpasalamat sa Diyos nang ang pangalawang asawa ng aking ama ay nagdalang-tao, subalit nang malamang ito’y isang dalaga, muling sumandig sa aking balikat ang bigat ng haciendang ito.

“Oh, hermano. Nang dahil sa isang mujer, naging tonto ka na? Paano na lamang kung wala ako?” pangungutya nito.

Hindi ko alam kung paanong nalaman ni Mariana ang namamagitan sa amin ni Isabella. Basta't agad niyang ipinaalam sa aming ama ang bagong natuklasan na para bang isa 'yong pagkakataon upang manalo sa kumpitesyong siya lamang ang nakababatid.

“Huwag ninyong pakikialaman si Isabella, iyon lamang ang aking hinihiling sa inyo,” saad ko at akmang aalis na nang magsalitang muli ang aking ama.

“Makipaghiwalay ka sa mujer na iyon at akin rin siyang pababayaan. Ngunit, sa oras na malaman kong ikaw ay nagsisinungaling, impyerno ang ipararanas ko sa pobreng mag-ama.”

Hindi ako sumagot at lalo lamang humigpit ang aking pagkakakuyom.

“Entiendes?” nananakot na wika niya, hindi man kalakasan ay ma-otoridad iyon.

Hinarap ko ang aking ama.

“Basta't maipapangako mo ang kanilang kaligtasan, handa ako... handa akong kalimutan siya,” nahihirapan kong sabi bago tuluyang nilisan ang lugar na iyon.

Umalingawngaw ang halakhak ng mag-ina.

Isa ba talagang kasiyahan sa kanila ang aking mga pagdurusa?

Denied by DestinyWhere stories live. Discover now