Mabilis na lumipas ang mga araw at randam na ramdam ko na ang prelim exam week namin dahil sa bawat hallway na dinadaanan ko ay may mga estudyanteng hawak ang reviewer nila, may nakatingin sa taas habang binabanggit ang nasa reviewer niya, mayroon naman na magkaibigan na sabay na nagre-review, ang isa ang nagtatanong at ang isa naman ang sumasagot. Mayroon din namang estudyante na tahimik na nagbabasa habang nakasuot ng earphones.
Kahit ang mga lalaking loko loko sa classroom namin ay nakikibasa rin ng reviewer ng mga kaklase ko dahil hindi uso ang cheating sa eskwelahan na 'to. Masyadong tutok ang mga professor habang nag e-exam. Sinu-surrender namin ang cellphones namin sa kanila, at nilalagay ang bags namin sa harap.
Hiwa-hiwalay din ang mga upuan, kaya naman nakakahiya talaga kapag nahuli kang nangopya, hindi lang kasi sita o sermon ang makukuha mo, talagang zero ka na agad sa exam.
Pagpasok ko sa classroom ay naabutan ko ang mga kaibigan kong nagbabasa rin ng kanilang ginawang reviewer. Tatlo ang exam namin ngayong araw, kaya medyo halo halo na rin ang dates na nasa utak ko, paano ba naman kasi nagkasabay pa ang Philosophy at ang CVL o religious subject namin.
"Haven, ano ano mga ni-review mo?" bungad na tanong ni Jessa sa akin. Palagi kaming ganito ng mga kaibigan ko dahil sa sobrang dami naming kailangan aralin ay nalilito na kami kung ano ang mga lalabas sa exam.
"Ito lang, nalilito ako sa dates, pero maya maya babasahin ko ulit" sagot ko sa kanya sabay abot ng three pages na reviewer na ginawa ko. Tina-tyaga kong magsulat ng reviewer dahil hindi ako sanay magbasa ng printed, or di kaya'y sulat kamay ng ibang tao. Hindi 'yon tumatatak sa utak ko kahit anong pilit kong basahin.
"Tignan mo 'to, mga philosophers, anim lang yan na feel ko lalabas sa exam, tapos ito naman sa mga saints, sinulat ko lahat pero 'di ko sure kung tatama ako sa dates" natatawang sabi ko kay Jessa habang binabasa niya ang reviewer na gawa ko.
"Kahit ako rin naman, baka tumama ako sa date tapos sa year ako magkakamali" - sagot naman niya.
Si Lina at Chelsea naman ay isa-isang tinignan ang reviewer nila kung naisulat ba nila ang mga nasa reviewer ko. Natatawa na lang ako kasi kita mong stress sila dahil hindi nila na-aral yung nasa reviewer ko, eh, kahit ako hindi ko naman sigurado kung lalabas ba lahat 'yon sa exam.
"Kasama pala 'to?" tanong ni Lina sa akin.
"Sinama ko lang kasi alam mo naman si Sir, minsan kung ano ano nilalagay sa exam" sagot ko naman habang inaayos ang buhok ko.
Pinapanood ko lang sila habang pinagku-kumpara nila ang reviewer na nagawa ko sa gawa nila, dahil maya maya bago magsimula ang exam ay mabilisan kong babasahin ulit yun.
Pagtapos ng ilang minuto nilang pag-check ng reviewer ko, ibinalik din naman nila ito sa akin dahil gaya ng sabi ko kanina kailangan ko pa rin basahin 'to.
Matapos ang ilang minuto na paghihintay namin ay dumating na rin si Sir Michael, ang aming CVL professor. "Good morning, class" bungad na bati niya sa amin.
"Good morning, Sir Michael" bati namin at sabay sabay din kaming tumayo. Bago magsimula ang klase o exam sa subject ni Sir, kailangan muna naming magdasal at sa bawat araw may naka-assign na pumunta sa harap para mag lead ng morning prayer namin.
Pagtapos no'n ay nilagay na namin sa lamesa ang ballpen na ka-kailanganin sa exam at nilagay naman namin sa harap ang mga bag at cellphone namin.
"Mukhang marami yung exam" bulong ni Chelsea, nang inilabas ni Sir ang test papers at mukhang marami nga 'yon dahil naka-stapler pa kada set.
Nang nahawakan ko ang exam paper ay natuwa ako dahil nakita ko na lumabas sa exam ang pinagpuyatan kong aralin. Ang mahirap lang dito ay ang True or False, dahil pag false ay ilalagay mo pa ang tamang sagot.
Medyo natagalan akong tapusin ang pinaka huling parte ng exam dahil parang gusto ko na lang 'tong gawing True lahat dahil nasakit ang ulo ko kakaisip kung anong isasagot sa mga nilagyan ko ng false. Badtrip.
Pagtapos ng isa't kalahating oras ay tapos na kami sa una naming exam, pinasa na namin ito kay Sir at lumabas na rin kami dahil may break time naman kaming thirty minutes.
"Sumakit ulo ko sa identification na part ng exam" sabi ni Lina habang naglalakad kami papuntang cafeteria dahil tambayan namin 'to tuwing umaga, wala kasi gaanong estudyante sa mga oras na 'to dahil TVL at GAS lang naman ang may break time ng ganito ka-aga.
"Ako sa True or False, feel ko sa year talaga ako magkakamali, eh" sagot ko naman sa kanya.
Naupo na kami habang nakapila naman si Jessa at Chelsea para bumili ng kape. Hilig nilang gawin 'yan tuwing umaga, ako naman ay hindi umiinom ng mainit na kape sa umaga, mas gusto ko ang iced coffee dahil madaling sumakit ang tyan ko sa ganyan.
Nagkwentuhan lang kami tungkol sa exam kanina habang nagpapalipas ng oras. Nilabas na rin namin ang reviewer na ginawa namin, palagi namin nilalagay sa bulsa namin ang reviewer para kahit saan ay makakapag-basa kami.
Inubos namin ang ilang minuto namin sa pagbabasa at bumalik na rin sa klase para magsimula sa susunod naming exam. Gaya ng quiz namin sa Philosophy noong nakaraan na essay type, ganun ulit ang ginawa ni Sir, lima lang ito pero tag ten points kada isang topic.
Hindi naman ganun kahirap ang exam, kaya natapos din kami agad bago ang isang oras. Mabilis din na nasundan ito ng panghuli naming exam para sa araw na 'to.
Pagtapos ng tatlong exam namin ngayong araw ay wala akong gustong gawin kung 'di makauwi agad sa bahay at matulog dahil may exam pa kami bukas at siguradong mapupuyat na naman ako.
Sabay kaming umuuwi ni Jessa dahil halos magkalapit lang naman ang bahay namin, nang nasa hallway kami may nakasalubong kaming tatlong lalaki, college students sila at pamilyar sa akin ang dalawa pero ang isang lalaki na nasa gitna ay bago sa paningin ko.
Tumingin si Lance at tipid na ngumiti, isa sa sinabi kong kakilala ko dahil siya ang kumuha ng litrato ko noong nagpagawa ako ng ID. Sa pagkakaalam ko karamihan sa mga college students dito ay scholar ng mga madre, bukod sa pag ma-maintain ng mataas na grades ay kailangan din nilang mag duty sa school, depende sa department na mapili nila at tatlong oras 'yon kada araw.
Nginitian lang din sila ni Jessa, dahil kakilala niya naman ito. Naiilang ako dahil iyong nasa gitna nila nakatingin pa rin sa akin, kaya naman yumuko na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad dahil gusto ko na talagang makauwi at magpahinga.
Nasa pila na kami ng sakayan ng jeep nang makita ko ang sinasabi kong ex crush ko. Kinabahan ako dahil kasama niya yung kaklase niyang alam na may gusto ako sa kanya dati. Si Jessa naman, imbes na tulungan ako ay mapang-asar pang ngumingiti sa gilid ko, parang tuwang tuwa pa na nakikitang nahihiya ako.
"Kapag nakasakay na sila at mukhang aabot tayo, hindi ako sasakay, sa susunod na jeep na lang ako" sabi ko kay Jessa.
"Matatagalan ka makauwi niyan" natatawang sagot niya naman.
"Okay lang, matagal ang byahe at maiirita lang ako sa pang-aasar mo sa jeep kaya bahala ka dyan" natatawang sagot ko rin sa kanya kahit naaasar naman talaga ako, dahil kung kailan gusto kong makauwi ng maaga mukhang made-delay pa dahil sa lalaking 'yon.
"Isipin mo, paano kung magkatapat kami sa jeep, tapos kilala ako ng kasama niya, tapos ikaw diyan tawa nang tawa, tingin mo kakayanin ko 'yon? Hindi!" sagot ko sa kanya at pinanindigan ko ang desisyon ko na sa kabilang jeep na lang sumakay, sumama rin naman siya sa akin dahil ayaw niyang umuwi mag-isa.
Buong byahe ay nakatulog lang kami dahil sa sobrang pagod at puyat na rin.
BINABASA MO ANG
Chapters of Us
Novela JuvenilHaven and Reiden How long does it take you to believe to true love exists? Started: October 5, 2024 Status: On-going Book cover: credits to littlePB's artwork (pinterest)