Haven's POV
"Ma, alis na 'ko" nagmamadaling paalam ko kay mama dahil sigurado akong mahihirapan na naman akong sumakay dahil punuan na naman ang mga bus tuwing ala- sais ng umaga. Pagkalabas ko sa aming bahay ay dali-dali akong sumakay ng tricycle dahil mas lalo akong ma-la-late kung maglalakad pa ako.
Hindi nga ako nagkamali dahil pagkababa ko pa lang sa tricycle ay kita ko na ang dami ng tao na naghihintay sa sakayan kaya naman nagmadali na ako sa paglalakad para maghanap ng bus na mapagsi-siksikan ko ng sarili ko. Normal na kasi 'to dito saamin ang nakatayo sa bus hanggang pintuan kaya swerte pa 'ko kung sa bandang gitna ako tatayo, dahil marami akong pwedeng sandalan.
Hindi ko rin kasi alam kung anong pumasok sa utak ko at mas pinili kong mag-aral sa malayong paaralan kahit na napaka-rami namang malapit sa amin.
Ang galing lang talaga siguro ng mga teacher na pumunta sa eskwelahan namin nung high school ako, isa sila sa mga nanghihikayat sa amin na mag-aral sa paaralan nila. Nakakatawang isipin na nahikayat nila akong piliin ang eskwelahan nila dahil lang sa swimming pool na nakalagay sa flyers nila.
Hindi ko naman kasi naranasan mag-aral sa pribadong paaralan, kaya nang nalaman kong magbibigay ang DepEd ng voucher, sinulit ko na at pinili ko nang mag-aral sa paaralan na pangarap ko. Gaya ng may malaking gymnasium, cafeteria, air-conditioned na classroom, at malaking library.
Kaya ito ako, araw-araw hirap sa byahe.
Nang makasakay ako ay laking pasasalamat ko dahil kahit papaano ay maayos ang pwesto ko ngayon, hindi gaya kahapon na halos wala na 'kong masandalan dahil sa bandang hagdanan ako nakatayo.
"Regal!" sigaw ng konduktor, hudyat na nandito na ako sa tapat ng hotel na malapit sa paaralan ko. Pagbaba ko sa bus ay dali-dali na naman ako sa paglalakad, umaasang aabot pa ako sa una kong klase, pero nang makita ko ang mga kaibigan ko sa student lounge malapit sa classroom namin, alam ko nang hindi lang ako ang hindi umabot sa una naming klase.
"Nakakainis, late na naman tayo" bungad ko sa best friend kong palagi kong kasabay pumasok noon, pero dahil magbabagong buhay na raw siya at iiwasan nang ma-late, iiwasan niya na rin daw ang pag sabay sa akin. Late pa rin naman siya.
"Oo nga eh, pagdating namin naka-lock na yung pinto, tapos mukhang badtrip pa si Ma'am kasi nakita na ang dami naming late kanina" sagot ni Jessa
Isa pa naman sa mga paborito kong subject ang Oral Communication, kaya gustong gusto kong umabot sa klase ni Ma'am Agnes, pero dahil first subject 'yon ngayong lunes, at ala-siyete ng umaga, bihira ko talagang maabutan.
"Buti na lang nasa loob si Lina, sa kanya na lang ako magtatanong at hihiram ng notes, dahil siguradong may suprise quiz tayo bukas" sabi ko kay Jessa na nakatungo at nagbabalak pa atang umidlip dahil isang oras pa naman ang unang klase.
Ginamit ko naman ang libreng oras na 'to para gumawa ng mga reviewer dahil next week na ang prelims namin at ayokong bumagsak dahil gusto kong ma-maintain ang pagiging honor student ko simula noong grade eleven pa lang ako.
Matapos ang halos isang oras na paghihintay namin sa student lounge, nakita kong lumabas na si Ma'am Agnes, kaya naman dali-dali kaming lumapit kay Ma'am para mag-sorry dahil late kami sa klase niya.
"Next time agahan niyo na, isa sa pinaka importanteng topic ang nasa discussion ko kanina, kasama yun sa prelim exam niyo, kaya make sure na makakahiram kayo ng notes ng mga kaklase niyo" sabi ni Ma'am Agnes.
"Opo, Ma'am. Isusulat po namin, sorry po ulit" sagot ko bago siya tuluyang naglakad paalis. Nahihiya ako, isa pa naman ako sa mahilig mag-recite sa subject niya, kaya alam ko na medyo disappointed siya dahil mataas ang expectations niya sa akin.
Isa isa na nga kaming pumasok at ang bumungad sa amin ay ang mapang-asar na tawa ng mga lalaki naming kaklase, na nakasanayan na lang din namin, normal na yan sa kanila tuwing may nahuhuli sa klase.
"Lina, may copy ka ng lesson ni Ma'am kanina?" tanong ko sa isa sa mga ka- close ko sa maliban kay Chelsea at Jessa.
"Oo, pero konti lang 'to, medyo mabilis kasi mag-discuss si Ma'am, tapos ang bilis ilipat ng powerpoint kaya hindi ko nasulat lahat" sagot naman ni Chelsea.
"Okay lang 'yan, pwedeng pahiram ako? saglit lang" tanong ko dahil mas okay na 'yon, kaysa wala akong aaralin. Mabilis naman niyang inabot sa akin ang notebook niya.
Ginamit ko ang libreng oras bago ang susunod naming klase para hindi ako matambakan ng kailangan sulatin at aralin, dahil sa totoo lang, hindi ganun kadali mag-aral sa paralan na napili ko.
Catholic School kasi ang napili kong pasukan, maraming bawal, maraming dapat aralin, na hindi lang tungkol sa mga subject sa eskwelahan, kasama na rin ang spiritual values.
Noong una, akala ko sa sobrang hirap ay 'di na 'ko makakapasa, dahil bukod sa may inaaral na kaming walong subject kada semester, mayroon pa kaming limang dasal, at mahigit sampung Santo na kailangan naming aralin ang buong buhay, mga libro sa bible, at iba pa.
Sa sobrang dami ay hindi ko namamalayan na na-e-enjoy ko na pala ang pagbabasa ng mga tungkol sa bagay na 'yon.
Matapos ang halos kalahating minuto, naghanda na kami para sa susunod naming klase. "Class, iiwan ko na lang 'tong USB dito, ibalik niyo na lang sa akin before kayo mag lunch break, kapag wala ako sa office, iwan niyo na lang sa table ko" bungad ni Ma'am pagkatapos niyang i-set up ang powerpoint presentation niya.
Ka-onti lang naman iyon, nasa seven slides, pinapakopya niya 'to sa amin dahil iyon na ang huling topic niya para sa semester na 'to at kasama 'to sa coverage ng magiging exam namin next week.
Pagkatapos kong isulat lahat ng nasa slides, umidlip na muna ako dahil alas-dose pa ang lunch break namin, kaya maghihintay pa kami ng ilang minuto bago lumabas.
"may by his Passion and Cross be brought to the glory of his Resurrection. Through the same Christ our Lord.... "
"Amen" sabay sabay naming tugon pagkatapos ng Angelus Prayer namin.
Kapag nasa labas kami, kahit nagmamadali, o may ginagawa, kailangan naming tumigil at hintaying matapos ang Angelus prayer bago kami tumuloy sa mga kailangan naming gawin, dahil siguradong malalagot kay sister ang makikita niyang hindi sineseryoso ang prayer.
Naalala ko pa noong isang araw ay todo pigil sa pagtawa ang mga estudyante ng STEM sa tapat namin, dahil may naglalakad na babae at nang tumunog ang Angelus prayer ay hindi niya alam kung ngu-nguyain niya ba ang pagkain sa bibig niya o ano, sa sobrang hiya niya ay tumalikod na lang siya.
Pagtapos ng prayer ay isa-isa na ngang nagsi-labasan ang mga kaklase ko para pumila sa cafeteria, kami naman ng mga kaibigan ko na mahilig magbaon ng pagkain ay dumiretso na sa gazebo, kung saan maraming mga lamesa dahil masyadong crowded sa cafeteria kung doon pa kami kakain.

BINABASA MO ANG
Chapters of Us
Teen FictionHaven and Reiden How long does it take you to believe to true love exists? Started: October 5, 2024 Status: On-going Book cover: credits to littlePB's artwork (pinterest)