[SHAN'S POV]
Parang nagiging paboritong hobby ko na talaga ang pagtunganga sa klase at magkunwaring nakikinig, kahit ang totoo, kung saan-saan na pumupunta ang utak ko—parang naglalakbay na hanggang sa Milky Way Galaxy ang imagination ko. Ilang beses ko nang tinangkang mag-focus sa mga sinasabi ng teacher, pero parang talagang may sariling mundo ang isip ko ngayon.
Kasalanan kasi ni Vinci ‘yan, e. Ewan ko ba, kung ano-ano kasi ang sinasabi niya sa akin kaya't heto ako, puno ng overthinking. Wala naman akong magawa kundi balikan at himayin ang bawat salitang sinabi niya, kahit na wala naman akong makuhang linaw. Hayop talaga 'tong si Vinci, pinahihirapan ako nang ganito.
“Hoy, Shan! Ang lakas ng pagmamaktol mo d'yan!” bulong ni Elyse mula sa tabi ko, sabay siko.
Napalingon ako, at napansin ko ang malagkit niyang tingin na parang nagsasabing “mag-focus ka nga d’yan.”
“Umayos ka naman d’yan at makinig sa discussion. Mahirap ‘pag dumating ang finals, baka pagsisihan mo 'yan,” dagdag niya, na may halong pag-aalala sa tono.
Tumango ako ng bahagya bilang pagsang-ayon, pero ang totoo, wala talaga ako sa mood para makinig. Paano ba naman ako makakapag-concentrate sa lecture kung patuloy akong nilalason ng mga sinabi ni Vinci? Buong araw na akong nagtataka sa mga pahiwatig niya. Mahirap naman yatang kalimutan agad.
“Bago ako umalis, class, gusto ko lang kayong paalalahanan tungkol sa upcoming exam natin sa susunod na linggo. Make sure to focus on studying, ha? After ng exam, magsisimula na rin ang inaabangan n’yong lahat... the school fest!” ani Mr. Magdadaro, habang nakangiti at tila excited din para sa amin.
Si Mr. Magdadaro, siya ang class adviser namin. Sa totoo lang, sa lahat ng teachers dito sa school, siya lang ang hindi halatang laging galit. Hindi ko alam kung bakit ang ibang teachers, parang lagi na lang stress ang pinaglihan. Parang bawat segundo ng pagtuturo nila, may bigat at hinanakit. Pero iba si Mr. Magdadaro—relaxed siya at parang mas naiintindihan kami.
Pagkatapos ng announcement ni sir, bigla nang nagkabuhay ang buong klase. Abot-tenga ang ngiti ng mga kaklase ko habang nag-uusap at nagsisimula nang magplano para sa School Fest. Mukhang ang dami nilang balak at plano; may mga naririnig na akong usapan tungkol sa booths, mga palaro, at kung anu-ano pang pakulo.
Pero ako, hindi naman talaga ako ganoon ka-excited sa School Fest na ‘yan. Last year nga, hindi ako nag-attend, at kahit ngayon, hindi rin ako plano um-attend. Ano naman ang gagawin ko doon? Wala akong talent, at tingin ko rin naman, mababagot lang ako sa mga activities. Parang mas masarap pa yatang manood ng movies maghapon kaysa magpakita doon.
Habang nakikita ko si Elyse na abot-tainga ang ngiti habang kausap ang iba, napapaisip tuloy ako. Ano kaya ang pakiramdam ng isang Elyse? Matatalino, sporty, halos lahat ng talento, nasa kanya na. She’s the kind of person who’s smart, talented, and seems like she can do anything. Sa kanya, parang ang dali-dali lang ng lahat. Kaya hindi na ako nagtaka kung bakit siya sobrang excited sa School Fest. Sigurado akong sasali siya sa lahat ng contests at activities—gaya ng dati.
Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit ayokong pumunta. Kahit paano, hindi ko maiwasan ang kakaunting insecurities tuwing nakikita kong nagniningning si Elyse. Parang sobrang taas ng standard na naaabot niya, at parang lagi akong nasa lilim niya. Pero kahit pa ganoon, deep down, masaya naman ako para sa kanya. I’m proud and grateful to be her best friend.
“Shan!” tawag ni Elyse, na nakapagpagising sa akin mula sa malalim na pag-iisip.
“Ha?” sagot ko, na para bang clueless pa rin.
YOU ARE READING
LOVE, AKI.
Teen FictionSabi nila na mas okay nang ma-in love sa taong may masamang ugali kaysa sa manloloko. Pero ako? Na-in love ako sa pareho.