Day 11-12: First Exchange

3.2K 76 2
                                        

First exchange

***

Gusto ko talagang mag-deactivate na lang at 'wag nang makialam kay Marcus. Manonood na lang uli ako sa sideline. Mag-aalala nang tahimik.
No'ng mga sumunod na araw, sabi ni Nanay, mas nawalan ako ng kibo. Hindi ko naman napansin. Siguro kasi, maingay ang isipan ko. Nag-deactivate ako as En Visible pero naaalala ko pa rin 'yong messages ni Marcus. Naiisip ko pa rin kung ginamit na niya 'yong medicine kit. Nag-aalala pa rin ako sa mga pasa niya. At kahit kaunti, iniisip ko pa rin kung baka-sakali, naiisip niya rin kaya ako? Kahit sabihin ko sa sarili kong 'wag siyang isipin, alalahanin, o magustuhan, walang bisa. Ginawa niyang teritoryo 'yong isip ko.
Pagdating ng Linggo, sabi ni Helga, dumaan daw si Marcus sa kanila. Nagtatanong daw tungkol sa deactivated accounts. Nag-message daw sa isang account.
4,000 plus ang friends niya. Mababa ang chance na ako 'yong deactivated na pinadalhan niya ng message. Pero hindi ko matiis. Monday, sa lunch, nag-log in uli ako as En Visible.
Ano 'yong I guess you are niya? At nag-sorry siya?! Nag-sorry siya!
Napapikit ako nang mariin at humugot ng hangin. May masakit at nakapanlalambot na bagay sa puso ko. Hindi ko maintindihan. Parang may natanggal na dagan sa dibdib ko. At kung wala lang ako sa canteen, umiyak na siguro ako.
"'Oy, ano'ng problema?" untag ni Helga na kumakain ng ice cream katabi ko. "Masakit ulo mo?"
Umiling lang ako. Medyo inilihis ko 'yong cellphone papunta sa 'kin, 'yong hindi makikita ni Helga ang screen. Gusto kong solohin 'yong pagbasa sa message ni Marcus.
Thank you for the medicine kit.
Napabuntonghininga ako. Sana, ginamit niya rin 'yong kit.
I really appreciate it, En.
Napangiti ako sa dulo ng message.
En.
Isang letter na lang, pangalan ko na 'yong binabanggit niya. Tama 'yong pangalang pinili ko.

***
Lumipas pa ang magdamag bago ako nag-message uli kay Marcus. Umaga pagmulat ko, nag-type agad ako bago ako talunin ng second thoughts. Labo-labo 'yong mga gusto kong sabihin kaya ang lakas ng tahip ng dibdib ko. Siguro naman, tulog pa siya. Siguro naman, hindi siya magre-reply. At siguro naman, kahit hindi ko alam kung ano ang eksaktong sasabihin, maipararating ko naman sa kanya na active na uli ako sa Facebook. At hindi na ako galit.
Hi. I read your message. You don't even have to apologize to me . . .
Ang haba ng intro ko pa lang. Ang dami kong pangungumbinse sa kanya na harmless ako at hindi ako stalker. Pero feeling ko, creep alert pa rin 'yong dating ko. Ang hirap kasi magtago ng identity at ng concern. 'Ayun, nabali-baligtad tuloy 'yong ibang gusto kong sabihin. Na-late pa 'yong good morning ko.
Nakahinga 'ko nang maluwag after ko mag-type. Pero hindi pa nakababalik sa normal 'yong paghinga ko, nag-reply siya!
Aksidente ko lang na nabasa. Huminto 'yong puso ko no'ng nag-pop out 'yong messenger bubble na may profile pic niya.
Ang guwapo kasi ng profile pic niya. Nakakikilig.
Haha! I'm glad you're back.
Haha! pa lang niya, hindi na 'ko mapakali. Kinagat ko 'yong unan ko para mapigil 'yong tili. Wala akong maisip na gawin. Ako naman 'yong nang-seen.
Pagdating ng gabi, nag-message uli siya. Maikli lang. Nakauubos ng hangin.
Who are you really, En?

***
Kinabukasan, mas maaga akong gumising para mag-message. Para maiwasan na makapag-reply siya agad 'tapos ma-seen ko. Naisip ko, maliit naman ang chance na mag-reply siya uli. Kasi 'yong una, parang courtesy message lang 'yon, 'di ba? Kasi nag-message ako after niyang mang-capslock?
Pero kung hindi courtesy 'yong pagmi-message niya at balak niya 'kong i-reply, 'di ko pa kayang makipag-usap nang normal. Baka ma-creep alert ko siya.
Sinagot ko lang 'yong tanong niya no'ng gabi at nag-greet ng good morning.
I told you before, I'm just a nobody.
Pagka-send ko ng message ko, nag-offline ako at nag-prepare na papunta sa school.
Pero 'yong kaba sa dibdib ko, tuloy-tuloy lang hanggang lunch. Gusto kong malaman kung nag-message siya uli pero ayoko namang mang-seen.
Kumakain na kami ng lunch ni Helga sa canteen no'ng dumating sina Marcus at Ash. Sabay kami ni bestie na napalingon sa kung saan sila umupo.
Sobrang lapit nila. Two tables away lang. Si Ash lang 'yong sumulyap sa 'min at tumango. 'Tapos, pumihit sa pagkakaupo si bestie, patalikod kina Ash, at pasimpleng napapadyak. Gano'n kasi siya kiligin. Ayaw magpakita ng mukha. Siniko ko nang kaunti.
Si Marcus, nakaupo lang sa table, hawak 'yong cellphone niya. Eh . . . hawak ko rin 'yong cellphone ko. Kakikita ko pa lang ng message niya.
Gusto kong mag-offline uli pero na-curious akong malaman kung kapag ba nag-message ako, babasahin niya agad. Nag-type ako habang nag-iinit 'yong pisngi ko.
Masarap yung tapa sa canteen. Itadakimasu!
Nakatungo ako sa pagkain ko. Sa peripheral ko, nakabantay ako sa kanya. Tumingin siya sa cellphone niya 'tapos nag-navigate. Ilang minuto lang, tumayo siya at um-order ng pagkain. Pagbalik niya sa table, nag-type siya habang si Ash naman ang bumili ng pagkain.
Medyo nakangiti si Marcus no'ng ibinaba niya 'yong phone niya sa table.
Umilaw 'yong mobile phone ko.
Masarap nga yung tapa nila ngayon.
Napangiti ako sa message niya habang nakatungo. This was too much. Nagre-reply siya!
At bukod pa ro'n, ngumiti siya uli! For the first time since I have been watching him!
Yieee . . .
Nakagat ko 'yong lower lip ko pero hindi sapat para makalma ako. Hindi ko naman puwedeng kagatin si Helga. Hinampas ko na lang nang mahina 'yong table.
Nag-disconnect na rin ako sa WiFi ng school bago pa makapag-send uli ng message si Marcus. Baka si Helga na ang mahampas ko. Busy pa naman siya kumuha ng stolen shots ni Ash.
No'ng umalis kami ng canteen, kumakain pa rin sina Marcus at Ash. Panay ang tingin ni Marcus sa cellphone niya.
Ang dami kong naging energy sa buong afternoon class hanggang pag-uwi.
When night came, I bade him goodnight.
Na-seen uli ako. But the exchanges of the day assured me that his seen wasn't equal to being ignored. #

Invisible Girl (Chat MD Series #1) (Published under Flutter Fic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon