Day 27: Perfume

194 8 0
                                    

Perfume
-----

Nagpi-prep ako ng adsorbent, solvents at aluminium sheets na gagamitin namin sa lab nang naramdaman kong nakatingin sa 'kin ang mga tao.

"Bestie -"

"Alfonso," tawag ni Prof. Kidana sa 'kin, "may naghahanap sa'yo."

Napaangat ako ng tingin malapit sa laboratory door kung saan nakatayo si Prof. At nabitin ang paghinga ko nang makita kong nakatayo sa tagiliran niya si Marcus.

Naka-uniform si Marcus. Maliwanag ang bukas ng lab door sa likod niya. Para tuloy may ethereal light na nakapaligo sa kanya habang nakangiti... sa 'kin?

Nag-check ako sa likod ko. Si Jerome ang nakapwesto. Sa tabi ko, si bestie.

So, sa 'kin nga siya nakatingin at nakangiti? Bakit?

"Alfonso," sabi uli ni Prof. Tinanguan ako.

Napalunok ako. Kumalabog ang dibdib.

"Oy, bestie... May kailangan sayo si Marcus," nakangiting sabi ni bestie. Siniko-siko ako.

Bakit nandito siya? Para ba sa panyo? Pero ang sabi niya, hindi siya makakadaan ngayong araw sa kahit na anong klase ko dahil busy siya.

"Oy, bestie..." natatawang sabi ni Helga at dumikit sa 'kin. "Tulala ka na diyan.

Nag-usap sandali si Prof. Kidana at Marcus habang paminsan-minsang natutuon sa 'kin ang paningin. Nagtanggal naman ng gloves si bestie, hinawakan ako sa magkabilang balikat at sinimulang itulak papunta sa pinto.

"Bestie... 'wait..." bulong ko kay Helga. Sinusubukan kong i-flat 'yung paa ko sa sahig ng lab para hindi mabilis na maitulak. Pero parang may sapi si bestie. Ang lakas niya.

"Muntik mo na ngang i-kiss e. Tapos, ngayon, ayaw mong lapitan?" bulong niya rin sa 'kin.

Nanlambot ang tuhod ko at nag-init ang mukha. Ipinaalala pa talaga sa 'kin 'yung kabaliwan ko. Sa sarili ko pa nga lang, hiyang-hiya na 'ko!

"Hi, Jenessy," bati ni Marcus nang makalapit kami.

Nag-angat ako ng tingin sa kanya sa protective glasses ko. Nagsalubong ang mga mata namin. Naghinang ng ilang saglit bago ako mapatungo.

Bakit gano'n? Parang ang intense niya tumingin?

Humakbang ako paatras, kinapa ang braso ni Helga at hinila sa tabi ko. Baka himatayin ako, kailangan ko ng tagasalo.

"Ano..." - lumunok ako - "Hi!" Nag-angat pa 'ko ng kamay at kumaway nang maliit sa kanya.

Mahina siyang tumawa. Kinagat ko naman ang lower lip ko.

Ano ba 'yan?! Tawa pa lang niya, gusto ko na namang hampasin o kurutin si Helga.

"Bakit ka nandito, Marcus?" tanong ni bestie sa kanya.

"I came to return your handkerchief, Jen," tawag niya sa atensyon ko.

Automatic akong nag-angat na naman ng tingin. Bago ako makakurap ay nagtagpo na ang mga mata namin. At hindi na 'ko makahiwalay sa titig niya.

"Thank you for that night at the church. I'm really grateful."

Marahan akong nagbuga ng hangin kahit natetensyon. Ang amo ng mukha niya. Ang lambing ng boses. At ang daming sinasabi ng mata niya. Ano'ng dapat kong sabihin?

Napahinga ako nang malalim at naamoy kong... may pabango ako!

Hindi ko napigilan ang panlalaki ng mata ko. Hindi pwedeng maamoy ni Marcus ang pabango ko! May pabango ni En 'yung neck pillow! Baka maamoy niya ang pagkakaparehas!

Unti-unti akong humakbang ng dalawa paatras habang magkahinang pa rin ang mga mata namin.

"Here's your hanky." Iniunat niya ang kamay niya para iabot ang panyo ko.

Humakbang pa 'ko uli ng isa at iniunat naman ang kamay ko para kunin ang panyo.

"Okay..." halos bulong ko sa hangin.

"I also have a gift for you," sabi pa niya at iniaabot naman ang isang paperbag.

Napatingin ako sa paperbag.

"Please, take it."

Siniko uli ako ni bestie.

Hindi ko agad naabot 'yung ibinibigay ni Marcus kaya humakbang siya palapit at inilagay sa kamay ko ang bag.

At sa gano'ng lapit niya, nawala sa paningin at pansin ko ang lahat ng mga tao sa paligid namin.

"Thank you for coming for me," mahinang sabi niya.

Halos nakatingala ako sa kanya. Tumango lang ako.

Naghinang ang mga mata namin ng ilang sandali bago umangat 'yung kamay niya, na parang hahawakan ang side bangs ko. O mukha?

I was frozen. I couldn't stop him or say no. Pati paghinga ko, parang huminto na rin.

"Hep!" putol ni Helga na halos gumitna sa amin. "May lab pa kami, Marcus."

Pasimple akong suminghap ng hininga.

Sinilip ako ni Marcus sa likod ni Helga. "Right."

Matipid akong ngumiti. Pinipigilan kong suminghap nang suminghap ng hininga kahit parang kapos na kapos na 'ko sa oxygen.

"Thanks, again, Jen. I hope you like my gift," sabi niya sa akin.

"Thank you rin," I managed to whisper.

Bumuntong-hininga siya. Ngumiti. Tumitig pa uli.

"See you."

Tumango lang ako. Nagpasalamat si Marcus kay Professor Kidana bago tuluyang umalis. #

Invisible Girl (Chat MD Series #1) (Published under Flutter Fic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon