Day 31: Lasagna

223 8 0
                                    

Lasagna
-----

"Maluluto na?" tanong ni Helga sa 'kin. Parehas kaming nasa kusina nila, nakabantay sa lasagna na nasa oven. Kumakain siya ng minatamis na macapuno.

"Malapit na," sagot ko sa kanya at nagbuga ng hangin para makalma.

Kinakabahan na naman kasi ako. Nandito kasi sa bahay nila si Marcus. Sasabay raw mamaya sa simba pero maagang tumambay kahit wala si Kuya Harry. Iniiwasan yata ang ex-girlfriend na si Laurice na pinuntahan ito sa bahay.

Ang plano namin ni bestie, makikipag-usap ako kay Marcus. Pero mukhang busy siya sa laptop. Mula pagdating niya, habang nagluluto ako, pumuwesto siya sa sala at nagbukas ng laptop na dala. Parang academic papers 'yung ginagawa niya. Pwede ring research.

"Ang tagal naman niyan. Sayang oras n'yo ni Marcus. Para makameryenda kayo nang magkasama," sabi ni bestie sa 'kin.

"Parang busy rin naman siya e."

"E siyempre! Wala naman kasing tao sa sala no. Sila Manang Patring, hindi naman makikipag-usap sa kanya. Hanggang tanong lang sila kung may kailangan. Pero nasabi ko na kay Marcus na nagluluto tayo ng lasagna. Sa garden tayo kumain mamaya. Ta's, iiwan ko kayo. Yi..."

Ngumiti ako kay bestie. "Okay lang naman kung busy siya. Do'n na lang natin bigyan ng pagkain sa sala. Baka importante 'yung ginagawa niya."

"Ayoko nga. Pinaluto ko 'yung lasagna para sa moment n'yo no!" kontra ni Helga. "Dapat may moment kayo, or else, pababayaran ko 'yan."

"Hala!" Sumimangot ako.

Bumungisngis si bestie. Tumunog naman ang indicator ng oven.

"Ayan, luto na! Bilis! I-prep mo na. Ipapahanda ko kay Manang 'yung juice!"

Tumakbo si bestie palabas ng kusina habang tinatawag si Manang Patring.

Inilabas ko naman 'yung lasagna sa oven. Umuusok pa. Masarap ang amoy. Ang sabi ni Marcus, naging favorite niya ang lasagna dahil favorite ng Mommy niya. Pangalawang beses na ngayon na nilutuan ko siya nito. Yung una, no'ng dumalaw kami sa ospital no'ng na-stroke 'yung Dad niya.

Lumapit ako sa platera nila Helga, tumingkayad at kumuha ng platito at kubyertos.

Matangkad ang platera nila. Iba't ibang disenyo na pinggan, bandehado, platito at mangkok ang nakahanay sa loob. 'Yung platera namin sa bahay, kapag binuksan, bilang sa daliri ang gamit. Dadalawa lang kasi kami ni Nanay. Bihira rin kami magkaroon ng bisita.

Dito sa bahay nila bestie, laging may sobrang gamit para sa madalas na mga bisita. Iba pa rin 'yung mga gamit na inilalabas lang kapag may okasyon. Parehong kilalang doktor ang head ng mga Lastimosa.

Maluwag din ang kabuhayan nila at malaki ang bahay. Ang kusina nila, kasinglaki na ng salas namin. Ang dining room nila, doble ng kusina nila. At ang kuwarto niya, halos kalahati na ng bahay namin.

Nakaplato na 'yung lasagna nang pumasok sa kusina si Manang Patring para gumawa ng juice.

"Sa garden po kami magmemeryenda, Manang. Pakidala na lang po ro'n 'yung juice," sabi ni Helga at sumenyas sa 'kin. "Dalhin mo na 'yan do'n, bestie. Ako na tatawag kay Marcus."

Ang lakas ng tibok ng puso ko no'ng naghanda ako ng pagkain sa gazeebo sa garden. Nasa gitna ang pan ng lasagna. May basket ng garlic bread. May bowl ng white cheese. May pitsel ng tubig.

Ilang minuto na nakatitig lang ako sa mesa kaysa umupo. Parang gusto ko nang umuwi. Hindi ko naman alam kung pa'no i-entertain si Marcus. Baka kung anu-anong creep alert ang masabi ko.

"Kain na tayo!" sabi ni bestie pagdating nila.

Sumulyap sa 'kin si Marcus at ngumiti. "Ikaw raw nagluto sabi ni Helga?"

Invisible Girl (Chat MD Series #1) (Published under Flutter Fic)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon