Handkerchief
***
"Good evening po, Tita."
Uminit 'yong tainga ko pagkarinig sa boses ni Marcus. Kahit hindi pa 'ko lumingon sa pinto ng bahay nina Helga, alam kong siya 'yong bagong dating.
Siniko ako ni bestie sa pagkakaupo namin sa sofa. Dalawang ulit. Hindi naman ako makatinag. Deretso lang 'yong tingin ko. Nakahihiya kasi sumulyap kay Marcus. Baka masabi ko bigla na ako si En. O 'di kaya, maramdaman niya. Oh no!
"Tuloy, Marcus. Naliligo pa si Harry," sabi ni Tita Ludy na nasa porch.
"Thanks, Tita."
Naamoy ko 'yong pabango niya bago pa siya maupo sa single seat sa tagiliran ko. Nakikipag-unahan na naman sa hininga ko 'yong tibok ng puso ko.
Ang bango niya! Ang sarap huminga nang malalim!
"Nasa'n si Ash, Marcus?" tanong ni Helga. "Hindi mo niyayang magsimba?"
"Gumagawa pa siguro ng kasalanan," sabi niya sabay tawa nang mahina.
"Marami na siya n'on! Araw ng pagbabawas ngayon." Pumalatak si bestie.
Naninigas lang ako sa pagitan nila. Bakit kasi ako nasa gitna? Bakit hindi siya ro'n sa kabila naupo?
"Hi, Jenessy."
Bumaling ako sa kanya. Nahihirapan mag-stretch 'yong facial muscles ko para ngumiti.
Hi.
Oh my God! Bakit walang lumabas na boses?!
May kumalat na init mula sa tainga ko papunta sa mukha.
Lalong napatitig sa 'kin si Marcus. "Huh?"
Binawi ko 'yong tingin ko. Napatungo ako sa hiya.
"Ay, malat ka, bestie?" tukso ni Helga sa 'kin. Lalong uminit 'yong mukha ko. "Sorry, Marcus. Mahiyain 'yong boses nito ni Jenessy Alfonso."
"Ah . . ."
Nakatingin pa rin sa 'kin si Marcus.
"Hindi naman . . ." bulong ko. Tunog-paos.
Ayoko na sa upuan! Gusto ko nang umuwi!
"Ano 'yon uli?" tukso ni Helga at inakbayan pa 'ko. Inilapit pa sa 'kin 'yong mukha niya habang nakangisi.
Bully, naisip ko.
Alumpihit ako sa upuan. Bakit ganito? Bakit Hi na lang, hindi ko pa magawa?
"Sorry . . ." bulong ko at sumulyap kay Marcus.
"I heard you." Bahagya siyang ngumiti. "Nothing's wrong, Jenessy."
Ang tipid ng ngiti ko sa kanya 'tapos tumungo na uli ako. Pagbaling ko kay bestie, nagdudutdot na siya sa cellphone niya. As usual, wala lang sa kanya 'yong panunukso niya.
Tahimik na rin si Marcus. At nao-awkward ako.
"O, nandito na ang guwapo!"
Ang bilis nabaling ng tingin ko kay Kuya Harry.
"Marcus honey! Sasabay ka na naman magsimba? 'Tapos sasabay ka na naman gumawa ng kasalanan?" Palatak. "Kaya tayo nagiging close eh!"
"Boring sa bahay. Magtitiis na lang ako sa ingay mo," sabi ni Marcus.
Ang tunog ng halakhak ni Kuya Harry. Parang nagsasayaw pa 'yong mga mata niya. "Naks. Nami-miss mo 'ko? Baka iba na 'yan, ah. Kahit guwapo ka, si Neah lang ang gusto ko."
"Ayos lang 'yan. 'Di ka pa rin niya gusto."
Napangiti na lang ako sa usapan nila.
Bumungad si Tita mula sa porch habang nakalagay pa 'yong cellphone sa tainga.
"Let me just finish this call bago tayo umalis, okay? Harry, check the van. Do'n na tayo sumakay para maluwag. Helga and Jenjen, check your things."
Nag-yes kaming lahat kay Tita bago lumabas ng bahay.
***
Nagsusubo na ng ostiya nang mapansin kong nawala sa loob ng simbahan si Marcus. No'ng una, akala ko, nakapila pa siya sa communion. Kami kasi ni Helga, laging umuuna sa pila. Impatient kasi maghintay si bestie at ayaw rin ni Tita na nagpapahuli kami. Si Kuya Harry naman at Marcus, madalas magpahuli kasi ladies first daw.
Pero nakabalik na si Kuya Harry, wala pa rin siya.
"Sa'n si Marcus? Baka hanapin na ni Mommy," bulong ni Helga sa 'kin.
For some reason, kinakabahan ako. Kanina kasi, sa Ama Namin, napansin kong nagbago 'yong mood ni Marcus. Kumunot 'yong noo 'tapos may sinusundan siya ng tingin. Ang kaso, 'di ko napansin kung ano o sino.
"Excuse me, ah . . ." sabi ko kay bestie. Hindi ko na kailangang sabihin na hahanapin ko si Marcus.
"Sige. Bago maghanap si Mommy," aniya.
Tumango lang ako kay bestie 'tapos lumabas na 'ko ng simbahan. Nagbaka-sakali akong tumingin sa public restroom pero wala ro'n si Marcus. Nagbaka-sakali na rin ako sa mga tagiliran. Sinuyod ko ng tingin 'yong mga nagso-smoke kahit na alam kong 'di siya naninigarilyo.
Pagdating ko sa likuran ng simbahan, sa tagiliran ng parking, may namataan ako. Medyo madilim kaya inayos ko 'yong salamin sa mga mata ko para makakita nang mas maayos kahit na hindi masyadong nakatulong. Pero base sa tindig at sa bulto ng katawan, si Marcus ang naroon.
At sino 'yong kausap niya?
Naglakad ako palapit. Habang humahakbang, naririnig ko nang bahagya 'yong pagsisigawan nila. Una kong nabosesan si Marcus. Mataas at galit ang tono niya kaya lalo akong kinabahan.
"Idini-display mo, Dad!"
Oh my God! Dad niya ang kausap niya? Natigil ako sa paglapit. Maybe I was hearing something I was not supposed to hear.
"Alam mong dito nagsisimba si Mommy! Kilala siya ng mga lays at ni Father Damian! And you're bringing . . ." Dama ko sa tono ni Marcus ang pagpipigil. "Bullshit naman!"
"Huwag mo akong pagtaasan ng boses! Kaya nga nauna na kaming lumabas ni Patty para wala nang makakilala—"
"Kung ayaw mong may makakilala, sa ibang simbahan sana kayo nagpunta! Kaunting respeto naman kay Mommy! Kamamatay pa lang niya pero 'ayan ka na!"
"Marcus!"
"'Wag kang mahiya ngayon, Dad! Sana, kanina pa! Alam mo ang ginagawa mo—"
Lumipad ang kamao ng daddy niya. Napahakbang paatras si Marcus pagtama niyon sa kanyang mukha. Napabiling siya.
Tumigil naman sa pagtibok ang puso ko.
Gusto kong tawagin si Kuya Harry para umawat, kaso baka hindi ako umabot. No'ng nakita kong aamba na rin ng suntok si Marcus sa dad niya, tumakbo 'ko palapit.
"'Wag, Marcus!"
Hindi ko alam kung ga'no kalakas ang naging sigaw ko pero napatigil siya. Lumingon. Isang sigaw pa lang, nanakit na ang lalamunan ko. 'Tapos nakita kong nagdudugo 'yong labi niya. Huli na nang mapigilan ko ang pagpatak din ng mga luha ko nang tuluyan akong makalapit.
It was the first time I saw him filled with anger. Nangingintab sa galit at luha ang mga mata niya. Gumagalaw ang panga sa pagpipigil habang kuyom ang kamao. Alam kong susuntukin niya talaga ang dad niya kung walang nakaharang.
Kaya nakaharang ako sa kanilang dalawa kahit nanghihina ako.
"'Wag, Marcus . . ." samo ko sa kanya habang umiiling. Nanginginig ako kasabay ng boses ko. Napapalunok. "'Wag. If you do that, you can't it take back . . ."
Lalong nagusot ang mukha niya sa pagpipigil. Nakatingin siya sa 'kin. I didn't know how to convince him with words. Pero matatag kong sinasalubong ang mga mata niya, trying to show him my conviction to stop him, hoping he could be persuaded.
"He's your dad . . ." sabi ko at ikinulong ang kamao niya sa dalawang kamay ko. Ibinaba ko ang kamao niyang nakaamba bago ako humarap sa dad niya. "Tama na po, Sir . . ." piyok ko.
Kamukha niya ang dad niya kaya para akong nakatingin sa older version ni Marcus. Parehas silang may ningas ng galit, ng pagtitimpi. Bukod pa ro'n, may anino ng pagsisisi ang dad niya. I had seen a face like that before—sa sarili kong Tatay. It was a face of someone who wanted to say something but couldn't.
Lalo akong napaiyak.
"Sorry, Sir. Let this pass, Sir. Nasugatan na siya . . ."
Tumingin lang ang dad ni Marcus sa amin bago walang kibong tumalikod at umalis.
Pagharap ko uli kay Marcus, nakababa na ang mga mata niya. Pero ramdam ko pa rin ang tahimik na galit na kinikimkim niya habang nagdudugo ang labi.
Injury na naman. May pasa pa nga siya no'ng nakaraan, 'tapos ngayon, may sugat na naman siya. Gusto ko siyang pagalitan kaya lalo akong naiiyak. Ang lakas tuloy ng sigok ko.
"Nasa'n 'yong panyo mo?" masama ang loob na tanong ko sa kanya. May ibinigay akong isang dosenang panyo na may embroidery ng initials niya. Siguro naman, may dala siya kahit isa.
"Wala."
Pumalatak ako sa inis. "Bakit hindi ka nagdadala?" sita ko at napaiyak uli. "Pa'no 'pag ganitong nasugatan ka . . .?"
Kinuha ko ang panyo ko sa bulsa ng palda ko at itinaas 'yong mukha niya para makita ko nang malinaw ang injury. May cut ang lips niya. Hindi ko alam kung pa'no tutuyuin lahat ng dugo. Idinampi ko ang panyo sa tagiliran ng labi niya. Maingat, para 'di siya masaktan. Pumipikit ako nang mariin para malaglag nang mabilis ang luha ko. Panay kasi ang panlalabo ng mga mata ko sa pag-iyak.
"It will hurt . . ." sabi ko sa kanya, sumisinghot. Hindi ko mapunasan 'yong luha ko kasi okupado ang kamay ko.
"Let me," sabi niya at kinuha sa kamay ko ang panyo.
Nang mapatingin ako kanya, wala na ang rage na una kong nakita. Lungkot na lang. Parang nakalma na rin siya.
Nagkatinginan kami. Natahimik.
'Tapos, dumampi ang palad niya sa pisngi ko. Pinalis ang luha ko.
Natigil naman ako sa pag-iyak. 'Yong init kasi ng kamay niya, parang naiwan sa balat ko.
"Dry your tears," mababa ang boses na sabi niya at ngumiti nang matipid sa 'kin.
Pinahid ko ng kamay ko 'yong luha ko. Itinaas ko pa nang kaunti ang salamin sa mga mata ko.
"Here," he said.
Kinuwit niya 'ko sa baba at itinaas ang mukha ko sa kanya. Kinakabahan ako no'ng magtagpo ang mga mata namin.
Binaligtad niya sa pagkakatupi ang panyo bago niya idampi sa bakas ng luha sa mukha ko. Nang tuyo na ang mukha ko, ibinalik niya sa dating tupi at idiniin sa sugat sa lips niya.
"Sorry. May dugo 'yong isang side," paliwanag niya.
"Alam k-ko naman . . ."
Natahimik kami nang ilang sandali. Ako, nakatingin lang sa kanya. Siya, nabubuntonghininga at nakatungo.
Pumagitan sa amin ang matunog na palakpakan sa loob ng simbahan, tanda na tapos na ang misa.
"We should go back," sabi niya.
"Yes."
Tahimik kaming naglakad pabalik sa simbahan, sa mga kasama namin. #
BINABASA MO ANG
[Part 1] Chat MD 1: Invisible Girl
RomanceChat MD Series 1: Invisible Girl An invisible girl. A popular boy. And the exchange of messages between them. [Epistolary | Young Adult | Romance] NOTE: This is already published under Flutter Fic. I hope you can support the book!
![[Part 1] Chat MD 1: Invisible Girl](https://img.wattpad.com/cover/61809611-64-k982132.jpg)