· Mong
Mag-isa sa kwarto. Inabala ni Mong ang sarili na ayusin at butingtingin ang lumang piano na dating tinutugtog niya nung bata pa siya. Binuksan ang lumang instrumento, inalis ang alikabok at sinalat ng mga daliri niya ang bawat piyesa ng piano. Pinindot niya ang isang piyesa na lumikha ng isang tunog sapat na para balikan ang isang alaala. Tinuloy niya ang pagtugtog at pikit matang nilasap ang musikang nagbigay luha sa kanya.
Umalingawngaw ang tunog ng kantang 'Naaalala ka'. Ang kantang tinuro nya kay Tracy na tinugtog nito sa kasintahang si Miyu. Ang kanta ring bumalik sa alaala niya noong naging sila ni Miyu. Ang kantang kinanta sa kanya ni Miyu. Ang kantang pinapaalala na si Miyu at Monica lang sa mundo. Pinapaalala ang saya ng nakaraan, sakit ng sakripisyo, lungkot ng pagkawala.
Pumatak ang mga luha ni Mong sa keyboard, nakayukong tumatangis, natatakpan ng mahabang buhok ang mukha. Mga pisnging basa ng luha. Napaupo ito sa sahig, yinakap ang sariling binti at ibinaon ang mukha sa mga tuhod niya.
"Te. Tara na. Naghihintay na sila sa labas." Si Kath. Tinatawag na si Mong para ihatid na ang mga katawan nila mang Jimmy, aling Amy at Miyu sa huli nitong misa at patungo sa libingan nito.
· Tracy
Mag-isa sa Jam room nila. Nakaupo si Tracy sa harap ng kulay itim na grand piano. Nakangiti habang naluluha. Inaalala ang panahong pinagsamahan nila ni Miyu sa loob ng kwartong ito. Binuksan nito ang natatakpang keyboard ng piano. Nag-umpisang magtuloy tuloy ang mga patak ng luha na dumaan sa pisngi at pumatak sa isang piyesa ng piano. Sinalat ng mga daliri nito ang bawat piyesang madaanan.
Sinimulan niyang tugtugin ang kantang "Naaalala ka', na bumalik sa kanya sa alaalang kasama niya si Miyu at katabi sa mismong inuupuan niya ngayon. Kinanta ang mismong kanta na inalay sa lalaking minahal niya. Pero halos walang salitang lumabas sa bibig niya. Pabulong na kinanta na ang pwede lang makarinig ay ang sariling kaluluwa.
Bumigat ang mga kamay nito sa mga piyesa sa bawat bagsak ng mga daliri. At biglang binagsak pasara ang takip ng keyboard nito na nag-iwan ng malakas na ingay at biglang katahimikan.
Umiiyak at nagsisisgaw na si Tracy habang pinapalo ang grand piano na animo'y gustong wasakin ito. Dumating agad si Jose at Kulas para aluhin ito. Yumakap si Tracy at binuhos ang mga luha sa balikat ng kapatid. Hinawakan ni Jose ang kamay ni Tracy na namumula pa at hindi maitatago ang sakit.
"Tara na. Hindi na tayo pwedeng mahuli sa misa."
· Jose at Kulas
Habang abala si Jose sa pagpindot ng cellphone niya, lumapit si Kulas at sinamahan ang pinsan sa terrace ng bahay nila.
"Pinsan. Pinagkakabusyhan mo dyan?" tanong ni Kulas.
"Sinusubukan kong kontakin si Kara. Hindi sumasagot eh." Sagot ni Jose. "Tawagan mo nga si Layla. Pasabi kontakin ang babaeng yun."
"Sige, mamaya. Kakatawag nya lang kanina. Baka kausap pa nya si Dabe ngayon."
Sandaling natahimik at nakatitig lang sa kawalan ang dalawa.
"Hay. Wala na si Miyu." Sabi ni Jose. "Nakakabigla ano."
"Oo nga." Sagot ni Kulas. "Parang kailan lang nung makilala natin yun. Ang bilis lang ng panahon. Andami na nangyari sa isang taon."
"Kung hindi dahil sa kanya, hindi natin magiging jewa si Kara at Layla."
"Hehehe. Sira-ulo. Jewa talaga ha? Dami din nating utang na loob sa taong yun. Kung iisipin nga, utang din natin ang buhay natin sa kanya. Naalala mo nung una nating nakita sila Miyu?"