PRAEVARICATUS 14

46 1 0
                                    

Feel your feelings.

Splash.

Parang tubig na bumalot sa katawan nila ang berdeng manequin kanina. Mistulang yelo ito na bigla na lamang natunaw nang hawakan nila. Ang pinagkaiba lamang, imbes na matunaw pababa ay sa kanila umagos ang berdeng likido.

Nang makabalik sa ulirat ay nakita na lamang ni Sham ang sarili na nakatayo sa gilid ng isang sambahayan. Umayos siya ng tindig at nagsimula nang maglakad. Nang bigla niyang maalala ang kasama.

Napasinghap si Sham. "Denim?"

Katahimikan.

Ilang sandali pa ay umihip ang hangin. Ang lamig. Saan naman kaya niya hahanapin ang kasama?

"Hahahaha."

"Yiiieee."

"Game pa!"

Napalingon si Sham sa kanyang kanan. May isang bahay doon. Mukhang nagkakasiyahan ang mga tao. Na-curious tuloy siya. Lumapit siya doon at sumilip.

Madaming tao sa silid. Kung titignan, siguro'y mga nasa edad 19-20 ang mga naroon.

Lumibot pa siya ng tingin. May mga handang pagkain sa mesa. May karaoke sa screen. By the looks of it, they are having a party.

"Para sayo." Napalingon si Sham sa kaliwa. Isang lalaking may pagkaalon ang buhok ang nag-aabot ng regalo sa katabi nito. Napansin ni Sham ang itim na pulseras na nakapulupot sa kamay nito. Katamtaman ang kaha ng katawan ng lalaki na may kulay-kaki na balat.

Hindi naman niya gaanong makita ang pinag-aabutan ng regalo kaya't lumapit pa siya. Nagulat siya nang makita ito. 'Yung babae sa mall.

Ngumiti ang babae nang inabot niya ang regalo mula sa lalaki. "Salamat," nahihiya pa nitong sabi. May kinuha naman siya mula sa likuran. "O."

Kinuha naman agad ng lalaki ang regalong binigay ng babae. Nangingiti pa ito na para bang kinikilig.

Mula sa kinatatayuan ay napasulyap naman si Sham sa nakasalaming lalaki na 'di kalayuan sa nagbigayan ng regalo. Maputi ito ngunit 'di hamak na mas payat at mas maliit kaysa sa naunang lalaki.

Subalit hindi iyon ang nakapukaw ng interes ni Sham. Bagkus ay ang emosyong ikinukubli nito. Sa likod kasi ng nakangiti nitong mukha ay naaaninag niya ang bigat ng kalooban nito. Sa gayong sandali din ay nakita niya ang mga mata nitong nangingilid sa luha habang nakatingin sa dalawa.

Splash.

Napasinghap na naman si Sham nang maramdaman ang agos ng tubig kasaliwa ng kinatatayuan niya. Napakalamig ng tubig. Ilang sandali pa ay humupa na ito at napadpad siya sa isang bench.

Luminga-linga siya sa paligid. Parang nasa hallway siya, pero mas maluwag ang espasyong nakikita niya. Mayroong mga kabataan na dumadaan. Dulot ng kanilang hitsura ay mahuhulaang mga estudyante sila kahit na hindi sila naka-uniporme.

Sa ilang sandaling pagmamasid ni Sham ay napansin niya ang akto ng mga dumadaan. Napapatigil sila sa isang banda ng lugar na iyon dahil sa iilang mga kabataan na naroon. Nakalinya ang mga ito na tila ba'y may pinapraktis na kung ano.

Habang nanunuod ay napansin naman ni Sham ang isang pareha ng lalaki at babae sa may likuran lamang ng mga nakatayo. Nagulat siya nang makita nanaman ang babaeng iyon. Nakaupo ito at hawak-hawak ang sneakers. Busangot ang mukha nito na animo'y naiinis sa suot nitong heels. Kasama niya ang lalaking maalon ang buhok. Mistulang nakaluhod ito paharap sa babae at tinutulungan siya sa pag-aayos ng heels.

Nag-uusap ang mga ito ngunit dahil medyo malayo siya ay hindi niya marinig ang usapan ng dalawa. Nakita na lamang niya na inabutan ng lalaki ng tubig ang babae. Tinanggap naman ito ng babae at animo'y nagpapasalamat. Nagngitian sila.

Splash.

Sa ikatlong pagkakataon ay naramdaman na naman ni Sham ang lamig ng berdeng likido na dumaloy sa kanyang katawan. Nang humupa ito ay isang mapunong lugar ang kanyang nadatnan.

Mangilan-ngilan lamang ang mga tao roon. Hindi katulad ng mga nauna niyang nakita, mukhang hindi magkakakilala ang mga tao sa lugar na iyon. Iba-iba kasi ang kanilang mga pinatutunguhan at ginagawa.

Inilibot niya ang tingin. Sa harap niya ay may lamesang may disenyo katulad ng isang chess board. Sa gilid naman ay mayroong ilang sementadong upuan.

Lumapit pa siya at nakita ang babaeng iyon. Nakagayak ito na para bang sasali sa takbuhan. Sa gilid niya ay nakaupo ang lalaking nakasalamin na nakita niya kanina. Nagkukwentuhan sila nang masaya kasama ang isa pang babae at dalawang lalaki.

Maya-maya ay may dumating na dalawa pang lalaki. Ang isa ay maliit lamang at payat. Ngunit kung titignan ay may kalaliman ang kahulugan sa mga mata nito na mistulang iniistema ang bawat nakikita. Sa tindig naman nito ay mababanaag ang pormalidad.

Ang pangalawang lalaki ay iyong mismong lalaki na may maalon na buhok na kanina pa nakikita ni Sham. Yapos nito ang isang bungkos ng bulaklak. Iniabot naman niya ito sa 'babaeng nakita nila Sham sa mall'. "Happy birthday."

Pabirong hinampas naman ng dalaga ang lalaki at kinuha ang iniaabot na bulaklak. "Salamat."

Sa gilid naman ay nakita ni Sham ang pag-iling ng lalaking nakasalamin.

Splash.

Lamig na naman ang dumampi sa balat ni Sham. Sa kanyang pagmulat ay namangha siyang agad. Isang laboratoryo.

Nakita niya ang babaeng iyon at ang lalaking nakasalamin na nagtatawanan.

Splash.

Nakita ni Sham ang babaeng iyon na nakaharap sa laptop nito. Tumatangis ito. Nagtaka naman siya kung bakit. Lumapit siya rito at nasulyapan ang mensahe sa screen.

"Titigil na ako. Mahalaga kasi talaga sa akin ang presence. I'm sorry."

Splash.

"Hatid na kita pauwi." Napalingon si Sham nang marinig ang boses ng lalaking nakasalamin.

Ngumiti lamang bilang tugon ang babaeng iyon.

Splash.

Naroon na naman si Sham sa bench kung saan niya unang nakitang nagpapraktis ang babaeng iyon at ang lalaking maalon ang buhok. Subalit sa pagkakataong ito, ang lalaking nakasalamin ang kasama ng dalaga.

"Sa pagtatapos ng taong ito, doon ko sasabihin ang mga thoughts ko sa iyo," saad ng babae.

Nginitian siya ng lalaking nakasalamin bago nagsalita. "Maghihintay ako."

Splash.

Iminulat ni Sham ang mata at tumambad sa kanya ang parehong lugar kanina. Naroon pa din ang babaeng iyon at ang lalaking nakasalamin. Gayunpaman, mararamdaman ang bigat ng kalooban ng bawat isa sa kanila.

Bumuntong hininga ang babae. Para bang hirap na hirap itong sabihin ang mga salitang kanina pa niya pinagsasanayan sabihin. "Itigil mo na sana ang paghihintay sa akin."

"Sham." Halos mapatalon si Sham nang tawagin siya ng boses ng isang lalaki. Hindi na niya kinailangang lumingon para malaman kung sino iyon. Sa kakaunting panahon na nagkasama sila ay tila ba kilalang-kilala na niya ang boses na iyon.

"Denim," she called, earnestly. Hindi niya alam pero parang naantig siya sa mga nakita. Mga taong naipit sa kumplikadong sitwasyon dahil sa pag-ibig. She felt like she badly need a hug.

Lumapit naman agad si Denim sa dalaga. "Nag-alala ako sayo," nanginginig pa ang boses nito na tila ay maiiyak.

Ipinikit ni Sham ang mga mata. Dinaramdam niya ang init ng yakap ng lalaki. It was the only thing she ever wanted at that moment. "O-okay lang ako."

Hinigpitan pa ng binata ang pagkakayap sa kaniya. Pagkatapos noon ay hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. Tinitigan siya nito ng nangungusap nitong mga mata. "Uwi na tayo?"

Napatango na lamang si Sham. Abala siya sa pag-iisip kung paano matutulungan ang mga taong nakita niya kanina. She will help them be happy. One way or another.

I'd Rather Lie (Watty Awards 2015)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon