"Heather?" May pag-aalalang tawag ko sa pangalan niya habang niyuyugyog siya upang magising. "Heather gising." Marahan ko siyang tinapik sa pisngi. "Heather."
Marahan siyang napamulat. Hindi lang eyelids niya ang namumula pati sclera ng mata niya.
"Ang taas ng lagnat mo. Uminom ka na ba ng gamot?" Tanong ko para alam ko kung ano ang ipapainom sa kanya, baka kasi magkaroon ng drug interaction kapag paiinumin ko siya ng panibagong gamot.
Namumungay ang mata niyang nakatingin sa'kin at bigla na lang napangiti. "Nasa langit na ba ako? Kasi may anghel sa harap ko." Sabi niya sa namamaos na boses.
Nahampas ko tuloy siya sa braso. Nag-aalala ako sa kalagayan niya pero nagawa pa niyang magbiro.
"Kainis ka talaga."
Tumayo na lang ako para kumuha ng bimpo at naghanap ng basin para paglagyan ng tubig saka siya binalikan. Nakapikit na ulit siya. Piniga ko ang bimpo sa palanggana at sinimulang punasan si Heather sa mukha.
Hindi pala dahil sa make-up kaya namumula ang pisngi at labi niya kun'di dahil sa lagnat.
"Heather." Tawag ko habang abala pa rin sa pagpupunas.
"Hm?" Tugon niya, nananatili pa ring nakapikit.
"Uminom ka na ng Paracetamol?" Tanong ko ulit.
"Hindi. Yakapsule at kisspirin mo ang hinihintay ko."
Buti na lang napigil ko ang sariling mahampas ulit siya. May sakit na nga, nagagawa pang magbiro at bakit ba kasi dito siya natulog?"
"Heather, lumipat ka na do'n sa kama mo, nahihirapan ka lang dito."
"Matagal na 'kong nahihirapan." Hindi ko inaasahang sagot niya. Dinedileryo na kaya siya?
Huminto ako sa ginagawa para pagmasdan si Heather, nananatili pa rin siyang nakapikit. Ang ganda talaga niya.
Inilagay ko sa basin ang bimpo at itinabi ito. Tumayo na rin ako at muling bumaling kay Heather, hinawakan ko siya sa kamay at maingat na hinila. "Tara na sa kwarto."
"Anong gagawin natin?" Alam kong nagbibiro na naman siya pero di ko na lang pinansin, inalalayan ko siya sa pagbangon at inakay papunta sa kwarto hanggang maihiga ko siya sa kama niya.
Binalikan ko sa sala ang mga ginamit na panbanyos sa kanya, itinapon ang tubig ng palanggana sa sink at muling binanlawan ang bimpo, pinigang mabuti pagkatapos ay nagtungo ulit sa kwarto. Itinupi ng maayos ang medyo basang bimpo at ipinatong sa noo ni Heather.
"Kumain ka na ba?" Tanong ko.
"Mn."
Sandali ko ulit siyang nilisan para kumuha ng Paracetamol sa lalagyan ko ng mga gamot. Mabuti na lang at meron akong medicine kit sa mga gamit ko.
Muli ko siyang binalikan dala ang gamot at isang baso ng tubig. "Heather, inom ka muna ng gamot."
Walang imik siyang bumangon at ininom nga ang bigay ko saka ulit nahiga at niyakap ang nakabalot sa kanyang kumot. Nanatili akong nakaupo sa tabi niya at pinagmasdan lang ang maganda niyang mukha.
Hindi naman sakit ang lagnat, sintomas lang ng sakit. Pero anong sakit ni Heather bakit bigla siyang nilagnat? Hindi naman siya sinisipon at parang wala ding ubo. Mukhang maayos din siya kanina no'ng tinitignan ko siya sa café.
Gusto ko siyang ipaghain ng mainit na sabaw sa paggising niya pero hindi ko naman alam magluto ng kahit ano.
Hinagilap ko ang cellphone para tawagan si Emil.
BINABASA MO ANG
Haraam (GxG)
Ficción General"Love one another" -A phrase that's both written on their holy books. But how could they love each other if it's considered haraam?