MALUNGKOT na sinundan ng tingin ni Donya Fatima ang dalawang katulong pababa ng hagdan habang bitbit ang maleta at ilang gamit na dadalhin ng bunsong anak pag-alis ng mansyon. Ito ang unang pagkakataon sa loob nang labing-walong taon na mawawalay sila dito.
"Mag-iingat ka sa pagmamaneho."
"Opo, pa."
"Bakit ba hindi ka na lang magpahatid kay Mando?" pagbanggit ng ginang sa isa sa mga drayber nila.
"Ma, binata na 'ko."
"Kahit na. Mas mapapanatag ako kung may kasama kang sanay sa pagmamaneho dahil baka mamaya maaksidente ka."
"Huwag ka ngang mag-isip ng ganyan, Fatima!" saway ni Don Lucio. "Tatlong oras lang naman ang biyahe patungong Pangasinan. At wala pa man noong lisensiya ang anak mo, nagmamaneho na siya."
"Hindi ninyo maaalis sa akin ang mag-alala dahil ina ako. Iba ang nararamdaman namin kaysa sa inyo!"
"Ma, mag-iingat lagi ako para sainyo. At tatawag agad ako."
"Basta, anak..." Inakbayan ng don si Edell, "Tandaan mo 'yung sinabi ko. Kapag bago natapos ang araw na ito at may sumakay o nakisakay saiyong babae, huwag mo nang pakakawalan dahil malakas ang kutob kong siya na ang unang mong magiging nobya!"
Nangingiting napailing ang binata. Mukhang mas desperado pa ang kanyang ama kaysa sa kanya na magkaroon siya ng lovelife.
"O, sige na. Bumiyahe ka na para hindi ka masyadong gabihin sa daan."
Matapos ang muling paalamanan ay inihatid na ng mag-asawa ang anak hanggang sa kotse nito.
"Tumawag ka kaagad para 'di ako mag-alala."
Mula sa pangalawang palapag ng mansyon ay palihim na nakasilip sa bintana si Aristocrat. Hindi nito maipaliwanag ang nararamdaman habang nakamasid sa labas. Naiinggit siya, nalulungkot, masaya. Halo-halo ang kanyang emosyon. Marahil tama ang ina niya, nagkulang siya bilang kapatid kay Edell.
"I love you, anak!" pahabol-sigaw ni Donya Fatima. Sinulyapan nito ang asawa matapos mawala sa paningin ang sasakyan, "Siguraduhin mo lang na hindi papalpak ang plano mo. Ayokong madagdagan ang sakit at hirap na pinagdadaanan niya."
Ngumiti lamang si Don Lucio. Tiyak niyang makikiayon sa kanya ang lahat lalo na ang tadhana...
----
IPINARADA ni Edell ang kotse sa tapat ng isang convenient store at bumaba para bumili nang makakain.
Inaasahan niyang bago mag-alas siyete ay nasa Lingayen na siya, kapital ng Pangasinan. Dito nabili ng mga magulang ang lupain na iniregalo sa kanya.
Muling napasulyap ang binata sa suot na relo. Pasado alas diyes na, pero nasa Dagupan pa rin siya. Ilang oras na lang ay hatinggabi na. Malapit nang matapos ang isang araw.
Pumasok na naman sa isip ni Edell ang naging paalala ng ama...
"Kapag bago natapos ang araw na ito at may sumakay o nakisakay saiyong babae, huwag mo nang pakakawalan dahil malakas ang kutob kong siya na ang una mong magiging nobya!"
Sunud-sunod munang napailing ang binata bago nito mabilis na hinubad ang orasan at ipinasok sa bulsa ng pantalon.
Kaya humaba ang biyahe niya at nagkaligaw-ligaw siya ay dahil sa katitingin lagi sa oras.
Pabulong na pinagalitan ni Edell ang sarili. Masyadong maraming pamahiin at paniniwala ang kanyang ama kaya hindi siya dapat nagpapadala o umasa sa bawat sinasabi nito.
"May bibilhin ka ba?"
Bahagyang napapitlag ang binata at napatingin sa direksyon ng counter kung saan ay taas-kilay at naka-ekis ang mga braso dito nang cashier. Nakatingin din sa kanya ang kasama nito na nakatayo sa kabila.
BINABASA MO ANG
DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANA
RomanceSYNOPSIS: Nakilala siya bilang DON ROMANTIKO noong kanyang kabataan. Ang panliligaw niya, idinadaan sa harana. Si EDELLBERTO SATURNINO. Nangangarap magkaroon ng makulay na pag-ibig, ngunit laging BASTED. He was not an every woman's fantasy; Mataba...