"TATAY, matagal pa po ba tayo?"
"Sandali na lang 'to. Pagod ka na ba?"
Abala ang mag-amang Opium at Apollo sa paghahalo nang pintura na gagamitin nila sa pagkukulay ng mga kabayo. Nakasanayan na sa rancho ang ganitong istilo tuwing may gaganaping okasyon dito.
"Mainit po kasi, tatay. Gusto ko na pong pumasok sa loob."
"Hindi puwede!" sita ni Allyda na napadaan sa puwesto ng dalawa habang tangan ang mga tuyong sinampay. "Magpahinga muna kayo, maligo, at magbihis bago tumapak sa bahay. Maliwanag?"
"Opo, nanay."
"Good."
Nagkatinginan at nagkangitian na lang ang mag-ama.
"Maghubad na lang tayo para mabawasan ang init."
Sabay na nagtanggal nang pang-itaas na kasuotan ang dalawa.
"Tatay, baka makita ako ni Frangela na walang damit?" pinagala pa nito ang tingin sa pangambang naroon sa paligid ang kanyang kalaro.
"Hindi 'yun magagawi dito dahil abala sila sa paglilinis at pag-aayos nang mansyon."
"Tatay, magiging lola ko na po ba si Miss Frincesa?"
Napaangat ng tingin si Opium nang sumagi sa kanya isip ang isang pangalan na kailanman ay hindi niya nakalimutan. PRINSESA.
"Dito na po ba siya titira sa rancho?"
"Siguro, pero okay lang 'yun para naman hindi puro kabayo ang pinagkakaabalahan nang lolo mo. Baka sakaling mawala na rin ang amoy kuwadra niya."
"Isusumbong kita, tatay!"
Napangiti ang binata. "Sige na, tapusin na natin 'to."
Muling natuon ang atensyon ng dalawa sa kanilang ginagawa hanggang may mapansin si Apollo sa ama.
"Tatay, ano po 'yan?"
Napatingin naman si Opium sa itinuro nang anak. Isa itong pelat na nadala na niya mula sa kanyang nakaraan. "Kagat ng aso."
Hindi namalayan o naulinigan ng mag-ama ang presensiya nina Francheska at Don Edell sa kanilang likuran. Hilam sa luha ang ginang habang tahimik na nakikinig.
"Masakit po ba, tatay?"
"Walang ibang mas masakit kundi turok nang mga karayom."
"Bakit ka po tinurukan ng karayom?"
"Pampalakas daw 'yun."
"Lumakas ka po ba, tatay?"
"Tumakas ako."
"Ha? Bakit po?"
"Hindi ko na maalala, basta ang natatandaan ko ay kailangan kong hanapin si Prinsesa."
Napasinghap si Francheska, ngunit maagap nitong natakpan ang bibig bago pa man siya makalikha nang ingay dahil sa paghagulhol.
"Sino po 'yun?"
"Mama ko."
"Nasaan na po siya?"
Nagkibit-balikat si Opium, "Baka nasa malayo o may iba nang mga anak. Iniwan at kinalimutan na niya ako."
"Hindi totoo 'yan!"
Sabay na napalingon ang dalawa.
"Walang araw at gabing nakalimot ako."
Tila eksena sa pelikula ang dahan-dahang pagtayo ni Opium sa kinauupuan habang ang mga mata ay nakapako sa luhaang ginang.
"Hindi ako tumigil sa paghahanap, hindi ako tumigil sa pagdarasal. Alam nang Diyos na wala akong ibang hiniling sa Kanya kundi ang makita ka."
Ito ang unang pagkakataon ni Francheska na makaharap ang binata. At hindi niya maitatanggi na malaki ang pagkakahawig nito sa kanyang panganay na kapatid.
"P-prinsesa?"
Napahagulhol ang ginang. Marahan itong tumango. "Patawad, Popoy!"
Umiwas ng tingin si Opium, mapait itong ngumiti at umiling. Mahirap paniwalaan na pagkatapos nang matagal na panahon ay muli niyang maririnig ang pangalang ibinaon na niya sa limot.
"Hindi kita iniwan," paliwanag agad ni Francheska nang makita ang naging reaksyon ng anak. "Lumabas lang ako para bumili nang makakain. Oo, medyo natagalan ako kasi hinintay ko na makausap ang lola mo sa telepono. Ibinilin kita sa nurse, pero nagkaroon daw ng dalawang magkasunod na emergency kaya walang nakapansin sa paglabas mo. Popoy..."
"Opium. Opium ang pangalan ko at hindi Popoy," pagtutuwid ng binata.
"Ikaw pa rin ang Apollo ko."
"Ako po si Apollo," singit ng bata na palipat-lipat ang tingin sa dalawa.
Sinenyasan ni Opium ang asawa nang lumabas ng bahay na ipasok muna sa loob ang kanilang anak.
Nagtataka man si Allyda dahil sa nabungarang eksena ay agad din itong tumalima. Sinulyapan pa nito si Don Edell na noon lamang niya nakitang umiiyak.
"Nanay, bakit po sila nag-iiyakan? May namatay po bang kabayo?"
"Ssshhhh!"
Hinintay naman muna ni Francheska na makaalis ang mag-ina bago nilapitan ang anak, "Popoy..."
"Opium. Opium Saturnino."
Kunot-noong nilingon ng ginang si Edell.
"Hindi ko alam," depensa ng don. "Inampon ko siya at ibinigay sa kanya ang dinadala kong apelyido."
"Nagsisisi ka na?" asik ni Opium.
Sa unang pagkakataon ay hindi nakaimik si Don Edell. Kapag nagkakaroon kasi sila nang bangayan ay hindi siya nagpapatalo dito.
"Anak, mabait na tao ang papa mo."
"Sinong papa ko?"
Itinuro ng tingin ni Francheska ang kinaroroonan nang don na tila lalong nanliit sa kinatatayuan.
----
"ANAK?"
Nadako ang mata ni Opium sa ginang na nakaupo sa kanyang tabi at nakahawak nang mahigpit sa kamay niya. Naroon pa rin sa mga palad nito ang pamilyar na init, hindi ito nawala kahit lumipas ang mahigit tatlong dekada.
"Huwag ka sanang magalit sa 'kin dahil hindi mo alam ang hirap at sakit na pinagdaanan ko mula nang mawala ka."
Marahan lang na tumango ang binata at ibinalik nito ang tingin kay Don Edell na tahimik lamang sa pagkakayuko. "Wala akong dinalang poot o hinanakit sa dibdib, pero siya ba talaga ang ama ko?"
Napasulyap naman si Francheska sa don at ngumiti dito, "Oo. At siya lang ang minahal ko noon hanggang ngayon!"
"Hindi nga?"
"Anak, huwag ka namang ganyan sa papa mo. Alam mo bang siya ang pinakamatinong lalake na nagmahal sa akin? Kinulang lang ang taas niya, ngunit abot-langit ang kabutihan ng kanyang puso."
"Sige na, sige na. Ayoko ng ganitong drama. Masyadong masakit sa batok!" sabay pukol nang makahulugang tingin kay Don Edell na kanina pa nakayuko. Hindi siya sanay sa istilo nito na tila pinagsamang basang-sisiw at maamong tupa. "Matatanda na tayo para dito. At hindi na rin maibabalik ang mga panahong nawala kahit tumangkad pa ang isa d'yan," patay-malisya itong umiwas matapos ang huling pahayag.
"Salamat sa pag-unawa, anak!" Mahigpit na niyakap ng ginang si Opium, "Mabait talaga ang Diyos sa taong marunong magdasal at maghintay. Kumpleto na ang kaligayahan ko. Wala na akong ibang mahihiling pa."
Gumanti naman ng yapos ang binata. Hindi niya maikakaila sa sarili na matagal niyang pinangarap ang tagpong iyon. Maraming taon din siyang nangulila. Maraming taon na lansangan ang naging tahanan niya, walang magulang at pamilya. "Alam mo bang na-miss kita, Prinsesa."
Napahagulhol si Francheska maging si Allyda. At nagtataka man si Apollo, minabuti nitong makipaglaro na lang sa kambal habang ang tahimik na don ay mabilis tumayo at lumabas ng bahay.
"Anong problema nang matandang 'yun?"
"Anak, please?"
"Pasensiya na, tao lang. Hindi madaling baguhin 'yung nakasanayan ko nang samahan namin."
"Naikuwento na sa akin ni Edell ang mga nangyari habang nasa poder ka niya. Oo, may bahagi na hindi siya naging mabuti, pero 'yun ay dahil wala siyang alam sa pagiging magkadugo ninyo. At nagawa lang daw niya ang bagay na iyon dahil sa pagtulong kina Roberto at Franco."
"Hindi ko naman isinisisi 'yun sa kanya dahil doon ko nakilala si Allyda," tumingin ito sa direksyon ng asawa.
"Mukhang masaya ka na ngayon sa buhay mo."
"Masayang-masaya." Natuon ang mga mata nito sa tatlong anak, "Tulad mo ay wala na rin akong mahihiling pa."
Ginagap ng ginang ang kamay ni Opium at masuyo itong pinisil. "Sana ay maibigay din natin ang kaligayahan ng papa mo."
"At ang kaligayahan niya ay mga kabayo."
"Anak, doon lang naman daw nabuhos ang oras at panahon niya para makalimot. Puwede na nga raw niyang ibenta lahat nang hayop dito sa rancho basta mapatawad mo lang siya."
"Sinabi niya 'yun?"
----
MABILIS na pinahid ni Don Edell ang mga luha nang matanaw nito ang papalapit na anak. Mahirap mang paniwalaan, pero ito ang totoo. Ang taong ilang ulit niyang inilagay sa panganib at ipinakulong sa Munti ay kadugo niya.
"Ano namang drama 'yan?" asik ni Opium nang makaupo sa tabi ng don.
"Ngayon mo lang ako nakitang ganito, 'di ba?"
"At hindi ako sanay!"
Sandaling namagitan ang katahimikan sa dalawa.
"Alam mo bang matapos ang dinaluhan kong karera nang kabayo noong araw na una tayong magkita ay pinuntahan kita sa istasyon ng radyo para siguraduhin kung nakarating ka doon?"
Hindi umimik ang binata.
"Wala ka na..."
"Dinala nila ako sa DSWD."
"At nagpasama ako sa kanila para kunin ka."
"Tumakas ako."
"BAKIT BA KASI TAKAS KA NANG TAKAS?"
Napatingin si Opium sa sumigaw na don. Nagkatitigan ang mga ito, nagsukatan.
"Bakit ba kasi takas ka nang takas?" pag-uulit ni Don Edell sa malumanay na tinig.
"Gusto kong hanapin si Prinsesa."
"Maliit lang ang Dagupan, bakit hindi kayo nagtagpo?"
"Dala siguro ng pagod, gutom at pangungulila kaya bumigay ang katawan ko. Wala na akong masyadong matandaan, pero may mag-asawang nakatira sa ilalim ng tulay ang kumupkop sa akin."
"Nasaan sila?"
"Hindi ko alam."
"Siguradong tumakas ka na naman sa kanila."
Muling binalot nang katahimikan ang pagitan ng mag-ama.
"Ayoko nang balikan pa ang mga masasakit na nangyari sa buhay ko dahil masaya na ako ngayon. At nagpapasalamat ako na nagbukas sa akin ang rancho."
"Dinala ka ng mga paa mo sa lugar kung saan ka nabuo." Bumalik ang kislap sa mga mata ni Don Edell nang bumaling sa katabi. He smirk just like his old self, "Alam mo ba noong kabataan ko ay mas guwapo ako sa'yo?"
"Wala akong makitang bakas ng sinasabi mo," wika ni Opium matapos pasadahan ng tingin ang don mula ulo hanggang paa.
"Ako ang ama mo."
"At pinagsisi-"
Pinalaki ni Don Edell ang mga mata upang ipahiwatig ang kanyang pagbabanta. "Pinagsisisihan mo?"
"Pinagsisisihan siguro ng iba na hindi sila ang anak mo. Ang suwerte ko, 'no?"
Nagkatawanan ang dalawa. There was no barrier at all, no hatred and anger. Sa tagal ng kanilang pinagsamahan, minahal at pinahalagahan na nila ang isa't isa kahit maraming bagay silang hindi pinagkakasunduan.
"Noong una at pangalawa nating pagkikita, alam mo bang Apollo ang totoo mong pangalan?"
"Isa sa mga hindi ko kinalimutan."
"Bakit hindi mo sa akin sinabi?"
"At sino namang may matinong pag-iisip ang magbibida ng pangalan kung ang magiging kahati ay kabayo?"
BINABASA MO ANG
DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANA
RomanceSYNOPSIS: Nakilala siya bilang DON ROMANTIKO noong kanyang kabataan. Ang panliligaw niya, idinadaan sa harana. Si EDELLBERTO SATURNINO. Nangangarap magkaroon ng makulay na pag-ibig, ngunit laging BASTED. He was not an every woman's fantasy; Mataba...
