Chapter 5

1.5K 55 1
                                    

  "GOOD morning!"

Nilingon ni Edell ang magandang diyosa na bumungad sa kusina. Kapag ganito lagi ang araw-araw na ngingiti at babati sa kanya, hihilingin niyang sana ay bumagal ang takbo ng oras. "Good morning!" magiliw nitong tugon.

"Hmmm! Mukhang masarap na naman ang pagkain natin ngayon, ah? At amoy pa lang, siguradong isa 'yan sa mga paborito ko." Lumapit ito sa kalan kung saan ay abala dito ang binata, "Sabi ko na nga ba! May lahi ba kayo ng manghuhula?"

"Wala."

"Subukan natin," sandali itong nag-isip. "Ano ang paborito kong kulay?"

Napakunot ng noo si Edell. "Pula?"

"Tama! Ang galing mo! Teka, isa pa. Ano ang paborito kong panghimagas?"

"Leche Plan?"

"Prutas?"

"Pakwan?"

"Pasttime?"

"Maglakad sa hardin bago matulog?"

Bawat tanong ng dalaga ay patanong rin ang sagot ni Edell.

"Bakit marami kang alam sa akin?" pagtataka ni Francheska.

"Ha? Pareho kasi tayo," pagsisinungaling nito. "Oo, pareho yata tayo ng mga hilig at paborito."

"Talaga?"

"Paborito kong manood ng Tom & Jerry. Ikaw?"

"Hindi nakakasawang ulit-ulitin."

Nagkatitigan ang dalawa at nagkangitian.

"Maupo ka na at malapit na akong matapos dito," wika ng binata. Ipinagpatuloy nito ang pagluluto habang gumugulo sa isipan ang kakaibang nangyayari.

Pasimpleng inilabas ni Edell mula sa bulsa ng suot na apron ang mahabang papel na natagpuan niya kanina sa loob ng isa sa mga kabinet habang naghahanap siya nh pang-rekado. Muli niyang pinasadahan ito ng tingin...

*RED is the color for love.
*SPICY ADOBO will brighten your day.
*LETCHE PLAN adds-up sweetness in life.
*TOM & JERRY are still naughty.

"Kailangan mo ba ng tulong?"

"H-ha?" ibinalik nito sa bulsa ang papel. "Whoaaaa!"

"Okay ka lang?" napatayo si Francheska at patakbong lumapit sa binata.

"Natuyuan lang ng sarsa, pero may remedyo pa ito. Nagugutom ka na ba?"

"Hindi pa naman."

"Sampung minuto."

"Malayo yata ang iniisip mo," puna ng dalaga.

"Maliliit ang mga paa ko kaya hindi ako masyadong makakahakbang ng malayo," pabiro nito.

Ilang sandali pa ay magkasalo na ang dalawa sa mesa. Sinamahan nila ng kuwentuhan at tawanan ang pagkain.

"Kanin pa?" alok ni Edell.

"Pasensiya ka na kung matakaw ako, ha?"

"Okay lang," sinalinan nito ng kanin ang plato ng dalaga. "Seksi ka pa rin naman."

"Ganito ka ba kaasikaso sa mga babae?"

"Si Mama lang ang babae sa buhay ko."

"Masuwerte ang magiging nobya o asawa mo?"

Mapait na napailing ang binata. "Suwerte nga ba? Ewan," kibit-balikat nito. "Basted naman kasi ako lagi sa mga nililigawan ko."

"Malas lang nila!"

Napaangat ng mukha si Edell mula sa pagsubo at napatitig sa kaharap.

"Magaling kang magluto, mabait, maalaga at mukhang maaasahan ka sa mga gawaing-bahay. Ano pang hahanapin nila?"

"Ang hinahanap nila ay boy-next-door, hindi HOUSEBOY."

"Mostly, yes. But there are few na mas gugustuhin pa rin nila ang lalakeng marunong sa buhay at bahay. Tulad ko..."

Hindi inalis ng binata ang pagkakapako ng mga mata kay Francheska. Binubuhay nito ang pag-asa na akala niya ay tuluyan nang naglaho matapos ang ika-isang daan at dalawampu't limang kabiguan.

"Ang gusto ko sa isang lalake ay 'yung kahit gaano ka-busy ang araw niya ay maglalaan siya ng oras para ipagluto ako. Gusto ko 'yung kahit hindi siya perpekto, pero magagawa niyang kumpleto ang buhay ko. Gusto ko 'yung lagi niya akong mapapangiti. At higit sa lahat 'yung hinaharana ako."

Biglang napaupo ng tuwid si Edell. Pagdating sa usapang HARANA, eksperto siya.

"Marami akong naging manliligaw, pero hindi ko pa naranasan ang haranahin."

"Paano ka ba nila nililigawan?"

"Kumakain kami sa labas, ipinapasyal, nanonood ng sine, at iba pang nakakabagot na istilo. Ikaw? Paano ka ba umakyat ng ligaw?"

"May bitbit na gitara, bulaklak at kasama ang tatlong kaibigan para back-up."

"Sounds good and exciting, pero bakit basted ka pa rin?"

"Siguro dahil hindi ako kamukha at katulad nina Robin Padilla, John Estrada, Romnick Sarmienta o Richard Gomez."

"Anong ginagawa nila?"

"Pinagsasaraduhan ng bintana, tinatapunan ng mainit-init pang ihi mula sa arenola, pinapahabol sa aso o itak, at minumura."

"Hindi nga? Grabe naman 'yun!"

"Teka! Huwag na nga nating pag-usapan ang mga kabiguan ko. Ikaw? Nakailang nobyo ka na."

"Anim."

"Marami na pala," nakaramdam ito ng selos. "Buwanan ka ba kung magpalit?"

"Grabe ka naman! Ano 'yun? Parang sahod lang?"

Nagkatawanan ang dalawa.

----

TATLONG araw nang nanatili si Francheska sa mansyon ni Edell. Sinulit ng binata ang mga sandali na kasama ang babaing sa bawat oras na lumilipas ay lalong nagiging espesyal sa kanyang puso.

Nilibot ng dalawa ang buong lupain. Malawak ito at may dalawang sapa. Dito nila ginugugol ang buong maghapon, naliligo at namimingwit sila.

"Bakit hindi mo isunod sa pangalan mo?"

"Hacienda Edellberto?"

"Maganda. Tunog BILLGATES," pagbanggit ng dalaga sa pinakamayamang tao sa mundo.

"Huwag na. Ayokong maging tulad niya."

"Ayaw mong yumaman at sumikat?"

"Simple at tahimik lang na buhay ang pangarap ko."

Napangiti si Francheska, "Pareho tayo."

Nagkatitigan ang dalawa. At madalas itong mangyari sa kanila na bigla na lang mag-uusap ang mga mata nila.

"Gusto mo bang ikaw na lang ang magbigay?"

"Bakit naman ako?"

"Uhm, kasi ikaw ang una at espesyal na bisita ko."

"Sigurado ka?"

Tumango at ngumiti lang ang binata bilang tugon.

Mula naman sa pagkakahiga ni Francheska sa berdeng damuhan kung saan ay namamahinga sila matapos ang panghuhuli ng isda, nag-isip ito. "Apollo!"

"Huh?"

Tumagilid ang dalaga paharap sa katabi. "Kilala mo ba si Apollo?"

"Ex mo?"

"Hindi. Apollo was a Greek god."

"Ah, oo. Kilala ko. The son of Zeus and Leto."

"Puwede ring Artemis..."

"Kakambal siya ni Apollo, 'di ba?"

Tumango si Francheska. "I think mas bagay sa lugar na 'to si Apollo dahil tulad mo, mahilig din siya sa musika."

Bumangon si Edell. Tumayo ito, "WELCOME TO RANCHO DE APOLLO!" nakangiti nitong sigaw habang nakaangat ang mga braso.

Sumunod ang dalaga sa pagbangon at pagtayo. "My pleasure to be here in Rancho de Apollo, Mr. Saturnino!" bahagya pa itong yumukod.

Muling nagkatawanan ang dalawa. Kapag magkasama sila, tila walang puwang ang lungkot at problema. Parang pag-aari nila ang mundo.

Hindi tuloy maiwasan ni Edell na hilinging sana'y wala na itong wakas dahil ngayon lamang siya nakaranas at nakaramdam ng ganitong kasiyahan.

Sana.

----

NAPAHINTO sa paghakbang si Francheska nang marinig ang tunog ng doorbell. Napakunot ito ng noo. Pangatlong araw na kasi niya sa rancho, pero wala pa silang nagiging bisita.

"Ako nang magbubukas!"

Hindi na hinintay ng dalaga ang sagot ni Edell. Abala na naman ito sa kusina dahil na rin sa mabangong amoy na humahalimuyak sa paligid mula sa paborito niyang merienda, garlic bread.

"Sandali lang!"

Sumilip muna si Francheska sa peephole upang alamin kung sino ang nasa labas. At isang matandang lalake ang nakita niyang nakatayo dito. Matangkad, mestiso at makisig. Imposibleng kamag-anak ito ni Edell dahil taliwas ang panlabas nito sa binata.

"Sino 'yan?"

Bahagyang napapitlag ang dalaga sa biglang pagsulpot ni Edell sa likuran. "Ewan," kibit-balikat nito. "Tingnan mo!"

Diretso nang binuksan ng binata ang pinto dahil hindi abot ng kanyang mga mata ang peephole. "Papa?!" mulagat nito nang mabungaran ang ama.

"Papa mo?" paninigurong tanong ni Francheska na nagpalipat-lipat ang tingin sa dalawa.

"Matagal na, iha."

Hindi maiwasan ni Don Lucio na agad pasadahan ng tingin ang dalagang kasama ng anak. Kaya siya napasugod nang wala sa oras ay dahil naiintriga na talaga siyang makita ito ng personal.

Ayon sa inupahan niyang private detective, anak ng mag-asawang negosyante si Francheska. Graduating student ng Mass Communication mula sa Universidad de San Felipe kung saan ay pamoso ito bilang pambato ng eskuwelahan sa mga beauty pageant.

Hindi nga maikakaila sa tangkad at ganda ng dalaga ang pagiging isa nitong beauty queen.

"Papa, ano pong ginagawa mo dito?"

"Hindi mo ba muna ako papapasukin?"

Nanatili lang na nakatitig at nakapako sa kinatatayuan si Edell. Bahagya pang nakaawang ang bibig nito habang nakalarawan sa mukha ang ekpresyong hindi makapaniwala sa biglaang presensiya ng ama.

"Pasok po kayo," imbitasyon ni Francheska. Ito na ang nagkusa dahil wala yatang balak magsalita ang nakatulalang binata.

"Salamat, hija."

Nagpatiuna na si Don Lucio patungo sa sala. Agad namang sumunod ang dalaga na hatak-hatak sa kamay si Edell. "Bakit ganyan ang reaksyon mo? Matagal ba kayong hindi nagkita?" pabulong nito.

"Tatlong araw?" patanong nitong sagot.

Iba ang nararamdaman ng binata habang nakamasid sa ama. Tila ang pagsulpot nito ay may mabigat na dahilan. Hindi naman kasi ito basta-bastang babiyahe lalo pa't lagi itong abala sa kanilang kompanya.

"Baka na-miss ka. Pero, papa mo ba talaga siya?"

Pinukol ng matalim na tingin ni Edell ang dalaga.

"Biro lang!" sabay malambing na pinanggigilan nito ang maumbok na pisngi ng binata. Hindi naman ito nakaligtas sa paningin ng don.

"Maupo ka dito sa tabi ko, iha!" utos ni Don Lucio. "At ikaw..." tingin-turo sa anak, "ikuha mo kami ng maiinom nitong nobya mo!"

"Papa, hindi ko siya nobya! Magkaibigan lang kami," namula ito sa pagkapahiya kahit pa nagustuhan nito ang sinabi ng ama.

"Magkaibigan man o magka-ibigan, pareho lang 'yun. Sa pagkakaibigan din naman nagsisimula ang lahat. Kami ng mama mo maging ang iba-"

"Ano po ba kasing ginagawa mo dito?" pag-uulit nito sa naging tanong kanina na pumutol sa iba pa sanang sasabihin ni Don Lucio.

"Nag-aalala kami ng mama mo dahil hindi ka man lang tumawag kung ligtas ka bang nakarating dito."

Napakamot sa ulo si Edell. Nawala na sa kanyang isip ang mahigpit na bilin ng ina. "Sorry po, nakalimutan ko."

"Kung ganito naman talaga kaganda ang kasama ko, magiging makakalimutin din ako!" himig-panunudyo nito.

"Papa!"

"Edellberto, nasaan ang magandang kaugalian na itinuro namin saiyo at hindi mo man lang ako ipakilala dito kay Francheska?"

Huli na para mabawi ng matandang don ang pagkakadulas ng kanyang dila.

"Kilala mo siya?"

"H-ha? Narinig kong binanggit mo ang pangalan niya kanina."

Nagkatinginan ang dalawa.

"At dinig ko rin ang tibok ng puso mo na siya lang ang isinisigaw."

Halos lumubog sa kahihiyan si Edell. Kilala niya ang ama. Desperado itong magka-lovelife siya kaya tiyak niyang gagawin nito ang lahat upang makuha ang kiliti ni Francheska.  

DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon