MULA sa kinatatayuan ni Don Lucio sa beranda ay tanaw niya sa hardin ang anak na kahit hawak ang gitara at kinakalabit ito, tiyak niyang wala dito ang konsentrasyon nito kundi nasa kaharap na magandang dilag.
Kilalang-kilala ng don ang kanyang bunso. Maraming beses man itong nabigo sa mga nililigawan, patuloy pa rin ito sa panunuyo. Pero sa nakikita niya ngayon, mukhang nangangapa at nawalala ang diskarte ni Don Romantiko.
"Okay ka lang?"
"Ha?" Napaangat ng tingin si Edell mula sa pagkakatitig sa paanan. "O-oo!"
Inginuso ni Francheska ang mga daliri ng binata na gumagalaw, ngunit wala naman sa kuwerdas ng gitara.
"Uhm..." Namula ito, "Bagong istilo!" pagsisinungaling nito na ipinagpatuloy ang ginagawa.
"May iniisip ka?"
"Ikaw!"
"Ako?"
"H-ha?" Napakamot ito sa ulo, "Iniisip ko kung ano ang magandang awitin na babagay sa'yo."
Ngumiti ang dalaga. "Salamat, Edell."
"Salamat saan?"
"Sa kabutihan mo."
"Wala 'yun."
Pinalipas muna ni Francheska ang ilang sandali bago ito muling nagsalita, "Uuwi na 'ko bukas."
Napatigil si Edell.
"Malapit na kasi ang final term, baka hindi ako maka-graduate sa Marso kung hahaba ang pagliban ko sa klase."
Pinilit ng binata ang ngumiti, "Ikaw ang bahala. Baka nga nag-aalala na rin sa'yo ang pamilya mo."
Napabuntong-hininga ng malalim si Francheska. "Sana ganito na lang ka-simple ang buhay. Walang iniisip na problema, walang mga alalahanin."
"Nag-aalala ka ba na baka ituloy pa rin nila ang pagpapakasal sa'yo sa lalakeng hindi mo naman mahal?"
Marahang tumango ang dalaga na muling nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.
"Basta isipin mo na bukas lagi ang Rancho de Apollo para sa'yo."
"Salamat."
Namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa na halos sabay nagkakasulyapan.
"Ehem!"
Nadako ang mga mata nina Edell at Francheska sa direksyon nang pinanggalingan ng mahinang tikhim.
"Napakaganda ng araw ngayon, hindi ba?" makahulugang tanong ni Don Lucio na tumingala pa sa langit. "Tila nagpapahiwatig ito ng isang magandang pangitain! Ano sa tingin ninyo?"
"Papa, uuwi na bukas si Francheska."
Nabura ang ngiti sa labi ng matandang don. "Bakit naman napakabilis? Hindi pa nga tayo masyadong nakakapagkuwentuhan."
"Uhm, Tito..."
"Puwede mo akong tawaging PAPA LUCIO."
"Papa!" pagsaway ni Edell.
"O, bakit? Papa Lucio din naman ang tawag sa akin na tatlo mong matatalik na kaibigan, ah? Huwag ka ngang malisyoso!"
Pinigil ni Francheska na huwag matawa sa pamumula ng binata at pagiging komikero ng ama nito.
"Iha," naupo ito sa tabi ng dalaga. "Kung hindi ka na talaga mapipigilan sa pag-alis, mabuting sulitin mo na ang buo mong araw dito sa...ano nga uling pangalan nitong lugar?"
"Rancho de Apollo, P-papa Lucio."
"Ah!" bulalas nito na napahampas pa sa kandungan. "Napakagandang pakinggan. Papa Lucio, Rancho de Apollo...perfect!"
"Papa, wala ka bang gagawin sa loob?" himig-pagtataboy ni Edell.
"Nagsama ako ng dalawang katulong kaya kung may ipapagawa ka sa akin, iutos mo na lang sa kanila."
Napipilan ang binata. Mukhang hindi niya mapipigilan ang ama sa panunudyo at ginagawa nitong paglalapit sa kanila ni Francheska. Pabor naman siya dito, pero nakakahiya sa dalaga.
"Halika, iha." Tumayo si Don Lucio at inakay ang katabi. "May maganda akong ideya para maging masaya ang huling araw mo dito."
"Salamat po, Papa Lucio."
"Napakaganda talagang pakinggan!" Mababakas sa mukha nito ang kasiyahan, "Ikaw..." sabay tingin-turo sa nakaupo pa ring anak. "Sumunod ka!"
Matapos ang ilang minutong paglalakad ay narating ng tatlo ang likurang bahagi ng mansyon kung saan ay naghihintay dito ang isang kulay-abong kabayo at itim na asno.
Ang asno ay kilala noong mga nakaraang dekada bago ang kasikatan nina Barok at Long Ranger. Maliliit ang mga ito, hindi lumalaki tulad ng kabayo. At habang nakatitig dito si Edell, batid niya agad kung alin ang kanyang sasakyan.
Iba naman ang nasa isip ni Don Lucio. Dito niya masusukat kung may aasahan ba ang kanyang anak sa dalaga. "Gusto mo bang sumakay d'yan, iha?"
Nagpalipat-lipat muna ang tingin ng dalaga sa dalawang nilalang bago ito tumango. Isa sa mga pangarap niya ay maging Equestrian, pero salungat dito ang kanyang mga magulang.
"Halika!" Inabot nito ang kamay ni Francheska at muling inakay ito patungo sa harap ng kabayo, "Kaya mo ba?"
"Kasama ko naman po si Edell."
Lihim na napangiti ang don. Mukhang epektibo ang kanyang naisip na paraan.
"Dito na lang ako..." Tumapat ang binata sa asno, "Pareho ang taas namin kaya hindi ako mahihirapang sumakay."
"Ano ka ba naman, anak? Matagal nang naimbento ang hagdanan." Kinuha nito sa likod ng isang puno ang nakasandal na metal ladder, "O! Akyat na kayo. Mauna ka na, iha."
"Salamat, Papa Lucio." Inabot ni Francheska ang nakalahad na kamay ng butihing don at umakyat na ito sa naghihintay na hagdanan. "Halika na, Edell! " paanyaya nito nang makaupo.
"Sige na," patulak ni Don Lucio sa anak. "Huwag kang babagal-bagal sa diskarte dahil baka mawala pa!" pabulong nito. "Akala ko ba, matinik si Don Romantiko?"
"Ayokong isipin niya na sinasamantala ko ang sitwasyon, papa."
"Huwag mo nang intindihin 'yan. Mas importante na maiparamdam mo sa kanya na espesyal siya. Sige na!"
Atubili man ay tumalima na ang binata. Umakyat ito sa hagdan habang nakaalalay dito ang ama.
"Saan mo ba gusto? Likod o harap?" tanong ng dalaga.
Muling inatake ng hiya si Edell.
"Sa likod ka na lang, anak!" maagap na suhestiyon ni Don Lucio. "Men should protect women all the time!"
Gusto na sanang umatras ng binata, ngunit mukhang nabasa ng ama ang iniisip niya kaya agad nitong tinanggal ang hagdan. Buti na lang at mahigpit siyang nahawakan ni Francheska.
"Kailangan ko na yatang bumili ng bago," patay-malisya ng don na kunwaring sinusuri ang nakatumbang metal ladder. " Sige na, larga na kayo!" sabay palihim na kinurot ang ilalim ng kabayo dahilan upang tumakbo ito. "Enjoy the ride!"
Nakangising inilabas ni Don Lucio ang tabako mula sa harapang bulsa ng polo at sinindihan ito. Matapos ang ilang hithit-buga habang nakatanaw sa papalayong kabayo ay tinungo nito ang asno at sumakay dito.
----
"SALAMAT ulit, Edell."
Tila ayaw nang ikurap ng binata ang mga mata sa pangambang baka tuluyan na siyang iiwan ni Francheska.
"Magkikita pa naman tayo, 'di ba?"
Pilit ang naging tango ni Edell. Hindi na nga niya mapipigilan ang naging desisyon ng dalaga. "Maghihintay lang ako sa rancho."
"Hindi ko alam kong kelan ako babalik o kung makakabalik pa ako." Tinanaw nito sa labas ng nakahimpil na sasakyan ang kanilang bahay na ilang dipa lang ang layo mula sa kinaroroonan nila.
"Huwag kang magpapakasal."
"Ha?"
"Gagawa ako ng paraan para hindi matuloy ang plano ng mga magulang mo."
"Anong gagawin mo?"
"Pag-iisipan ko pa."
"Baka mapahamak ka."
Umiling si Edell. "Gagabayan ako ng Diyos. Alam kong magiging kakampi ko siya sa pagkakataong ito."
Nabalot ng katahimikan ang paligid. Nagpakiramdaman ang dalawa. Ayaw pa nilang mawalay sa isa't isa, ngunit ito yata ang nais ng tadhana.
"Paalam, Edell." Humalik muna ito sa pisngi ng binata bago mabilis nang bumaba.
Hindi na lumingon pa si Francheska . Mabibigat ang mga paa nito sa paghakbang tulad nang bigat na kanyang nararamdaman sa dibdib.
"Huwag kang magpapakasal, ha?"
Napahinto ang dalaga.
"Kung hindi ka babalik ng rancho, ako ang susundo sa'yo!"
Nangilid ang mga luhang lumigon si Francheska. "Huwag kang magtatagal, Edell!"
Mabilis nang bumalik sa loob ng sasakyan ang binata matapos kumaway at muling magpaalam. Pinaharurot na niya ito habang inililista sa isip ang mga dapat gawin upang hindi siya mapahiya sa pamilya ni Francheska. At kakailanganin niya dito ang tulong ng kanyang ama at tatlong kaibigan.
----
NAPASUBSOB sa sahig si Edell mula sa pagpu-push up nang marahas na bumukas ang pinto ng kanyang gym at magkakasunod na pumasok dito ang tatlo niyang kaibigan.
"Don Romantiko!"
Mabilis na bumangon ang binata at masayang sinalubong ng yakap ang mga ito. "Kumusta?"
"Naka-graduate na rin sa wakas," tugon ni Roberto habang pinapagala ang tingin sa paligid. "Anong klaseng hangin ang pumasok dito?"
"Habagat yata," wika ni Edric sabay punas ng pawis sa noo ng kaibigan. "Nagpapapayat ka ba?" Pinasadahan nito ng tingin si Edell mula ulo hanggang paa, "Bakit mataba ka pa rin?"
"Nagsisimula pa lang ako!" asik nito.
"At kaya mo kami minadaling pinapunta dito ay dahil kailangan mo ang tulong ng mga eksperto!" inakbayan ni Crisanto ang kaibigan.
Maagap na iniharang ni Roberto ang isang daliri sa labi ni Edell bago pa man nito maibuka ang bibig. "May pinaghahandaan ka?"
Ngumiti ang binata. "Nakilala ko na si #126!"
"Whoooaaa!" sabay-sabay na hiyawan ng tatlo.
"Sinasabi ko na nga ba, darating at darating din si Miss Right," saad ni Edric.
"She's Miss Perfect," pagtutuwid ni Edell na muling nagpahiyaw sa magkakaibigan.
"Kailangan talaga nating maghanda," saad ni Crisanto.
"Speaking of handa..."
Nadako ang tingin ng lahat sa pinto. Bumungad dito at pumasok si Don Lucio na may tangan na tray.
"...may inihanda akong mabisang pampapayat!"
Napatakip sa ilong ang apat nang makarating sa kanilang pang-amoy ang usok mula sa maliit na tea cup.
"Papa, ano ba 'yan?"
"Inangkat ko pa ito sa China at minadali ko ang shipment kaya huwag mong sasayangin kahit isang patak." Inilapag nito ang tray at iniangat ang lalagyan ng kulay-lumot na likido sa harap ng anak, "Inumin mo agad."
"Ayoko, papa. Amoy pa lang, nasusuka na ako."
"Iinumin mo 'to o ibebenta ko itong rancho?"
Natahimik si Edell. Mabigat man sa kalooban ay sumunod ito sa utos ng ama. Mabilis nitong sinaid ang inumin.
"Lulunukin mo o hindi na kita pahahawakin ng gitara?"
Pilit na nilunok ng binata ang nasa loob ng bibig. Inilawit nito ang dila matapos dumaan sa lalamunan ang mainit-init pang likido at nagbuga ng hangin.
Hindi naman inaalis nang magkakaibigan ang pagkakatitig kay Edell sa pag-aakalang may magaganap na himala.
"Walang himala," pahayag ni Don Lucio na nabasa ang makahulugang tingin ng tatlo sa kanyang anak. "Hindi agad eepekto ang gamot. Sige na, magpapawis muna kayo dito."
Naiiling, ngunit nakangiting sinundan na lamang ng tingin ni Edell ang ama. Marami man ang kulang sa kanyang panlabas, pinupuno naman ito ng pagmamahal ng mga magulang niya.
"Nasasabik tuloy akong makilala kung sino ba itong dalagang sumapol sa puso ni Don Romantiko dahil masyado yatang suportado si Papa Lucio?"
Nabaling ang mga mata ng binata kay Roberto na pilyong kumindat pa sa kanya.
"And take note," singit ni Edric. "Unang pagkakataon na naging interesado siya!"
"Nakakaintriga talaga," inakbayan ni Crisanto ang kaibigan. "Ano bang pangalan nitong ika-isang daan at dakawampu't anim nating haharanahin?"
"FRANCHESKA."
![](https://img.wattpad.com/cover/54350487-288-k486971.jpg)
BINABASA MO ANG
DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANA
RomansaSYNOPSIS: Nakilala siya bilang DON ROMANTIKO noong kanyang kabataan. Ang panliligaw niya, idinadaan sa harana. Si EDELLBERTO SATURNINO. Nangangarap magkaroon ng makulay na pag-ibig, ngunit laging BASTED. He was not an every woman's fantasy; Mataba...