Chapter 2:

1.8K 57 0
                                    

NAKALABAS na nang silid ang ina, ngunit nanatili pa ring nakatitig si Edell sa gitarang nasa harapan. Walang ibang reaksyon sa mukha nito maliban sa minsan pagkurap ng mata at bahagyang nakaawang na bibig.

Inaasahan na niya ang balitang narinig, pero mahirap at masakit pala itong tanggapin.

Matapos ang dalawang linggong paghihintay, bumaba na ang hatol mula sa pinapasukan niyang unibersidad. Hindi na siya makakasama pa sa mga magmamartsa sa darating na Marso.

Ginawa na nang kanyang mga magulang ang lahat upang manatili siya sa eskuwelahan, ngunit walang nagbago sa naunang desisyon.

Napakuyom ng kamao si Edell. Sana pala ay hindi lang dalawang ngipin ang pinatalsik niya kay Leviticus.

"Anak?"

Natuon ang mga mata ng binata sa direksyon ng pinto nang marinig dito ang pagkatok at pagtawag ng ama.

"Puwede ba akong pumasok?"

Hindi umimik si Edell na ibinalik ang tingin sa gitarang naging kasa-kasama niya sa mga panahong malumbay ang kanyang buhay.

"Come in!" Matapos sagutin ni Don Lucio ang sarili dahil mukhang walang balak na magsalita ang anak ay pumasok na ito, "Hindi ka man lang ba lalabas dito? Magpahangin ka muna sa hardin para makasagap ka ng sariwang hangin."

Nanatiling walang kibo ang binata. Hindi man lang nito sinulyapan ang pag-upo ng ama sa kanyang tabi.

Ang pagiging kalmado ng mga magulang niya mula nang sunduin siya sa Dean's Office pagkatapos ng suntukan nila ni Leviticus ay lalong nagpapabigat sa kanyang kalooban.

"Anak, huwag mong masyadong dibdibin ang nangyari. Katulad nang lagi naming sinasabi sainyo ng mama mo, lahat nang nararanasan at pinagdadaanan natin sa buhay ay may kanya-kanyang dahilan ang Diyos."

Sa halip na magsalita ay inabot ni Edell ang gitara at niyakap ito.

"Tama na 'yang kamumukmok mo dito. Makakahanap rin tayo ng eskuwelahan na malilipatan mo."

"Ayoko nang mag-aral!"

Napipilan si Don Lucio.

"Makahanap man tayo, siguradong meron din doong tulad ni Leviticus na hindi marunong gumalang o magpahalaga sa damdamin ng iba."

"Kung patuloy mong papansin ang mga ganyang tao, hindi magiging masaya ang buhay mo at wala ka ring mararating."

Mapait na umiling si Edell. "Kung naging kamukha lang ninyo ako nina Mama at Kuya Aris, baka sakaling matagal na akong masaya at malayo na rin ang narating ko."

"Anak..." Inakbayan nito ang katabi, "Naiiba ka sa amin kasi espesyal ka."

"Kailan pa naging espesyal ang panget?"

"Sinong nagsabi sa'yong panget ka at patutumbahin ko?"

"Marami."

Hindi agad nakapagsalita ang matandang don. Ramdam nito ang paghihirap ng kalooban ng anak kaya tanging pag-unawa lang ang maibibigay nila. Mayaman man sila, alam niyang hindi pera ang magpapagaan dito.

"Anak ba talaga ninyo ako, pa?"

"Bukas na bukas din, magpapa-DNA tayo para matigil na 'yang katatanong mo ng ganyan."

"Sabi nila, kung ano daw ang puno ay 'yun din dapat ang bunga. Kaso bakit ako, mukha lang ligaw na sanga?"

Sa halip na sumagot ay itinayo ni Don Lucio ang anak at inakay sa harap ng salamin. "Titigan mong mabuti ang sarili mo at saka mo sabihing panget ka."

DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon