Chapter 7

1.3K 43 0
                                    

"O ILAW..."

"O, ilaw!"

"Sa gabing madilim..."

"Sa gabing madilim!"

"Wangis mo'y,
bituin sa langit.
O, tanglaw..."

"O, tanglaw!"

"Sa gabing tahimik..."

Nangingibabaw nga sa katahimikan ng gabi ang tinig nang apat na binata higit si Edell na nasa unahan ng grupo. Hawak nito ang gitara habang ang tatlong kaibigan ay sinasabayan ng indak ang malamyos na musika.

"Larawan mo,
Neneng.
Nagbigay pasakit,
Tindig at magbangon.
Sa pagkagupiling,
Sa pagkakatulog na lubhang mahimbing.
Buksan ang bintana,
At ako'y dungawin.
Nang mapagtanto mo,
Ang tunay kong pagdaing!"

Muling inulit ni Edell mula sa umpisa ang awitin nang nanatiling sarado ang mga bintana at pinto ng bahay na kanilang kinaroroonan.

"Baka mahina kaya hindi marinig?" patanong na pagtataka ni Roberto. "Lakasan na lang natin!"

"Magpalit tayo ng kanta," suhestiyon ni Crisanto. "Baka hindi paborito ng mga magulang ni Francheska."

Matapos pag-usapan ng apat ang susunod na kakantahin ay muling kinalabit ni Edell ang gitara at bahagyang nilakasan ang boses upang maibsan ang pangambang kanyang nararamdaman.

"Giliw ko'y pakinggan,
Awit na mapanglaw.
Na nagbuhat,
Sa isang pusong nagmamahal.

Huwag mong ipagkait,
Awa mo'y ilawit.
Sa abang puso kong,
Naghihirap sa pag-ibig..."

Isang ginang ang nagbukas ng bintana sa pangalawang palapag na nagpahinto sa pag-indak nang magkakaibigan.

"Dungawin mo, hirang
Ang nananambitan.
Kahit sulyap mo man lamang,
Iyong idampulay-"

"Teka!" pigil ni Crisanto. "Siya ba?"

"Hindi."

"Ah. Sige, sige. Tuloy mo lang!"

Biglang nawala ang kabang nararamdaman ni Edell nang makita ang pagdungaw sa bintana ng babaing hinaharana. Nakangiti itong kumaway, ngunit agad na sinaway nang ginoong katabi nito.

"Sino ba d'yan?" paninigurong tanong ng ama ni Francheska.

"Anak, huwag mong sabihin na 'yung nasa unahan?"

Sandaling hindi nakaimik ang dalaga. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa mga magulang na alam niyang madidismaya sa kanyang isasagot. "Mabait si Edell-"

"Nahihibang ka na ba?" singhal ni Palmiano. "Anong nakita mo sa unanong 'yan?"

"Hindi siya unano!" depensa ni Francheska. "Kinulang lang siya sa taas."

"Huwag mo akong sasagutin ng ganyan dahil umiinit lang ang ulo ko!" Hinawakan nito sa kamay ang anak at hinila palayo sa bintana, "Isara mo 'yan!"

Tumalima naman ang ginang na pinukol muna nang matalim na tingin ang mga nanghaharana partikular ang nasa unahan.

"Mabuting tao si Edell, Papa!"

"Marami pang mabubuting lalake sa mundo kaya maghanap ka ng iba!" Binitiwan ni Palmiano ang anak at pinaupo ito, "Hindi porke't pumayag kami na iurong ang kasunduan ng kasal mo kay Marvin ay puwede ka nang makipagrelasyon kung kani-kanino?"

"Marami ka namang manliligaw, 'di ba?" Naupo si Letecia sa tabi ng anak at ginagap ang palad nito, "Pumili ka na lang sa kanila basta huwag lang sa bansot na 'yun."

"Hindi siya bansot, mama. At huwag ninyong husgahan ang kanyang pagkatao dahil lang sa liit niya!"

"Isa pang ipagtanggol mo ang pandak na 'yun at ipadadala kita sa tiyahin mo sa Canada!" pagbabanta ng ginoo.

DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon