MATIYAGANG naghintay ang magkakaibigan sa isang tagong lugar kung saan ay tanaw nila ang bahay ni Francheska.
Kabisado na ng mga magulang ng dalaga ang plaka at hitsura ng kotse ni Edell kaya kahit salungat sa kalooban ay ginamit ng grupo ang isa sa apat na karo ng punerarya na pagmamay-ari ng pamilya ni Crisanto.
At ayon sa pasimuno ay hindi daw masyadong papansinin ang sasakyan dahil hindi naman ito takaw-atensyon, pero pagkaparada pa lang nila sa gilid ng kalsada ay napapatingin na dito ang bawat mapadaan.
Minabuti ng apat na magkakaibigan na maghanap ng ibang mapagtataguan. Ilang beses na kasing lumabas ang ama ni Francheska para tingnan at tiyakin kung nasa paligid ang bansot na manliligaw ng kanyang anak.
"Aalis na yata sila!" anunsyo ni Edric.
Mabilis na itinapat ni Roberto sa mata ang binoculars na nakasukbit sa leeg upang siguraduhin na hindi kasama si Francheska sa papaalis na kotse. "Clear! Target is detach!"
Dinampot ni Edell ang gitara at pumpon ng mga pulang rosas kasunod ang pagbitbit ni Crisanto sa adjustable ladder habang itim naman na bag ang hawak ni Edric.
"Move!" Aktong hahakbang na sana si Roberto na nasa unahan ng grupo nang bigla itong huminto, "Balik!"
Muli namang umatras ang tatlo sa likuran.
"Bakit?" magkasabay na tanong nina Edell at Crisanto.
"May tinik sa ating daraanan."
Sabay-sabay na bumaba ang mata ng tatlo sa lupa. "Saan?"
"Hay'un!"
"May nakikita ba kayo?" tanong ni Edell.
"Wala," tugon ni Edric.
"Iwasan nga lang ninyo 'yun," itinuro ni Crisanto ang tinutukoy. "Suwerte man ang tae, malas naman kapag natapakan ito."
Napalingon si Roberto. "Saan ba kayo nakatingin?"
Napaangat ng mukha ang tatlong magkakaibigan.
"Lumabas ang katulong nila. Hay'un!" Itinuro nito ang direksyon nang isang dalaga na nagwawalis sa bakuran, "Kung saan-saan kayo tumitingin!"
"Lilinawin mo kasi nang hindi kami natataranta," saad ni Crisanto na pinahaba ang leeg sa pagtanaw. Mukha ngang tinik sa kanilang plano ang kasambahay dahil tiyak na binilinan ito ng mga amo na magbantay, "Teka." Ibinaba muna nito ang hawak na hagdan at inakbayan si Roberto. "Pangarap mo ang pumasok sa pulitika, 'di ba?"
"Anong koneksyon no'n sa katulong?"
"Hay, naman! Ako na lang ba ang matalino dito?"
Sa halip na sumagot ang tatlo ay pinukol ng mga ito nang makahulugang tingin ang nakahimpil na karo sa kanilang unahan.
"Uy! Hindi madaling trabaho ang maghatid-sundo ng patay!"
"Huwag na nga tayong magsayang ng oras," singit ni Edell. "Baka malanta na 'tong mga bulaklak!" bahagya pa nitong itinaas ang tinutukoy.
"Ikaw na ang bahala sa kanya!" sabay tulak ni Crisanto kay Roberto.
"Teka! Bakit ako? Anong gagawin ko?"
"Isipin mo na isa siyang batas na kailangan mong maipasa sa Senado. Gets mo?"
"Hindi."
"Daanin mo sa plataporma. Kung hindi kumagat, gamitan mo na ng karisma. Ganoon naman ang uso ngayon sa gobyerno, 'di ba? Kapag guwapo at artistahin, sumisikat kahit walang ginagawa. Sige na!"
Hatid-tanaw nang tatlong naiwan si Roberto hanggang makita nilang kausap na nito ang dalagang kasambay.
"Whoa!" bulalas ni Edric nang agad papasukin ng katulong ang kaibigan. "Mukhang may kinabukasan nga siya sa pulitika!"
"Halina kayo!" pagyaya ni Edell.
"Iwasan mo ang tae, baka malasin ka!" paalala ni Crisanto na muling binuhat ang hagdan at sumunod na sa mga kasama.
Tinungo nang tatlo ang tagilirang bahagi ng bakod. Kahit maliwanag pa ang paligid, iilan lang ang taong napapadaan sa lugar na iyon kaya madaling naisagawa nang magkakaibigan ang kanilang plano.
Nasilip ni Edell na tila nasa malalim na pag-uusap sina Roberto at ang katulong. Sinamantala na nila ito...
Patingkayad ang magkakaibigan na pumasok sa nakabukas na gate. Siniguro naman ni Roberto na hindi lilingon ang kausap dahil tiyak na mabubulilyaso ang lahat.
"Saan ba?" pabulong ni Edric.
"Doon sa kanan," tugon ni Edell.
Agad na pumuwesto ang tatlo nang marating nila ang pakay na destinasyon. Itinayo ni Crisanto ang hagdan at nauna na itong umakyat kasunod si Edric na pumatong sa balikat ng kaibigan bitbit ang bag na naglalaman nang mga paboritong pagkain ni Francheska.
"Akin na 'yan..." Inabot ni Crisanto ang gitara at iniipit ito sa pagitan ng mga hita, "Bilis at baka may makakita pa sa atin!" kinuha rin nito ang pumpon ng bulaklak habang ang isang kamay ay inalalayan ang kaibigan.
Hindi naging mahirap sa dalawa ang kanilang posisyon. Nagkaproblema lang sila nang si Edell na ang umakyat dahil bukod sa maliit ay bilugan pa rin ang katawan nito kahit puro diet at gym.
"Dahan-dahan lang!"
"Ano ba talaga? Dahan-dahan o bilisan?"
"Aray!" daing ni Crisanto. "Huwag ka ngang malikot!" sita nito sa kaibigang nakapatong sa kanyang balikat.
Ilang sandali pang nauwi sa reklamo at bangayan ang tatlo bago pawisang nakatawid sa balkonahe si Edell.
----
"SINASAMBA kita,
Higit sa iyong akalang iniibig lang kita.
Paggalang ko sayo'y higit sa buhay kong taglay,
Wala na yatang papantay.
Ang buhay may ibibigay ko pa,
Sinasamba kita..."
Unti-unting nagmulat ng namimigat na mga mata si Francheska nang marinig nito ang pamilyar na tinig at tunog ng gitara.
"Kung anumang dahilan ay hindi mahalaga,
Basta't sinasamba kita.
Bilang pagmamahal ang siyang nadarama,
Paano ka maipipinta?
Kulang ang kulay nila,
Para mailarawan ka sinta..."
Napabalikwas ang dalaga mula sa pagkakahiga nang makita nito sa paanan ng higaan ang lalakeng nagparamdam sa kanya nang pagiging espesyal niya.
"Sinasamba kita,
Kung kasalanan man sa diyos ang sambahin kita.
Marahil ay mauunawaan niya ang tulad ko,
Na labis nagmahal sa'yo.
Masisisi niya ba ako, sinta
Sinasamba kita..."
Nangilid sa luha ng kaligayahan si Francheska. Hindi nito maipaliwanag ang emosyong nararamdaman.
"Kung anumang dahilan ay hindi mahalaga,
Basta't sinasamba kita.
Bilang pagmamahal ang siyang nadarama,
Basta't sinasamba kita.
Kung anumang dahilan ay hindi mahalaga,
Bastat sinasamba kita.
Lalala lalala ohohoh,
Bastat sinasamba kita.
Lalala lalala ohohoh,
Sinasamba kita."
Nabalot ng nakabibinging katahimikan ang buong silid nang huminto sa paggigitara at pagkanta si Edell.
Sandali munang nagkatitigan ang dalawa tulad nang madalas nilang gawin sa tuwing may nais silang ipahiwatig sa isa't isa.
The moment was one of a kind. Para itong eksena sa pelikula na nilapatan ng slow-motion effect at perfect cinematography upang magmukhang romantiko.
"Edell, paano kang nakapasok dito?" biglang nakaramdam nang pangamba ang dalaga.
"Maraming paraan," tingin-turo nito sa nakabukas na balkonahe. "Huwag kang mag-alala, umalis ang mga magulang mo at nakabantay rin sa baba ang tatlo kong kaibigan."
Bumaba sa kama si Francheska at niyakap ang binata. "Na-miss kita."
Tila batang binigyan ng kendi si Edell. The simple gesture made him feel as if he was the luckiest human being. It was unexplainable and indeed an exceptional one. Napakaganda sa pakiramdam na pagkatapos nang matagal na sugal, nakuha rin niya sa wakas ang jackpot. Marami man siyang pinagdaanan na sakit, sulit naman ito.
"Teka!" Humiwalay ang dalaga sa pagkakayakap, "Pumunta ka lang ba dito para haranahin ako? At bakit naman katirikan ng araw?" napasulyap pa ito sa labas kung saan ay nakalatag ang liwanag dito.
"Hindi ako makabuwelo sa gabi at lagi pang nakabantay ang mga magulang mo."
Nakaramdam ng hiya si Francheska. "Pasensiya ka na sa kanila, ha?"
"Wala 'yun. Pinagluto nga pala kita nang mga paborito mong pagkain!"
Mula sa itim na bag ay inilabas dito ng binata ang isang malaking tela at inilatag ito sa sahig.
"Magsisipilyo lang ako!"
"Sige at ihahanda ko muna ang mga ito."
Makalipas ang ilang minuto ay magkaharap nang naupo ang dalawa. Nakahain sa nauupuan nilang tela ang mga pagkain na nasa tupperware; spicy adobo at sinangag kasama na ang leche plan bilang panghimagas. Gumawa rin si Edell nang garlic bread na paboritong isabay ni Francheska sa pancit guisado.
"Sarap!" nasisiyahang bulalas ng dalaga. "Mukhang dala mo na ang para sa buong araw ko, ah?"
"Sayang nga dahil hindi ko maisama si Apollo."
Ngumiti si Francheska at tumitig sa binata. "Salamat, Edell."
"Basta para sa'yo!" Mabilis nitong iniiwas ang mukha na alam niyang nagkulay-kamatis dahil sa binitiwang salita, "Kumain ka na."
"Agh!"
Napatingin si Edell sa dalaga na ibinuka ang bibig. Gusto nitong magpasubo sa kanya. At bilang si Don Romantiko, matatanggihan ba niya ang ganito kagandang dilag?
Lumipat sa tabi ni Francheska ang binata. At habang nagsusubuan ay sinamahan ito ng dalawa nang masayang kuwentuhan kaya nakalimutan na nila ang pagdaan ng oras.
"Ano 'yun?" pagtatakang tanong ng dalaga nang makarinig ng malakas at mahabang sipol.
Nabitiwan naman ni Edell ang nakaangat pang kutsara na akto sanang isusubo sa katabi. "Bumalik na sila!"
"Ha?!" Tarantang napatayo si Francheska at tinakbo ang bintanang malapit sa balkonahe, "Sina Mama at Papa!" bulalas nito nang matanaw ang papasok na sasakyan sa kanilang gate kung saan ay agad na bumaba ang ama niya dito nang makilala ang kausap ng katulong nila. "Edell, bilis!"
Dinampot ng binata ang gitara habang ang ibang mga gamit ay iniwan na niya. At tangka sana itong pababaunan ng halik sa pisngi ni Francheska nang aksidenteng maglapat ang kanilang mga labi.
Parehong itinulos sa posisyon ang dalawa. Nag-ekis pa ang namilog nilang mga mata upang tingnan ang kanilang reaksyon.
"FRANCHESKAAAAA!"
Umalingawngaw sa paligid ang malakas na sigaw ni Palmiano kasunod ang mabibilis nitong yabag sa hagdanan.
"Bilis!"
"Magkikita pa tayo!"
"Oo, oo. Sige na! Mag-iingat ka!"
"Ikaw rin."
"Ikumusta mo ako kay Apollo!"
Nakaabang na sa baba ng balkonahe sina Edric at Crisanto. "Bilis!"
Kung gaano kalaki ang ibinuwis na hirap ng tatlo sa pag-akyat kanina, sisiw lang ang naging pagbaba nila.
Binalewala na nga ni Edric ang pag-apak ng sapatos sa mukha niya at maging ang hampas ng gitara kay Crisanto.
"Palmiano, nandito sila!"
Umiwas ang magkakaibigan sa ginang na idinipa pa ang dalawang braso. Kumaripas na ang mga ito ng takbo hanggang makalabas at makita nila ang pagdaan nang karo sa kanilang harapan na minamaneho ni Roberto.
Unang nakasampa sa likuran nang umaandar na sasakyan si Edric.
"Hoy! Huwag mong gagasgasan 'yan!" sigaw-paalala ni Crisanto. "Bukas na ang delivery n'yan!" pagtukoy nito sa kabaong na nasa karo. Dinala na niya ito para maidaan na niya bukas sa umorder.
Lingon-likod naman si Edell na nahuhuli sa takbuhan. Mapapakinabangan pala niya ang maliliit na mga paa sa panahon ng EMERGENCY.
BINABASA MO ANG
DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANA
RomanceSYNOPSIS: Nakilala siya bilang DON ROMANTIKO noong kanyang kabataan. Ang panliligaw niya, idinadaan sa harana. Si EDELLBERTO SATURNINO. Nangangarap magkaroon ng makulay na pag-ibig, ngunit laging BASTED. He was not an every woman's fantasy; Mataba...
