Chapter 4:

1.8K 65 6
                                        

HINDI maiwasan ni Edell ang maya't mayang pagsulyap sa dalagang nakaupo sa unahan. May mga pagkakataon ding napapatitig siya dito at nawawala ang kanyang konsentrasyon sa manibela.

Apat na taon na siyang nagmamaneho, pero ang madalas lang niyang sakay ay ang mga kaibigan. Maliban sa kanyang ina ay ito pa lamang ang unang pagkakataon nagkaroon siya ng pasaherong babae na bukod sa maalindog ay mukha ring diyosa.

Matangkad si Francheska. Tantiya niya ay 5'8. Maputi ito at nabiyayaan ng makinis na kutis. Mahaba ang buhok nito na bumagay sa perpektong mukha na tila inukit ng isang dalubhasang iskultor.

Mabilis ngang nasaulo ng binata ang eksaktong larawan ng dilag. Pakiramdam tuloy nito ay biglang nabuhay sa dugo niya si DON ROMANTIKO.

Napangiti si Edell nang mapasulyap sa rearview mirror kung saan ay tinamaan ng kanyang nagniningning na mga mata ang gitara. At bilang batikan na haranista, unang kailangan niyang alamin ay ang tirahan nito.

"Pakibaba na lang ako sa tabi."

"H-ha? Ihatid na kita!"

"Huwag na. Salamat na lang sa tulong mo."

"I insist." Mabilis itong nag-isip ng magandang estratehiya, "Gabi na at baka kung ano pang mangyari sa'yo. Maraming naglipanang halang ang bituka ngayong panahon."

"Salamat na lang, pero kaya ko na ang sarili ko."

Biglang natapakan ni Edell ang preno na muntikan pang ikasubsob ng dalaga sa windshield.

"Bakit? Okay ka lang?" usisa at pag-aalala ni Francheska.

Hindi sumagot ang binata na napatitig lang sa magandang sakay...

"Kapag bago natapos ang araw na ito at may sumakay o nakisakay saiyong babae, huwag mo nang pakakawalan dahil malakas ang kutob kong siya na ang una mong magiging nobya!"

Tila sirang-plaka sa isip ni Edell ang naging habilin ng ama.

"Anong oras na?"

Nagtataka man ay tiningnan ni Francheska ang oras sa suot na relo, "Malapit na palang mag-umaga."

Parehong napasigaw ang dalawa nang makarinig sila ng malakas na tunog. Ikinatakbo naman ito ng dalaga palabas nang sasakyan na sa pagmamadali ay naiwan ang isang sapatos.

Mabilis na hinanap ni Edell ang pinanggagalingan ng ingay. Pamilyar ito sa kanya.

Ilang sandali pa ay natukoy ng binata ang umistorbo sa maganda sana niyang diskarte. Naimpake ng kanyang ina ang alarm clock niya, pero hindi naman siya gumigising ng hatinggabi para i-set ito sa alas dose?

"Akala ko naman kung bomba na!" nakangiting wika ni Francheska na nasa labas pa ng nakabukas na pinto. "Tulog-mantika ka ba?"

Sa halip na umimik ay natuon ang tingin ni Edell sa naiwang sapatos malapit sa paanan. Dinampot niya ito, bumaba at isinuot sa dilag na tila madadagdag sa listahan ng kanyang haharanahin.

----

HINDI matukoy ni Edell kung ang dumapo ba sa kanya ay suwerte o ito ang kaloob ng tadhana sa tulad niyang umasa at nakaranas nang maraming kabiguan.

Hanggang sa mga oras na 'yun ay malakas pa rin ang tambol ng kanyang puso na tila may nagkakarerahan ditong kabayo. Gusto tuloy niyang tumaya at ilagay ang petsa na nagkakilala sila ni Francheska, baka sakaling maipanalo niya ang puso nito.

"Napakaganda..."

Napatingin ang dalaga kay Edell. Ngumiti ito.

"Napakaganda ng tanawin, 'di ba?" biglang pagbawi nito na agad iniiwas ang mga mata.

DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANAMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon