FINALE

2.4K 80 6
                                        

  HINDI na kailangang hulaan pa nina Don Edell at Francheska kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyang huminto sa kanilang harapan. Malaki ang naitulong at naiambag nito sa pagbuo nang hindi malilimutang kuwento ng pag-iibigan nila.

"Don Romantiko!" magiliw na bati ni Crisanto nang makababa ito.

Nagyakap ang magkaibigan habang nakipag-biso naman ang ginang.

"Sa hinaba-haba man ng prusisyon, Rancho de Apollo pa rin ang tuloy!" Tinapik-tapik nito sa balikat ang don habang nakaarko sa labi ang mapanuksong ngiti, "Iba na talaga ang may malakas na karisma. Alam mo ba no'ng malaman ko na bumalik na ang reyna ng rancho ay parang gusto kong i-motorcade papunta dito ang limang karo na bagong bili ko?"

"Kapag ginawa mo 'yan ay baka maisipan kong pasukatan ka na ng kabaong," pagbabanta ni Don Edell.

"Nagbabalak nga pala akong magpatayo nang branch ng punerarya sa Dagupan, bibigyan kita nang malaking discount."

"Wala ka pa rin talagang ipinagbago, Crisanto!"

Sabay-sabay na napatingin ang tatlo sa direksyon ng itim na karo nang marahas na bumukas ang kabilang pinto nito at lumabas dito ang isang matangkad, maputi at guwapong binata na mukhang kagigising lang dahil sa namumungay na mga mata.

"This really suck!"

"Cristoff, magmano ka muna sa ninong at tita mo."

"What?"

"Huwag kang magkukunwaring hindi mo ako naintindihan dahil babatukan kita! Magmano ka!"

Tumalima naman ang binata na humalik sa pisngi nina Don Edell at Francheska.

"Iba na talaga ang mga kabataan ngayon," saad ni Crisanto. "Dinala mo lang sa Amerika, pagbalik ay Amerikano na."

"And American citizen doesn't ride in that car unless they are dead ," pagtukoy nito sa sinakyang karo.

"Hijo..." Maagap nang pinutol ni Francheska ang usapan bago pa man bumangon ang tensyon sa pagitan ng mag-ama, "Doon ka muna sa loob para maihanda kita nang makakain at maiinom."

"Thank you, tita. I think this place is much more cozy than in funeral homes!"

Pinigilan ni Don Edell sa braso ang kaibigan na aktong paliliparin sana ang palad sa batok ng anak.

"Kulang lang ng disiplina ang batang 'yan!"

Hinintay muna ng don ang dalawa na makalayo bago nito binitiwan ang pagkakahawak kay Crisanto, "Kasalanan mo din naman."

"Kasalanan ko?"

"Hindi lalayo sa'yo ang loob ni Cristoff kung pinili mong sila ang makasama kaysa sa punerarya."

"Pare, alam mo namang hindi ko puwedeng iiwan ang Ponciano dahil mahalaga 'yun sa aking pamilya."

"Mahalaga pa sa mag-ina mo?"

Napipilan si Crisanto.

"Ano nga palang dahilan at umuwi dito ang anak mo?"

"Nagkaroon siya ng problema doon."

"Baka ito na ang pagkakataon para mapalapit ka sa kanya. At tingin ko, hindi magiging maganda ang simula ninyo kung ititira mo siya sa punerarya."

"Balang-araw ay mamanahin din naman niya 'yun."

Napailing na lang ang don, "Dito muna siya sa rancho para maging masaya at komportable naman ang bakasyon niya. At ikaw? Huwag puro patay ang inaasikaso mo!"

"Ano bang gusto mong gawin ko?"

"Father and son bonding!"

"At kayo ni Opium?"

"Pag-uusapan namin 'yan pagkatapos nang pulot-gata namin ni Francheska," sabay kindat sa kaibigan.

"Baka naman humabol ka pa nang anak-sa-tuhod?"

"Basta tumatayo pa si 'Manoy', bakit hindi? At sabi naman ni Franz, nireregla pa siya. Ano sa tingin mo?"

"Malibog ka!"

Nagkatawanan ang dalawa. At hahakbang na sana ang mga ito patungo sa direksyon ng mansyon nang matanaw nila ang dalawang magkasunod na sasakyang pumasok sa rancho.

"Tamang-tama lang ang dating nila!" wika ni Crisanto.

"Biglang nangati ang kamay ko na tila gustong kumalabit ng gitara at mangharana dahil buo ang barkada!"

"Don Romantiko!"

Parehong nakalarawan sa mukha nina Senator Roberto Melendez at Deputy Ambassador Edric Ballesteros ang kasiyahan nang lumapit sa kinatatayuan ng dalawang matalik na kaibigan.

Nagkamay at nagyakapan ang apat.

"Crisanto, hindi ba nakakahiyang itabi sa sasakyan mo ang limousine namin?" tanong ni Edric.

"Walang problema dahil nagmumukha lang namang mumurahing lata ang kotse ninyo!"

Pumailanlang ang malakas na tawanan ng magkakaibigan tulad noong kanilang kabataan.

----

SINASAMBA kita,
Higit sa iyong akalang iniibig lang kita.
Paggalang ko sayo'y higit sa buhay kong taglay,
Wala na yatang papantay.
Ang buhay may ibibigay ko pa,
Sinasamba kita..."

Humiwalay ang mga mata ni Opium sa pagsunod ng tingin sa naglalakad na bride at natuon ito sa suminghot na katabi. "Teenager ang drama, ah?"

Muling pinahid ni Don Edell ang pagpatak nang mga luha, "Masaya lang ako. Ito na yata ang pinakamaligayang araw sa buhay ko."

Tinapik-tapik ng binata ang ama upang iparamdam dito ang kanyang suporta. At bilang tumatayong bestman nito, kailangang bigyan niya ito nang pag-unawa. Real man do cries, especially when it's during their wedding moment. Ganito din siya noong ikasal, hindi matatawaran ang kasiyahang inihatid sa kanya nang araw na iyon.

"Kung anumang dahila'y hindi mahalaga,
Basta't sinasamba kita.
Bilang pagmamahal ang siyang nadarama,
Paano ka maipipinta?
Kulang ang kulay nila.
Para mailarawan ka, sinta..."

Minsan sa nakaraan ni Edell ay nangarap siya ng isang makulay na pag-ibig tulad nang mga kabayong naglipana sa paligid. Wala na siyang mahihiling pa dahil tila pinaghalong krayola at bahaghari ngayon ang kanyang buhay. Kumpleto sa kulay.

"Sinasamba kita,
Kung kasalanan man sa Diyos ang sambahin kita.
Marahil ay mauunawaan niya ang tulad ko,
Na labis nagmahal sa'yo.
Masisisi niya ba ako, sinta
Sinasamba kita..."

Mapaglaro at mapagbiro man ang tadhana, nagagawa pa rin nitong pagsamahin ang dalawang pusong nanindigan para sa wagas na pag-ibig. At habang nakamasid ang emosyunal na don sa kanyang mapapangasawa, paulit-ulit niyang sinabi sa sarili na tama lang na naghintay siya. God is good.

"Fatima, sino ba sila?"

"Kapitbahay yata natin. Mukhang mababait dahil naisipan pang imbitahan tayo."

"Ano bang okasyon 'to?"

"Binyagan."

"Kaya pala kanina pa ako may nakikitang bata doon," sabay turo ni Don Lucio sa unahan ng altar.

"Lolo, hindi siya bata. Bansot lang, pero si Tito Edell 'yun."

Tumingala ang mag-asawang parehong nakaupo sa wheelchair at inaninag ang mukha ng nagsalita, "Sino ka ba?" tanong ng donya.

"Alexis," tugon ng ginoo na lumapit at isinuot sa mata nang mga magulang ang kani-kanilang salamin. "Anak ko at apo ninyo."

"At ikaw?" pagtataka ng don.

"Aristocrat."

"Papa, kukuha lang ako ng tubig para makainom na sila nang gamot nila."

Tumango lang si Aristocrat na natuon ang tingin sa nagsisimula nang seremonya. Napangiti ito. Hindi siya pinalad na magkaroon ng makakapareha habangbuhay sa kabila nang kakisigan, katalinuhan at pagiging pamoso niya noon. Marami siyang naging nobya, parang damit kung magpalit. At dumating man doon sa puntong nagharap siya ng babae sa dambana, hindi rin naman nagtagal ang kanilang pagsasama.

Masuwerte pa rin pala sa kanya ang bunsong kapatid. Tumanda man ito sa paghihintay, dumating naman ang makakasama nito habangbuhay.

"Artemio..."

"Aristocrat, Mama."

"Ano ka ba naman, Fatima? Pangalan na lang ng anak natin, kinalimutan mo pa!" Tinangala ni Don Lucio ang lalakeng nakatayo sa kanyang tagiliran, "Aurelio..."

"Aristocrat, Papa."

Binalewala ng don ang pagtutuwid sa pangalang kanyang nabanggit. "Bakit ba biglang nagbago ang klima?"

"Umuwi tayo ng Pilipinas, 'pa."

"Umuwi tayo?"

"Dalawang araw na."

"Hindi ba't ibinilin namin ng mama mo na kapag babalik tayo dito ay kailangang una nating puntahan ang iyong kapatid na si Eigelbert?"

"Edellberto."

Napailing na lang si Aristocrat. Mula nang tumuntong sa edad na nubeinta ang mga magulang niya ay naging makakalimutin na ang mga ito.

"Tawagan mo ora mismo si Edelfonso at sabihin mong darating tayo sa rancho!"

"Edellberto, Mama!" muling pagtatama nito sa pangalan ng kapatid. "At hindi na kailangan dahil nandito na tayo."

Pinagala ng mag-asawa ang tingin sa paligid.

"Kasal ngayon nina Edellberto at Francheska."

"Francheska?" pag-uulit ng don. "Pamilyar sa akin ang pangalan na 'yan! Kung hindi ako nagkakamali ay siya ang babaing madalas noong haranahin ni Don Romantiko."

Napangiti si Aristocrat.

"Kasal nga ba nila ngayon?"

"Opo, Papa."

"Tingnan mo nga naman ang tadhana. Ilang taon ba silang nagkahiwalay, Armando?"

Hindi na lang pinansin ni Aristocrat ang maling pagbanggit muli sa kanyang pangalan. "Tatlong dekada rin, Papa."

Napahikbi ang donya. "Siguradong masayang-masaya ngayon ang ating bunso, Lucio."

Indeed.

Wala ngang pagsidlan ng kaligayahan ang puso ni Don Edell habang nakikipagpalitan ng sumpaan sa harap ng altar kasama ang babaing pinakamamahal. At kahit mas matanda man sila kaysa sa pari na nagkakasal sa kanila o maging karamihan sa mga bisitang naroon, it doesn't matter. Ang mahalaga ay may sagradong tali nang mag-uugnay sa kanila hanggang wakas.  

🎉 Tapos mo nang basahin ang DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANA 🎉
DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANAMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon