Chapter 13

1.4K 50 0
                                        

  MARIRINIG sa buong kusina ang masayang sipol ni Don Edell habang abala ito sa harap nang kalan. Sumasabay pa ang bilugan nitong katawan sa saliw ng tunog mula sa bibig.

Nakatulala namang nakatunghay dito ang dalawang katulong maging sina Franco at Angela. Hindi kasi nila madalas makita ang ganitong senaryo lalo na kung ang buong araw ay inilalaan lagi ng don sa piling nang mga kabayo nito.

"Bakit hanggang nga-"

"Ssshhhh!" sabay na saway ng mag-asawa sa pagsulpot ni Opium na itatanong sana kung bakit tanghali na ay nasa kuwadra pa rin ang mga kabayo.

Nakasanayan na kasi sa rancho na ang PINUNO nang nabanggit na hayop ang nagpapalabas sa mga ito para pabaunan ng halik, yakap at salitang INGAT bago gumala sa malawak na lupain.

Inginuso nina Franco at Angela ang matandang don na umiindayog pa ang puwet sa paggiling ng balakang.

"Anong klaseng espiritu ang sumanib sa kanya?" pagtataka ni Opium.

"Darating daw ngayon si Miss Franz," pabulong ni Angela.

"At ilang araw daw mamamalagi dito para pag-usapan ang kanilang magiging kasal," wika ni Franco.

"Iba din ang asim nang matandang 'to!"

Mahinang nagkatawanan ang mag-asawa.

"Tama!"

Napapitlag ang mga naroon sa kusina.

"Kailangan ko nang dagdag asim para sa sinigang." Tumingin ito sa direksyon nang umpukan, "Sampalok! Kayong dalawa..." turo nito sa nagbubulungang kasambahay, "nagtsitsimisan na naman kayo. Ikuha ninyo ako nang sampalok!"

"Walang bunga!"

"Aba't..." Lumukot ang noo nito sa magkasabay na sagot nina Vilma at Nora na alam niyang tinatamad lang manungkit dahil malapit na ang oras nang inaabangan ng mga itong tv show na Buhay Artista.

Kasabayan na niyang tumanda ang dalawa. Hindi na nakapag-asawa ang mga ito dahil mas inuuna lagi ang balita tungkol sa mga taga-showbiz mula sa tambalan nina Eddie Guitterez at Susan Roces, Fernando Poe at Nanette Medved, Richard Gomez at Dawn Zulueta, Jericho Rosales at Kristine Hermosa, Enrique Gil at Liza Soberano, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Hihintayin pa yata nang mga ito na magkaroon ng loveteam si Dagul o kung kailan nito lilisanin ang Goin'Bulilit.

"Ang wrenkles," paalala ni Vilma.

"Sayang facial cream!" segunda ni Nora.

Plinantsa naman agad ni Don Edell ang mukha, "Hindi na siguro kailangan ang sampalok." Ngumiti ito. "Sige na, manood na kayo ng tv!"

Masaya nang tumalikod ang mga kasambahay at lumabas na ng kusina.

"Hep, hep, hep!" Pagpigil ni Opium sa don nang ibabalik sana nito ang atensyon sa pagluluto, "Wala ka bang balak palabasin ang mga kabayo?"

"Inuutusan mo ako?"

"Inako mo ang trabahong 'yun, hindi ba?"

"Kailan pa?"

"Mula nang maimbento ang mga letrang K-A-B-A-Y-O!"

Inisip naman muna ni Don Edell kung ano ba ang salitang nabuo sa mga nabanggit na titik. "Marami namang tauhan, 'di ba? Sayang ang ipinapasahod ko sa kanila kung puro tong-its lang ang inaatupag nila. At ikaw? Puwede mo ring gawin 'yun. Huwag kang tamad!" muli nitong hinarap ang kalan.

"Pipilayan ko si Abubakar," pagbanggit nito sa pinakamatandang kabayo na ayon sa don ay may mataas na I.Q.

"Tatlo ang veterenarian natin."

"Puputulan ko nang paa ang kambal ni Apollo!" dagdag pagbabanta nito sa dalawang pinakamahalagang nilalang sa rancho na sina Artemis at Bartimus.

"Masarap gawin 'yang paksiw."

----

KANINA pa napapansin ni Don Edell ang pananahimik ng kasama. Nakatanaw lang ito sa sapa, ngunit tiyak niyang malayo ang iniisip nito.

"May problema ka ba?"

Bahagyang napapitlag si Francheska. Tumingin ito sa katabi at ngumiti.

"Makikinig ako."

Marahang umiling ang ginang at muling itinuon ang mga mata sa unahan.

"Ayaw mo na bang ituloy? Nag-aalangan ka dahil matatanda na tayo."

"Hindi. Hindi ako nag-iisip nang ganyan. Alam mong pareho nating hinintay na humarap sa altar at magsama habangbuhay."

"Masaya akong marinig 'yan."

Sandaling napipilan ang ginang. "Masaya din ako, pero makukumpleto lang siguro ang kaligayahan ko kung mapapatawad mo ako sa ipagtatapat ko."

Napakunot ng noo ang don. Bigla itong nakaramdam nang kaba. "Wala ka namang itinatagong asawa sa akin, 'di ba?"

Sunud-sunod na umiling si Francheska. Nagpakawala muna ito nang malalim na buntong-hininga bago sinimulan ang paglalahad. "Matapos ang apat na buwang recovery ni Papa noon, binalak kong bumalik dito sa Pilipinas para makipagkita sa'yo at..." She paused, "A-at ipaalam na nagbunga ang namagitan sa atin."

"Nabuntis ka?!"

Marahang tumango si Francheska, "Apollo ang ipinangalan ko sa kanya."

"Lalake?!"

"Matangkad."

"Mabuti at hindi nagmana sa akin."

"Kuhang-kuha niya ang mga mata mo."

"Nasaan siya? Bakit hindi mo isinama? Gusto ko siyang makilala!"

Napayuko ang ginang. Lumarawan sa mukha nito ang matinding kalungkutan. "I'm sorry, Edell."

Agad nabura ang kagalakan sa puso ng don. "Anong ibig mong sabihin?"

"Wala na siya."

"Anong wala na siya?"

Pinalipas muna ni Francheska ang ilang sandali bago itinuloy ang pagtatapat. "Limang taon si Apollo nang mamatay si Papa. Matapos ang ilang buwan ay nagdesisyon akong umuwi. Hindi na ako napigilan ni Mama. Tumuloy kami sa isa kong tiyahin sa Sierra Madre kung saan ay nakilala ko si Lirika at naging headmistress ako nang unibersidad na pinapasukan niya."

Tahimik lang na nakikinig si Don Edell, pero hindi nito maiwasang kabahan sa magiging wakas ng salaysay.

"Inihanda ko muna ang aking sarili maging si Apollo bago kami bumalik ng Dagupan. Ayokong biglain ka kaya nagpasya akong maghanap nang pansamantala naming matutuluyan. At..." Nag-unahan ang mga luha nito sa magkabilang pisngi, "Habangbuhay kong sisisihin ang sarili ko, Edell!"

"Anong nangyari?"

Hindi agad nakasagot si Francheska, nag-ipon muna ito nang lakas ng loob. "Nakagat ng aso si Apollo."

Biglang may bumalik na nakaraan sa alaala ng don...

"Ano 'yan?"

"Nakagat po ako ng aso."

Napasapo sa sintido si Don Edell. Iwinaksi nito ang nasa isipan.

"Nadala ko siya sa ospital kaya agad siyang naagapan. Ilang araw kaming namalagi doon hanggang isang gabi ay lumabas ako para bumili nang makakain. Iniwan ko siyang nahihimbing, pero pagbalik ko ay wala na siya."

Pilit mang iwasan ng don ay muling pumasok sa balintataw nito ang tagpong nag-krus ang landas nila nang naging unang bata sa Rancho de Apollo..."

"Saan ka ba nanggaling?"

"Doon po sa malayo. Tumakas ako kasi tinuturukan nila ako ng karayom. At gusto ko pong hanapin si Mama."

"Nawawala ka ba?"

"Mama ko po ang nawawala, hindi ako."

"Pumunta ka sa bayan, manawagan ka sa Bombo Radyo doon. Ano bang pangalan ng mama mo?"

"Prinsesa po."

Bumalik ang diwa ni Don Edell nang marinig ang malakas na iyak ng katabi. Tinitigan niya ito, pero wala dito ang kanyang isip kundi nasa nakaraan...

"Sir!"

"Apollo!"

"Nakita ko po siya sa isang bakanteng lote sa Villaruz. Mabuti na lang po at narinig ko ang panawagan tungkol sa nawawalang kabayo ninyo. Hindi ko po alam na kayo pala 'yun."

"Nagkakilala na ba tayo?"

"Ilang taon na rin po. Ako po 'yung batang binigyan mo ng pera at pinapunta sa istasyon ng radyo para hanapin ang mama ko."

"Oo. Naalala na kita. Parang kailan lang 'yun, ah? Ang bilis mong lumaki. Buti naman at natatandaan mo pa ako."

"Opo."

"Nahanap mo ba ang mama mo?"

"Hindi na po. Hindi ko na nga po matandaan ang mukha niya. At baka nakalimutan na rin niya ako."

"Ano bang pangalan mo?"

"Popoy po, pero nagpalit na ako nang pangalan kasi sabi nang mga kaibigan ko ay hindi daw bagay sa akin."

"Oo nga, pambata lang 'yun. Ano na bang pangalan mo ngayon?"

"Opium po."

Napapikit ang don. Mapait itong napangisi. Hindi patas sa kanya ang tadhana. Ipinagkait nito ang panahon maging pagkakataon na magkaroon nang isang masaya at buong pamilya.

"Edell-"

"Anong tawag sa'yo ni Apollo?" pagputol nito sa iba pang sasabihin ni Francheska.

"Mama."

"Bukod sa salitang 'yan, meron pa bang iba?"

"Prinsesa."

Nangilid ang mga luha sa mata ni Don Edell. Tila piniga ang puso nito.

"Bulol pa siya kaya hindi niya mabanggit nang deretso ang Francheska."

"A-anong tawag mo sa kanya?"

"Popoy."

Mabilis na tumayo ang matandang don. Kumuha ito ng bato at buong lakas na inihagis sa tahimik na sapa. Ibinunton nito ang nagliliyab na emosyon sa bawat mahawakan at madampot sa lupa. Napakalupit ng tadhana para pati kanyang anak ay idamay pa na sana ay nabigyan niya nang magandang kinabukasan.   

DON ROMANTIKO (BOOK 4: RANCHO DE APPOLO) BY: LORNA TULISANAMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon