PROLOGO
Tuwing umuulan... naaalala ko siya.
Ang mala-anghel niyang mukha.
Ang nakakaloko niyang mga ngiti.
Ang mahigpit niyang mga hawak.
Ang matamis niyang halik.
Ang... biglaan niyang pagkamatay.
Ang bilis lang ng panahon. Malapit na mag-isang taon mula nang mamatay ang lalaking pinakamamahal ko.
Buti pa ang panahon, mabilis lumipas. Sana ganon lang din kabilis humilom ang mga sugat na natatamo ng tao sa kanilang puso. Sana ganon lang din kabilis mawala ang sakit. Kaso... hindi eh.
Hindi at mukhang imposible na sa kaso ko.
Hindi at imposible na—hangga't umuulan.
"Haaay."
Napabuntung-hininga ako habang nakatayo sa entrance ng main building ng high school na pinapasukan ko. Ang lakas kasi ng ulan at hindi ako makaalis. Naiwan ko pa naman ang payong ko sa bahay. Tapos wala pa akong kaklase o kakilala na may payong na pupwede kong sabayan kahit hanggang sa may sakayan lang ng jeep.
Kasi naman, pasado alas singko na ng hapon. Kanina pang 4 ang uwian namin kaya halos wala nang ibang estudyante ngayon sa paligid.
Tsk. Nakakainis. Kung alam ko lang na aabutan ako nang ganito kalakas na ulan, sana hindi ko na lang tinulungan ang Math teacher namin sa pag-record ng quizzes ng limang section na hawak niya. Inis na inis pa naman ako kapag umuulan.
Napasimangot ako sabay yakap sa sarili ko. November na eh. Iba na ang lamig kapag ganitong umuulan. At maaga na ring nagdidilim.
Nakatulala lang ako sa quadrangle ng school namin nang makaramdam ako ng presensya ng tao na malapit sa akin. Tumingin ako sa kaliwa ko at hindi ako nagkamali. May tao nga. Si Khaizer Ranillo, ang kaklase kong... hindi ko maintindihan ang pagkatao.
Mailap na tao si Khaizer. Masyadong tahimik at hindi gaano nakikisalimuha sa amin.
Pero, hinding-hindi ko malilimutan ang unang pagkikita namin. Inis na inis ako sa kanya noon. Umuulan din noon eh at first day of classes pa. Pahirapang sumakay ng jeep tapos siya, ang kapal ng mukhang unahan ako sa jeep na sasakyan ko dapat. Eh iisa na lang ang bakanteng puwesto nung jeep. Ang ending tuloy, na-late ako sa klase namin.
Nahupa na lang ang inis ko sa kanya nung maging seatmates kami. Mukha man siyang masungit dahil sa mga mata niya, nararamdaman ko namang mabait siya. Bukod kasi sa tahimik at mailap siyang tao, tumutulong din naman siya kapag may group activities kami. 'Yung pang-aagaw nga niya sa akin ng jeep noon, na-realize ko na hindi niya malamang sinasadya. Naka-earphones kasi siya nung mga oras na iyon at nagmamadali rin gaya ko.
Nakatitig ako sa pagmumukha ni Khaizer habang nakatingala at nakatulala naman siya sa ulan—nang bigla siyang lumingon sa akin.
Hindi ko na iyon ikinagulat. Dahil seatmates kami, sanay na ako sa maya't maya naming paglilingunan.
Saglit kaming nagtitigan bago magkasabay na nag-iwas ng tingin at bumalik sa pagtitig sa malakas na pagbuhos ng ulan. Hanggang sa magulat na lang ako dahil bigla-bigla na lang lumusong si Khaizer sa ulan. Nakayuko lang siya at mabilis na naglakad palayo.
Ang daya! Muntik ko na 'yung maisigaw. Ang daya naman kasi talaga. Si Khaizer, nakaalis na. Ako, hindi pa!
Nako. Kung hindi lang ako babae at kung wala lang babakat sa blouse ko kapag nabasa ako, lulusungin ko na rin ang ulan na 'yan makauwi lang.
Muli ako napabuntung-hininga. Babae man ako at may babakat man sa blouse ko kapag mabasa ako, mukhang lulusong at lulusong din ako sa ulan na 'yan maya-maya. Hindi na kasi ako puwedeng magtagal pa rito. Papadilim na talaga. Kailangan ko nang makauwi at 'yung kapatid ko, hinahanap na ako panigurado.
"Shine!"
Bigla akong nanlata nang ma-imagine ko ang pagsigaw ni Louie sa pangalan ko. Bigla kong na-miss 'yung susunduin niya ako gaya ng lagi niya noong ginagawa tuwing uwian, 'yung papayungan niya ako tuwing umuulan.
"Lulu..." Bulong ko habang umaasa na darating siya.
Napangisi rin ako agad. Sino ba ang pinagloloko ko?
Huwag mo nang lokohin ang sarili mo, Sunshine.
"Sunshine!"
Sa pagkakataon na 'to, totoo nang may tumawag sa akin. Napalingon ako sa likuran ko at nakita ko si Ma'am Hermana, ang Math teacher namin na mukhang pauwi na.
"Nako, nandito ka pa pala!" Bati niya.
"Ang lakas po kasi ng ulan." Dahilan ko naman. "Eh wala pa naman po akong payong."
Mukha akong malungkot habang nakikipag-usap sa teacher ko. Pero sa loob-loob ko ay masaya talaga ako. Malamang kasi na may payong itong teacher ko. So may masisilungan na ako kahit hanggang sa may sakayan lang ng jeep!
"Tsk tsk, kung alam niya lang na nandito ka pa, siguro binigay na niya sa 'yo 'to nang diretso."
May kinuha si Ma'am Hermana sa bitbit niyang paper bag. Isa 'yung itim na folding na payong na inabot niya sa akin.
"Naiwan mo raw 'to sa classroom niyo, sabi kanina ni Ranillo."
Gulat akong napatitig sa guro ko.
Kasi naman, hindi akin 'yung payong. Ano ba ang pinagsasabi ng Khaizer Ranillo na 'yon?
"Sunshine? Kunin mo na oh, nang makauwi ka na." Mas nilapit pa sa akin ni Ma'am Hermana 'yung payong.
Naguguluhan pa rin ako, pero kinuha ko na 'yung payong dahil sa mahigpit na pangangailangan.
Tama...
Sa ngayon, gagamitin ko muna itong payong. Bukas ko na lang kukuwestyunin si Khaizer.
"Tara na, sabay na tayo." Yaya ni Ma'am Hermana sabay bukas ng sariling folding na payong.
Tumango ako at sumunod sa kanya.
—TBC
BINABASA MO ANG
Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)
Teen Fiction• 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗┊ 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟱 - 𝟮𝟬𝟭𝟳 • (𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐓𝐫𝐢𝐥𝐨𝐠𝐲 𝐁𝐨𝐨𝐤 𝟐)