IKALABING TATLO
Simpleng lugar. Simpleng panahon. Simpleng pagkakataon. Kaya isang simpleng tanong lang din ang inasahan ko kay Khaizer nung mga oras na iyon. Simpleng tanong gaya ng, "Puwede ba kaming maglaro bukas ni Cloud?" o, "Kailan nga ulit 'yung balik ng pasok natin?"
Pero hindi eh.
"Puwede ba kitang mahalin?"
Simpleng tanong ba 'yon?!
Badtrip na Khaizer 'yon... Hindi man lang ako inabisuhan na ganon ang magiging tanong niya.
Napatigil ako sa gitna ng pagkain ko ng almusal kasabay sina Mama at Cloud. Walang-wala akong gana kumain mula pa kagabi. Nanghihinayang nga ako dahil ang dami naming handa ngayon. Pasko eh. Paskong-Pasko tapos nagkakaganito ako, sirang-sira ang sistema ng buong katawan dahil lang sa isang tanong na narinig ko nung nakaraang linggo.
"Puwede ba kitang mahalin?"
Puwede nga ba?
Ayoko eh... Ayoko sana...
"Matagal-tagal na 'to eh, Sunshine. At gusto ko na sanang ihinto 'to. Dahil alam ko na wala akong laban kay... Louie. Dahil alam ko na wala akong pag-asa sa'yo."
Napapikit ako kasabay ng patuloy na panggugulo ng boses sa akin ni Khaizer.
"Pero sabi mo sa'kin no'n, huwag ako sumuko nang hindi sumusubok? So ito... pinapaalam ko na sa'yo. Gusto kita."
Bumilis ang tibok ng puso ko. Palagi na lang, tuwing naiisip ko na ako pala ang tinutukoy niya noon na babaeng gusto niya.
"Ngayon, payag ka ba na ituloy ko itong nararamdaman ko para sa'yo? Puwede nga ba kitang mahalin?"
Handa na akong tumanggi no'n dahil ayun ang tama.
"H-hindi ko alam, Khaizer..."
Pero bakit iba ang sinagot ko sa kanya?
Bakit?
"Uy, Shine, anak."
Napadilat ako sa pagtawag sa akin ni Mama.
Oo nga pala, nasa gitna kami ng pagkain.
Nang tingnan ko si Mama, nakita ko ang matinding pag-aalala sa itsura niya. Habang si Cloud, abala lang sa pagkain.
"Okay ka lang ba?"
Kinabahan ako sa tanong niya. Alam kong hindi ako okay. Masyado akong naguguluhan. Para na akong mababaliw. Kailangan ko na ng tulong. Kailangan kong makarinig na payo mula sa kanya.
"Gusto mo bang samahan ka namin ng kapatid mo sa pagdalaw mo sa kanya?"
Natigilan ako sa tinanong na iyon ni Mama. Ang kaba ko, bigla-biglang humupa.
Sa kanya. Kay Louie.
God... Pati iyon, nawaglit sa isip ko? Dahil kay Khaizer?
Ano ba naman 'yan, Sunshine?
"H-hindi na, Ma. Okay lang po ako. Kaya ko na po 'yon nang mag-isa." Sagot ko nang may pilit na ngiti.
Nginitian din ako ni Mama—nang matamlay naman—bago kami bumalik sa pagkain.
Napakulimlim ng panahon ngayon. Anumang oras maaaring umulan. Kagaya lang ng Pasko nung nakaraang taon.
Nanlulumo akong tumuloy sa pagbiyahe mag-isa para bisitahin si Louie. Nakakapanglumo ang mga alaala na naiisip ko dahil sa panahon na meron ngayon.
Buti na lang hindi pa rin bumabagsak ang ulan pagkarating ko sa sementeryo. Bumili ako ng bulaklak at kandila sa labasan bago ako tumuloy kung saan nakahimlay si Louie. Buti na lang din at kulimlim. Walang init ng araw. Puwedeng-puwede akong magtagal at makipagkuwentuhan sa kanya.
BINABASA MO ANG
Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)
Teen Fiction• 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗┊ 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟱 - 𝟮𝟬𝟭𝟳 • (𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐓𝐫𝐢𝐥𝐨𝐠𝐲 𝐁𝐨𝐨𝐤 𝟐)