IKALABING-ANIM
Nakakakaba...
"Shine, baka ma-late na kayo!"
Lalo akong kinabahan sa sinigaw na iyon ni Mama mula sa unang palapag ng tirahan namin.
"O-opo!" Sigaw ko rin mula dito sa kuwarto ko habang nakaupo sa kama. "Saglit na lang po!"
Tumayo na ako at sinuot ang bag pack ko.
Ngayong araw na ang balik-klase namin matapos ng Christmas vacation. At hindi ko alam kung ano bang dahilan ng kaba na nararamdaman ko ngayon. Siguro dahil kay Khaizer at sa panliligaw niya—panliligaw na lantaran na niyang ginagawa.
"Hay nako, Shine! Bakit ka ba natagalang mag-ayos? Anong oras na oh!" Nag-aalalang salubong sa akin ni Mama pagkababa ko ng hagdan. Inayos niya pa ang collar ng uniform ko.
"M-may hinanap pa po kasi akong gamit. Pero okay na po."
Nginitian ako ni Mama bago inakay papuntang kainan. Doon naabutan ko sina Papa at Cloud na kumakain na ng almusal. Madali ko silang sinaluhan at sumunod si Mama.
Sa isipan ko, nakangiti ako nang malapad sa eksena namin ngayon. Parang kailan lang, kaming tatlo lang nina Mama at Cloud ang magkasamang sinisimulan ang araw. Ngayon... buo na kaming pamilya.
"Uhm," biglang salita ni Mama. Doon ko lang napansin na tumigil pala siya sa pagkain. "S-saglit."
Tumayo si Mama at nagpuntang kusina. Mukha namang nag-alala si Papa. Kahit ako eh.
Sinundan ni Papa si Mama. Narinig ko si Papa na gulat na tinawag ang pangalan ni Mama, dahilan para mapatayo ako at sundan sila.
Pagkarating ko sa kusina, nakita ko na hinahaplos ni Papa ang likuran ni Mama habang dumudura sa lababo. Hindi nga lang dura eh. Sumusuka siya kaya nakaramdam ako ng takot.
"Ano pong nangyayari sa'yo, Ma?" Tanong ko sa kanya.
Gulat na tumingin sa akin si Papa. "Ah, ano..."
Natawa si Mama sa kabila nang panghihinang nakikita ko sa kanyang mukha.
"Ma..." Natatakot kong tawag sa kanya.
Nagmumog muna siya. Kasabay no'n ay ang biglang pagtabi ni Cloud sa akin at pagkapit sa dulo ng polo ko.
"Ayos lang ako, Shine. Nagkataon lang na..." Hinarap na niya kaming magkapatid. Nakangiti siya at hindi ko iyon maintindihan. Sinulyapan niya rin saglit si Papa, bago muling tumingin sa amin ni Cloud. "Nagkataon lang na may laman na namang baby 'to." At humawak siya sa puson niya.
Napanganga ako. "H-ha? Ibig sabihin... Buntis ka Mama?" Hindi ko makapaniwalang tanong.
Napakamot ng ulo si Papa.
"Sorry, hindi namin nasabi agad..." Lumungkot si Mama. "Naisip kasi namin ng Papa mo na... maghinay-hinay sa mga bagay na ipagtatapat namin sa inyo. Baka kasi hindi niyo matanggap agad-agad ang sitwasyon namin... o natin..."
Ilang segundo akong hindi nakaimik bago natawa. "Matapos nating mabuo bilang isang pamilya, paano naman naming hindi matatanggap agad-agad na magkakaroon na kami ng kapatid? Blessing ang baby, Mama! At excited na kaming magkaroon ng baby na kapatid."
Niyukuan ko ang kapatid ko na bahagyang nakanganga kay Mama.
"'Di ba, Cloud?"
Tiningala ako ni Cloud. Nakanganga pa rin siya, habang ang mga mata ay namimilog.
"Baby?"
Naestatwa ako sa narinig ko—narinig mula kay Cloud.
Narinig... kay Cloud... Nagsalita si Cloud?
BINABASA MO ANG
Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)
Подростковая литература• 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗┊ 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟱 - 𝟮𝟬𝟭𝟳 • (𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐓𝐫𝐢𝐥𝐨𝐠𝐲 𝐁𝐨𝐨𝐤 𝟐)