IKA-DALAWAMPU
"Shine! Ilan na lang kulang mong pirma?"
Umuulan...
"Shine? Hellooo!"
Mula sa labas ng bintana, napatingin ako sa katabi ko. Sa normal na school day, si Khaizer ang makikita ko kapag ginawa ko iyon. Pero ngayon, iba, dahil si Melanie ang nakita ko.
"Ano 'yon?" tanong ko sa kanya.
"Hala, wala lang sa sarili, Shine?" Matawa-tawa siya. "Huwag mo na muna kasi isipin 'yong si Khaizer! Hindi 'yon nambababae!"
Kamuntikan na rin akong matawa. "Uy, hindi ganon iniisip ko ha."
Nginitian niya ako. "Joke lang. Pero kasi! Ilan na lang ba kulang mong pirma?"
Binuklat ko ang nag-iisang notebook sa ibabaw ng desk ko at nilabas ang index card na may pirma ng mga guro namin. Ngayong Lunes na kasi ang simula ng clearance namin. Then Wednesday next week, graduation na namin.
Ang bilis talaga ng panahon. Pero... parang bumagal ito ngayong wala si Khaizer.
"Parehas lang pala tayo," sabi ni Melanie nang makita na niya ang clearance card ko. Binalik niya iyon agad sa akin at saka nagpangalong-baba sa desk. "Si Khaizer, kailan ba ang balik? Baka hindi siya maka-graduate nito, nako siya." Sabay tawa.
"Hindi 'yon," simple kong sagot. "Bukas, makakapasok na raw siya."
"Buti naman!"
Nanatili sa tabi ko si Melanie hanggang sa mag-uwian na. Maaga-aga kaming pinauwi dahil may emergency meeting daw ang Faculty para sa magaganap na graduation.
Isa-isa, nagsialisan na ang mga kaklase ko. Habang ako, nanatiling mag-isa sa seat ko at piniling panoorin ang pag-ulan sa labas. Sabi ko na lang kay Melanie, patitilain ko muna ang ulan dahil wala akong payong—na totoo naman. May dala talaga ako, pero nawala iyon habang pinapatuyo ko kanina sa labas ng room namin.
Inalukan ako ni Melanie na isabay palabas hanggang sa makasakay ako ng jeep. Tumanggi ako, sa dahilan na ka-text ko ang tatay ko at hihintayin ko na lang ito na daanan ako pauwi—na hindi totoo. Pero naniwala si Melanie at hinayaan na lang ako.
Gusto ko lang talagang mapag-isa ngayon. O magmukmok. Hindi kasi maganda ang pakiramdam ko. May kaba akong nararamdaman ngayong umuulan. Hindi naman kalakasan ang ulan sa labas pero sa hindi malamang dahilan, talagang binibigyan ako nito ng kaba. At sa kabang ito, si Khaizer ang naiisip ko. Nangangamba ako. Baka may nangyari na sa kanya na kung ano.
Pumikit ako at huminga nang malalim. Paranoid lang ako. Ilang beses ko nang naitanong kay Khaizer kung kamusta na siya mula nung umalis siya nung Sabado ng gabi para puntahan ang nanay niya, at lagi niyang sinasabi sa akin na ayos lang siya. Malungkot pero maayos.
"Malungkot siyempre kasi hindi kita magawang makita," sagot niya sa akin kagabi nung magkausap kami sa cellphone. Napaikot naman ako ro'n nang mga mata. Pero hindi ko rin ide-deny na may naramdaman din akong tuwa at kilig.
"Bakit ba kasi bukas ka pa uuwi?" tanong ko sa kanya. Bukod sa gusto ko na siyang makita ulit, nanghihinayang din ako sa attendance niya kahit ba clearance week na lang ngayon.
Nagbuntung-hininga siya. "Bukas pa kasi makakauwi rito si Mama. Bukas ko pa siya puwedeng makausap."
"Ah," ayun na lang ang nasagot ko. Alam ko e kung bakit kailangan na kailangan na niyang makausap ang mama niya. Iba kasi ang plano nito sa kanya para sa pag-apak niya sa kolehiyo, kaya kukumbinsihin niya itong makapag-aral sa gusto niyang unibersidad—which is sa papasukan ko.
BINABASA MO ANG
Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)
Teen Fiction• 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗┊ 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟱 - 𝟮𝟬𝟭𝟳 • (𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐓𝐫𝐢𝐥𝐨𝐠𝐲 𝐁𝐨𝐨𝐤 𝟐)