IKADALAWAMPU'T TATLO

861 34 2
                                    

IKADALAWAMPU'T TATLO


"Masaya ako para sa 'yo, Shine."

Ito na naman si Louie, kinakausap ako pero hindi ko siya makita. Wala akong makita sa paligid kahit anong lingon at ikot ang gawin ko.

"Lulu, nasaan ka?" tanong ko sa kanya.

Narinig ko siyang natawa. Napahinto na rin ako sa paghahanap dahil naramdaman ko ang likuran niya na nakadikit sa likuran ko. Lagi na lang siya ganito makipag-usap sa akin.

"Nangyari na ang gusto kong mangyari. Kaya mula ngayon, nasa inyo na ni Kai ang lahat ng puwedeng mangyari sa inyong dalawa sa susunod."

"Lulu?"

Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko kasabay ng ginawa ni Louie na pagyakap sa akin mula sa likod at paghalik sa ulo ko.

"Mahal ko kayong dalawa, okay? Kaya masaya ako. Masayang-masaya ako ngayon para sa inyong dalawa. At sapat na 'to sa akin."

Dahan-dahan, hinawakan ko ang braso niyang nakayakap sa akin. Sa mga mata ko, may namuong luha. May sakit akong nararamdaman, pero naroon din 'yong tuwa.

"Thank you, Lulu. Mahal ka rin namin."

Mahina siyang natawa at humigpit ang yakap niya sa akin. Pero kasabay no'n ay ang onti-onti niya ring paglaho. Nang tuluyang mawala ang brasong hawak ng mga kamay ko, napadilat ako sa reyalidad.

Nasa kuwarto ako, nakahiga sa kama, at luhaan ang mga mata.

"Ugh, Lulu naman e..." nagkusot ako ng mga mata. Nasa isipan ko ang pagyakap na ginawa niya sa akin sa panaginip, pati na ang mahina niyang pagtawa. Ayun lang ang naaalala ko at alam ko na may mga sinabi siya, kaso hindi ko na matandaan.

Masaya ako dapat sa araw na ito. Second monthsary kasi namin ngayon ni Khaizer at napag-usapan naming lalabas kami.

Tinext ko si Khaizer ng isang simpleng good morning lang. Tutal, nabati na namin ang isa't isa kanina dahil nagpuyat kami habang magkausap sa phone hanggang sa sumapit ang alas dose.

"Happy second monthsary sa inyo!" bungad na bati ni Mama pagkababa ko ng hagdanan. Abala siyang maghain sa mesa ng almusal namin.

"Sini-celebrate ba talaga 'yon?" kunot-noong tanong ni Papa na nakapuwesto na sa upuan niya.

"Tayo lang naman ang hindi e..." nakasimangot na sagot ni Mama sabay upo na rin sa tabi ni Papa.

Si Cloud naman, nagsimula na sa pagkain. Mukha siyang walang pakialam sa topic ng mga magulang namin.

"Tsk, Papa, binadtrip mo si Mama." tukso ko kay Papa habang lumalapit sa upuan ko.

Napanganga si Papa, tila hindi malaman kung anong depensa ang sasabihin. Nako, naging matampuhin pa naman si Mama nitong huli.

"E, kasi, hindi naman 'yon uso dati, sa edad natin," dahilan na ni Papa kay Mama. "Pero next month, sige, mag-celebrate tayo."

Hindi sumagot si Mama at kumain na lang. Natawa ako roon.

"Ate, maglalaro kami ni Kuya Khaizer sa court?" tanong sa akin ni Cloud.

"Ay, hindi puwede ngayon..."

Nalungkot ang mukha ng kapatid ko, at nakonsesya ako.

"Sorry, may lakad kasi kami. Pero bukas! Bukas, yayayain ko siya."

Ngumiti na si Cloud sa sinabi ko at tumango bago bumalik sa pagkain. Buti naman...

Habang kumakain, maya't maya akong tumitingin sa phone ko at baka nag-reply na si Khaizer. Kaso wala pa.

Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon