IKADALAWAMPU’T LIMA
Kung isang panaginip o bangungot ito… sana naman magising na ako.
Khaizer, hanggang kailan mo ako paghihintayin? Hanggang kailan mo ako pag-aalalahanin? Ano na ba kasing nangyayari sa ‘yo?
Pinalagpas ko ang nagdaang dalawang araw nang hindi ko siya nakokontak sa kahit na anong paraan. Pero ngayong panibagong araw na naman ang dumating at hindi pa rin siya sumasagot sa mga tawag at text ko… Ayaw ko na. Ayoko na nito.
Para na akong mababaliw dahil hindi ko na alam ang iisipin sa sitwasyon namin ngayon. Kung ano-ano na ang mga katanungang nagpapabalik-balik sa isipan ko.
Ayos lang ba siya? Babalikan pa ba niya ako? Kami pa rin ba? Mahal pa rin ba niya ako?
Bakit mo ba ‘to ginagawa sa akin ngayon, Khaizer?
Dahan-dahan, binuksan ko ang front door ng bahay ni Khaizer. Gaya nung huli kong pasok dito nung may sakit siya, ginamit ko ang susi na tinatago niya sa ilalim ng paso sa tapat ng bintana sa labas. At gaya rin noon, walang sumalubong sa akin ngayon bukod sa katahimikan ng lugar. Kahit si Snow, wala.
Baka naman nandoon lang ulit siya sa kuwarto niya? Baka naman may sakit lang siya o nabugbog na naman kaya ayaw niyang magparamdam sa akin?
Kahit papaano, nakaramdam ako ng pag-asa na makikita ko na siya ngayon.
Tumuloy ako sa pag-akyat ng hagdanan at pagpasok sa kuwarto ni Khaizer.
Malinaw pa sa isipan ko kung paano ko naabutan noon si Khaizer sa kama niya—tulog at balot na balot ng kumot.
Pero ngayon, wala akong naabutan na Khaizer sa parehong kama. Wala siya, kahit saan pang sulok ng kuwartong iyon ako lumingon.
Huminga ako nang malalim at saka lumunok para labanan ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Mapait akong napangiti pagkatapos.
“Buwisit ka, Khaizer.” bulong ko sa aking sarili. “Kapag ako, pinagti-tripan mo lang pala, lagot ka sa akin. Hindi ‘to nakakatawang joke ha.”
Lumapit ako sa kama at humiga roon. Niyakap ko ang isa sa dalawa niyang unan at napapikit ako. Amoy rito ang shampoo na ginagamit niya, maging ang pabango niya.
Biglang bumalik sa isipan ko ang pagyakap na ginawa niya sa akin sa kamang ito—‘yong braso niya sa katawan ko, ‘yong mga labi niya sa ulunan ko.
Humigpit ang yakap ko sa unan ni Khaizer at saka dumilat. Kinuha ko ang cellphone ko mula sa bulsa ng suot kong shorts at saka muling nag-text sa kanya.
Miss na kita, Khaizer… Huwag mo na ako paghintayin at pag-alalahanin, please?
Please, bumalik ka na… Bumalik ka na sa akin…
Pagka-send ko sa mga text na iyon, sinubsob ko ang mukha ko sa yakap kong unan. Ilang beses akong huminga nang malalim para pigilan ulit ang sarili ko sa pagluha.
“Hindi ba may number ka ng mama niya?”
Naalala ko ang tinanong sa akin ni Mama kagabi nang ipaalam ko sa kanya ang kalagayan namin ni Khaizer.
“Kung gusto mo, tatawagan ko ang mama niya para makamusta ang lagay niya.”
Totoo na may contact number ako ng mama ni Khaizer. Nakuha ko iyon nung minsang naglaro ako sa cellphone niya. Pero tinanggihan ko ang suhestiyon ng sarili kong ina dahil sinabihan ako noon ni Khaizer na huwag na huwag ko raw susubukang kontakin ang mama niya kahit na anong mangyari.
Pero… kailangan ko nga ba siyang sundin kung nagkakaganito kami ngayon?—kung nagkakaganito siya ngayon?
Bigla akong natigilan sa pag-iisip nang may marinig akong ingay mula sa ibaba—tunog iyon ng nagsarang pinto, at may narinig akong nagsalita. Malabo, pero sigurado akong boses iyon ng isang lalaki.
BINABASA MO ANG
Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)
Teen Fiction• 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗┊ 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟱 - 𝟮𝟬𝟭𝟳 • (𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐓𝐫𝐢𝐥𝐨𝐠𝐲 𝐁𝐨𝐨𝐤 𝟐)