IKAANIM
"Okay po, Tita Cynthia. Mm. Sige po. Byeee."
Nakangiti kong in-end ang tawag ni Tita Cynthia sa cellphone ko. Sa saya palagi ng boses niya sa tuwing nag-uusap kami, hindi ko napipigilang ngumiti. Pero sa tuwing natatapos na ang tawag at iniisip ko na ang naging usapan namin, doon ako inaatake ng lungkot—gaya ngayon.
Sabado na naman ngayon. Ang bilis talaga lumipas ng panahon. Isang buwan na lang halos at first death anniversary na ni Louie.
Pumikit ako at mula sa pagkakaupo sa sofa ay nagpadulas ako hanggang sa makahiga ako.
'Yung first death anniversary ni Louie ang pinag-usapan namin ni Tita Cynthia kanina. Hindi kasi siya makakadalaw sa puntod ng anak niya dahil nasa Middle East na siya at doon nagtatrabaho. Kaya nakisuyo na lang siya sa akin na bisitahin ang anak niya sa death anniversary nito, na sa totoo lang ay hindi na niya kinailangan ipasuyo pa sa akin dahil balak ko naman talagang bisitahin ang anak niya sa araw na iyon.
Hindi nga alam ni Tita Cynthia eh na buwan-buwan kong dinadalaw si Louie. Walang ibang nakakaalam no'n kahit pa ang mama ko. Lahat kasi sila, ang gusto, makalaya na ako sa sakit sa pagkawala ni Louie. Pero paano? Paano kung... sa ganong panahon at paraan siya nawala sa akin?
Magkikita dapat kami... Sasagutin ko na dapat siya... Pero nahuli ako at hindi na kami nagkita. Hindi ko na siya nakita nang buhay. Bukod sa ipinakamak siya ng walang kuwenta niyang matalik na kaibigan, may kasalanan din ako 'di ba?
Nagtakip ako ng mukha gamit ang isang throw pillow. Gusto ko na namang magmukmok, na gabi-gabi ko na lang ginawa magmula nung Tuesday—mula nung tuksuhin ako ni Melanie kay Khaizer; mula nung sabihin niya na gusto nilang makilala si Louie. Mula no'n, naging ganito na kabigat ang pakiramdam ko.
"Hmm?"
Inalis ko ang unan na nakatakip sa mukha ko at nilingunan si Cloud na inaalog-alog ang braso ko. Gamit ang mga kamay niya, sumenyas siya upang itanong kung nag-text na ba si Khaizer sa akin na maglalaro ng basketball.
"Hindi pa, Cloud. At huwag kang umasa. Busy ang taong 'yon." Sagot ko sabay takip muli ng mukha.
Hindi ko alam kung totoo bang busy si Khaizer gaya ng sinabi ko sa kapatid ko. Pero nakakasigurado ako na hindi na iyon magte-text sa akin. Bumalik na kasi kami sa dati. 'Yung hindi kami nag-iimikan. 'Yung mailap siya at 'yung wala naman akong pakialam sa kanya.
Ako ang nagsimula no'n. Ako ang unang umiwas kay Khaizer. At mas gusto ko na ito kaysa sa may nag-iisip na bagay raw kami o may namamagitan sa aming dalawa. Mas gusto ko na ito, kaysa sa maramdaman ko na parang nagtataksil ako kay Louie.
Naramdaman ko ang pagkuha ni Cloud sa cellphone kong nasa ibabaw ng tiyan ko. Hinayaan ko na lang siya dahil wala naman talagang text si Khaizer sa akin kahit ano pang hanap ang gawin niya. Wala rin akong number ng lalaking iyon kaya hindi niya iyon mate-text o matatawagan.
Mayamaya ay nakarinig ako ng sounds sa cellphone ko. Naglalaro na lang ng games si Cloud na ipinagpasalamat ko. Mas okay nang libangin niya ang sarili niya kaysa sa umasa sa bagay na imposibleng mangyari.
Hindi ko binago ang puwesto ko sa sofa at habang pinapakinggan ang tunog na nagmumula sa cellphone ko, nakaramdam ako ng antok—hanggang sa biglang magbago ang tunog na naririnig ko. Naging incoming ringtone ko na iyon.
Muli kong inalis ang unan na nakatakip sa aking mukha at tinignan ang kapatid ko na nakaupo sa sahig. Nahuli ko siyang nakatingin sa akin bago niya niyukuan ang cellphone ko at may pinindot doon, dahilan para huminto na iyon sa pagtunog.
"Hello?"
Nanlaki ang mga mata ko nang bigla akong makarinig ng boses ng isang lalaki mula sa cellphone ko.
BINABASA MO ANG
Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)
Teen Fiction• 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗┊ 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟱 - 𝟮𝟬𝟭𝟳 • (𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐓𝐫𝐢𝐥𝐨𝐠𝐲 𝐁𝐨𝐨𝐤 𝟐)