IKATLO
SATURDAY. Kasama ko sa sala ang 6-year old kong kapatid na lalaki na si Cloud. Behaved siyang nakaupo sa sofa habang nanonood ng NBA game sa TV. Ako naman ay nakaupo sa sahig at nakapuwesto sa center table habang gumagawa ng sangkatutak na assignments.
Mahabang sulatan ngayon sa English at Filipino. Mamaya naman, nakakadugong solving sa Physics at Math. Hay, student life!
Saglit akong huminto sa pagsusulat at nag-inat. Tinignan ko rin ang kapatid ko. Grabe. Tutok na tutok ang mga mata niya sa pinapanood na basketball game.
Nung isang buwan lang nagsimulang mahumaling 'yang si Cloud sa sports na 'yon. Masyado ngang biglaan eh dahil puro laruang kotse ang mga trip niya noon. Nagulat na lang kami ng mama ko nang mag-request siya ng bolang pang-basketball sa amin. Bumili naman kami nung maliit lang. 'Yung kaya niyang buhatin at i-dribble. At dahil suportado namin siya, pati ring ay bumili na kami at nilagay sa may garahe.
Kuwento sa amin ng teacher ni Cloud do'n sa pinapasukan niyang special school, malamang na na-engganyo raw ang kapatid ko sa napapanood na mga nagba-basketball sa court ng village namin. Eh katabi lang ng court ang school nila, at tanaw raw iyon mula sa bintana ng kuwarto nilang nasa ikalawang palapag.
Bigla akong napangiti. Six years old pa lang si Cloud. Pero pakiramdam ko, nagbibinata na siya.
"Cloud," tawag ko sa kanya nang mag-commercial 'yung pinapanood niya. Nilingunan naman niya ako. "Gusto mong kumain habang nanonood?"
Nakangiti siyang umiling.
"Sure ka?"
Tumango naman ito at binalik na ang paningin sa TV.
Mute pa rin si Cloud. Talagang hindi siya nakakapagsalita kahit anong therapy na ang sinubukan sa kanya. Pero hindi naman yo'n naging hadlang sa pag-aaral niya. Ngayon, nasa grade one na siya. At mula nung pumasok siya roon sa bago niyang special school, unti-unti na niyang nagustuhan ang paggamit ng sign language para makipag-usap.
Nako, kailangan ko na nga rin palang mag-keep up sa mga nalalaman niya sa sign language para maintindihan ko siya sa lahat ng pagkakataon.
Sa pagkatulala ko sa kapatid ko ay biglang tumunog ang cellphone kong nasa mesa. May nag-text. Nang i-check ko iyon, si Mama lang pala, tinatanong kung anong ginagawa namin ni Cloud.
Laging gano'n si Mama kapag wala akong pasok sa school at kasama ko ang kapatid ko. Laging nagte-text kung anong ginagawa namin o kung nakakain na ba kami. Lagi rin kasi siyang wala dahil sa trabaho niya. Pero nandito naman siya tuwing gabi at kapag rest day niya.
Ni-reply-an ko kaagad si Mama, at saka ako bumalik sa paggawa ng mga assignment ko.
Pinilit kong magsipag. Pinilit kong tapusin ang lahat ng kailangan kong tapusin for school. Pero hindi naman masama kung magpahinga ako saglit sa gitna ng pagpipilit na ginagawa ko sa sarili ko 'di ba? Tutal naman, may mamayang gabi at bukas pa.
Kaya matapos ang mga napakahabang sinulat ko para sa mga assignment ko sa English at Filipino, nag-break muna ako at nakinood sa basketball game na pinapanood ni Cloud. Kaso wala akong alam sa basketball. Na-bore tuloy ako at nakaramdam ng antok.
Ayaw ko naman sanang matulog. Pero... grabe... lakas makahatak ng antok na nararamdaman ko.
"Ahhh! Thirty minutes lang!" Parang baliw kong sigaw sabay sampa sa mahabang sofa na nasa likuran ko. Dumapa ako roon nang may yakap na isang throw pillow. "Cloud, iiglip lang muna si Ate ah. Saglit lang. Mga thirty minutes. Hmmm?"
Nakita kong tumango sa akin si Cloud bago kusang pumikit ang mga mata ko.
***
BINABASA MO ANG
Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)
Novela Juvenil• 𝗖𝗢𝗠𝗣𝗟𝗘𝗧𝗘𝗗┊ 𝗣𝗢𝗦𝗧𝗘𝗗: 𝟮𝟬𝟭𝟱 - 𝟮𝟬𝟭𝟳 • (𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐓𝐫𝐢𝐥𝐨𝐠𝐲 𝐁𝐨𝐨𝐤 𝟐)