♪ 05

166 11 11
                                    

Alas kwatro na ng madaling araw at kailangan ko ng maghanda para pumasok. Ngayon nga din pala ang araw kung saan kikitain ko si James para makuha ang aking ID.

Hanggang ngayon iniisip ko pa rin kung saan ko nga ba nakita si James bago ko pa man ito makabungguan sa daan. Kahit anong pilit kong alalahanin ay hindi ko talaga matandaan. Hay.

Pero sa kabila noon, nagpapasalamat ako at buti na lamang napulot niya 'yun at hindi napunta sa ibang tao o nawala.

Bago bumangon ay kinuha ko muna ang cellphone na nakalagay sa ilalim ng aking unan para tignan ang mga messages. Halos manlaki ang mata ko nang makita ko kung gaano kadami ang natanggap kong messages sa loob lamang ng walong oras na pagtulog ko. Nagmimistulan nang isang display ang numero sa screen dahil naghahang na ito. Agad ko namang pinatay ang aking cellphone para maayos kong makita ang mga mga texts.

Matapos ang ilang minuto nang pagloload ng mga applications mula sa aking cellphone, nakita ko ang mga masayang pagbati ng bawat isa sa kanilang ama. Oo nga pala, ngayon ang araw para sa mga dakilang ama na naging dahilan kung bakit nandito tayo sa mundo. Ilang taon na rin pala ang nakalilipas na hindi ako nakakapag-celebrate ng okasyong 'to kaya siguro halos mawala na sa sistema kong mayroon pa lang ganitong araw.

Paulit-ulit na mga salitang nagpapahayag kung gaano sila kasaya—na mayroong silang isang ama na gumabay at mahal na mahal sila. Masasabi kong maswerte ang ilan dahil nagagawa nilang mag-celebrate sa araw na ganito.

Dahil ayoko magsimula ang araw ko sa malungkot na paraan, naisipan ko na lamang burahin ang lahat ng messages na dumating at patuloy na dumarating sa akin. Binalewala ko na lang 'yun lahat at dumiretso na sa aking mga routine tuwing umaga. Kailangan ko nang kumilos dahil marami pa akong kailangan tapusin para sa araw na 'to.

***

Maaga akong nakarating sa eskwelahan kaya naman mga ilang minuto pa ang hihintayin ko para sa oras ng usapan namin ni James. Dahil mahaba pa ang oras, naupo muna ako sa waiting shed sa labas ng campus at nagbasa ng libro para libangin ang sarili.

Matapos nun ay sumulyap na ako sa oras, “30 minutes pa. Makapaglakad-lakad muna.” Dumiretso na lamang ako sa isang convenience store para bumili muna nang makakain. Sa 'di kalayuan, napansin ko ang isang batang babae na masasabi kong nasa apat na taong gulang. Tuwang-tuwa itong pinagmamasdan ang pulang lobong i-binigay sa kanya ng kanyang ama.

Galit, inggit, at lungkot—ito ang mga tamang salitang naglalarawan ng nararamdaman ko ngayon. Galit, dahil iniwan kami ng taong dapat magsisilbing haligi ng tahanan; inggit, dahil pinagkaitan ako ng tadhana ng isang masaya at buong pamilya; at lungkot na hindi ako kabilang sa mga masasayang pamilyang nagsasalo-salo at sama-samang hinaharap ang mga problema sa bawat araw nang kanilang buhay.

Napabuntong hininga na lamang ako at iniwas ang tingin ko sa eksenang 'yun. Pinipigil ang mga luhang maaring pumatak mula sa aking mga mata anumang oras. Bakit ba kailangan pang i-paalala sa akin kung gaano kasaya magkaroon ng isang ama?

Agad na lumabas na ako nang convenience store para hindi ko na makita ang eksenang 'yun—ang larawan ng isang masayang anak na kasama ang kanyang ama.

FAITH ON FATE ♥Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon