♪ 12

52 1 0
                                    

Tahimik na pinagmamasdan ko ang mga ulap habang iniisip ang mga nangyayari nitong mga nakaraang araw. Tama nga si James. Maaliwalas nga sa lugar na ito ng school. Kahit ilang taon na ako sa school na 'to, ngayon ko lang napuntahan ang lugar na 'to—ang likod ng gym kung saan mayroong bakanteng lote na maaring maging iyong pahingahan.

Mabilis ang takbo ng ulap na tinatangay ng hangin papunta sa di natin malaman kung saan. Kagaya sa buhay natin, para tayong mga ulap na tinatangay ng malakas na hangin—tinatangay sa mga bagay na kahit anong pilit nating iwasan, itago, pigilan, hindi natin magawa dahil nagkakaroon pa rin ng pagkakataon ang hangin na nagsisilbing ating tadhana na gumawa ng paraan para mangyari ang dapat na mangyari—na dapat nating harapin ito at hindi takasan.

“Faith pwede bang magtanong?” basag ni James sa katahimikan na bumabalot sa pagitan naming dalawa. Tumingin naman ako sa kanya bago sagutin ito, “s-sige walang problema,” nakangiting tugon ko sa kanya.

“Ganyan ka ba talaga?” Napakunot naman ang noo ko sa tanong niyang iyon. Ano naman kaya ang ibig niyang sabihin?

“Anong—”

Napabuntong hininga na lamang ito at humiga sa damuhan habang pinagmamasdan ang langit, “malungkutin ka ba talagang tao? O malungkot ka lang palagi kasi ako kasama mo? Napapansin ko kasi na parang laging ang lalim ng iniisip mo, at nakikita ko sa mga mata mo na…” pandalian itong huminto at tumingin sa akin, “pinipilit mo lang maging masaya.”

Simpleng tanong… pero hindi ko alam kung paano ang tamang paraan ng pagsagot. Isa ito sa mga bagay na iniiwasan kong sagutin at hangga’t maari, ayaw kong pag-usapan, Tama siya, pinipilit kong maging masaya at wala lang ang lahat sa akin—umaarte na akala mo hindi nangyayari ang nangyayari at pinapakita sa lahat na.. okay ako, kaya ko! Ganoon naman talaga ang ginagawa ng karamihan sa atin aminin man natin o hindi. Takot ipakita ang totoong nararamdaman para lang masabi na wala silang problema at normal lang ang lahat dahil mas medaling sabihin na walang problema kaysa magpaliwanag kung bakit ka malungkot o kung ano ang problema.

 

Hindi ako makapagbigay ng sagot sa kanya kaya minabuti ko na lamang lumapit at tumabi sa kanya. Sabay na namin ngayong pinagmamasdan ang ulap—napakaganda talaga nito—pero nakakalungkot na kaunti lang ang nakakapansin ng ganda nito dahil abala silang tumingin sa mga bagay na kadalasan, wala namang halaga.

“Alam mo, James, may mga bagay kasi sa buhay natin ang hindi madaling ipaliwanag—mga bagay na mas magandang itago na lang kaysa i-bahagi pa sa iba,” pagpapaliwanag ko habang nakatingin pa rin sa mabilis na paggalaw ng ulap. Lumingon naman ako sa kanya, nakatulog na pala ito nang hindi ko namamalayan. Sa haba ng sinabi ko, wala naman pala siyang ma-a-absorb. Hmp! Magsisimula ng topic tapos tutulugan lang pala ako.

 Akmang tatayo na ako para pagpagan ang aking uniform nang bigla uli itong magsalita. “Alam mo, Faith. Hindi ka nag-iisa sa mundo. Kung may problema ka, pwede mo naman akong sabihan,” sabi nito nang nakapikit pa rin ang kanyang mga mata. Ilang saglit pa ay minulat niya na ito at tumingin sa akin, “maaring hindi ko malutas ang problema mo pero nasisiguro ko naman sa’yo na gagaan naman ang pakiramdam mo kapag ginawa mo 'yun,” dagdag pa nito.

“Paano mo mapapagaan ang isang bagay na matagal ng nakalagay kung hindi mo rin naman matatanggal?” sarkastikong tanong ko sa kanya. Ngumiti lamang ito sa akin habang inililigpit niya ang kanyang mga gamit. Nang matapos niya iyon, inilahad niya sa akin ang kanyang mga kamay at inalalayan patayo.

“Hindi naman kailangan tanggalin ng buo, isasalin mo ang bigat para gumaan—nang paunti-unti at hindi biglaan. Mula 'yan sa point of view nang isang Engineer na laging involve sa topic na… balance, weight, and force.” Ang ibinigay niyang pang-“rason” ay may logic na kasama base sa theories na kanyang napag-aaralan. Maaring ang kanyang paniniwala ay iba sa akin; maaring tama siya at mali ako, pero kahit na ganoon, sana gano’n lang kadali ang lahat—na kapag naibahagi mo na ay mawawala ang lungkot—ang sakit na nararanasan ko.

Kinuha ko na ang kanyang kamay na nakalahad at tumayo na rin mula sa damuhan. “Tara na. Ang dami mo pang drama. May point-of-view ka pang nalalaman at dinamay mo pa talaga ang course mo, haha!” pagyaya ko sa kanya. Umiling-iling lamang ito at matapos noon ay sabay na kaming bumalik sa aming kani-kaniyang klase.

Mula sa point-of-view ng isang hrm student, masyadong mapait ang timpla. Napasobra ng ingredient kaya nag-iba ang lasa. Nawala sa balanse ng sukat na kailangan para mapangiti ka. At kailangan mo ulit iyon timplahin para maibalik sa tama ang nararapat na dami ng ingredients na kailangan para mas tumamis at sumarap ang recipe.

… At kung paano ko mauulit iyon, ay hindi ko pa alam.

FAITH ON FATE ♥Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon