♪ 22

19 0 0
                                    

Tumunog na ang bell, hudyat na tapos na ang aming huling klase para sa araw na ito. Kailangan ko ng asikasuhin ang mga kailangan gawin para sa org. Sa susunod na linggo na nga pala iyon at hanggang ngayon ay halos wala pa kaming natatapos. Hay! Buhay college, buhay patayan. Hindi na nga yata uso ang social life sa ganitong phase ng buhay ng mga estudyante, e.

Kahit nakapila ang mga kailangan kong gawin, hindi pa rin nawawala ang nakaplaster kong ngiti sa aking mukha. Isang linggo na rin ang nakakalipas mula nung huli naming pag-uusap ni Nicolai. Ang sarap sa pakiramdam ng may pinalaya kang galit sa iyong puso. 'Yun bang parang may nagbukas na bagong pag-asa sa’yo para maging masaya—'yung pakiramdam na kahit nasira ang iningatan mong pader para hindi ka makaramdam ng sakit, naging masaya ka pa rin sa desisyon mo.

Napag-usapan namin na kung anuman ang nangyari sa nakaraan ay hindi na namin kailangan ungkatin pa. Hindi na naman siguro importante na malaman pa 'yun. Ang mahalaga ay okay na kami.

Ang Labo ko, no? Sa isang iglap lang, binigyan ko na ulit siya ng pagkakataong saktan ulit ako sa paraang gusto niya. Siguro nga gano’n ko pa rin siya kamahal hanggang ngayon. Kahit na maubos na ako at wala ng matira sa akin, handa pa rin ako sumubok para sa isa pang pagkakataon. Pero kahit naman na napatawad ko na siya, kailangan pa rin namin ng panahon para ayusin ang mga isyu sa aming buhay. Maaring nakuha niya ang aking pagpapatawad pero hindi ko maibigay ang hinihingi niyang pagbabalik ko…ang pagbabalik ng lahat sa dati dahil napaka-imposible na noon. Ang kailangan namin ngayon ay panahon para makapagsimula ulit kami. Napagkasunduan naming hindi rin naming pwedeng ipilit ang isang bagay na hindi pa nararapat—'yun bang hindi pa pwede kasi hindi pa panahon. Mas maganda na 'yung maayos na ang lahat bago namin ipagpatuloy ang isang bagay.

“Bessy, una na ako, ha? May dadaanan pa kami ni Sherwin, e,” paalam naman nito sa akin. Natutuwa akong malaman na maayos na sila ngayon ni Sherwin. Nakapag-usap na sila at naayos na nila ang isyu nilang dalawa. Late ko na nga nalaman ang balitang iyon mula kay Krisha dahil ayaw magkwento ng babaeng ito. Kung hindi ko pa nakita sa cafeteria na magkasama, hindi pa aamin. Grabe talaga!

“Oh sige. Ingat kayo…” bahagya akong lumapit sa kanyang tainga para bumulong, “'wag na kayong liliko kung saan-saan, ha? Hihi,” pagpapatuloy ko. Kitang-kita ko kung paano nanlaki ang kanyang mga mata at mamula ang kanyang mukha. Nang maka-recover na siya sa aking sinabi, pinaghahampas ako nito ng kanyang notebook habang paulit-ulit na sinasabi ang salitang “leche ka!” na para bang sanay na sanay na siyang sabihin 'yun at naging parte na ng kanyang lengwahe. Tawa lang ako nang tawa sa ginagawa niya sa akin. Nahinto lamang ito nang lumapit si Nicolai sa amin. Iyon naman ang naging pagkakataon ni Krisha para bumulong sa akin.

“Nandyan na si loverboy, 'wag mo ng sungitan 'yan. Mahal na mahal ka kaya niyan! Haha!” Napalingon naman ako sa kanya na ngayo’y palabas na ng pintuan ng classroom. Sinundan ko na lamang siya nang tingin hanggang sa mawala na siya sa aking paningin. Ang bruhang 'yun pala ay matagal nang may alam tungkol sa aming dalawa. Aniya’y nalaman niya raw kay Sherwin nung minsang nagkwento ito. 'Yung araw na hindi ko siya naabutan sa bar, totoong nagpakalunod siya sa alak nun at sinundo siya ni Sherwin pero ang walanghiya…sinadya pala talagang gawin 'yun para raw magkausap na kami. Walang alam si Nicolai sa plano pero nagalit siyang nakita ako roon. Nang malaman kong lahat 'yan sa kaniya’y gustong gusto ko siyang gilingin ng buhay tapos igigisa ko ang giniling niya at lalagyan ng sauce gamit ang dugo niya! (Okay, ang O.A) Pero totoo! Ganyan ang gusto kong gawin sa kanya. Buti na nga lang at nakapagpigil pa ako kundi nasa bilibid na ako ngayon.

FAITH ON FATE ♥Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon