CHAPTER 30- Bro Forever
AYOKONG isipin na huli na sa aming dalawa ni Raphael ang lahat. Ayokong isipin na hindi na ulit kami makakapagsimula bilang magkaibigan ulit. Ayokong tanggapin na anumang oras ay mawawala na siya. Pero ang lahat ng ayaw ko na iyon ay mukhang kailangan kong tanggapin dahil iyon ang mangyayari...
Tatlong linggo na pala ang nakakalipas simula nang mabasa ko ang sulat ni Raphael sa akin at hanggang ngayon ay wala pa ring pagbabago sa kanya. Ganoon pa rin siya. Nakahiga, natutulog. Humihinga pero hindi namain nakakausap.
Walang gana akong kumakain ng tanghalian namin at napansin iyon ni Mama kaya naman pinuna niya ako. Kumain daw ako ng ayos dahil baka atakihin na naman ako ng sakit ko. "Mama, hindi ako makakain. Ewan ko. Parang ang bigat kasi ng pakiramdam ko. Parang may mangyayaring hindi maganda..." tugon ko.
Napansin ko na nagkatinginan sina Mama at Papa. Parang may gusto silang sabihin sa akin pero hindi nila magawa.
Tinapos ko na ang pagkain ko at tumayo na. "Pupunta lang po ako sa ospital, ha. Ako muna magbabantay doon kay bro," sabi ko habang dinadala ko sa lababo ang pinagkainan ko.
"Francis, ayaw mo bang magpahinga muna? Limang araw na sunud-sunod na nagbabantay ka kay Raphael," ani Papa. "Baka napapagod ka na."
"'Pa, kapag mahal mo ang isang tao, hindi ka mapapagod sa kanya. Kaya gusto ko rin na palagi akong naroon ay baka magising na si Raphael. Ang gusto ko ay ako ang una niyang makikita kapag nagising na siya. Tapos sasabihin ko na pinapatawad ko na siya, na wala na sa akin ang lahat at mag-umpisa ulit kami... bilang magkaibigan."
Nilapitan ako ni Mama at hinawakan sa kamay ko. "Francis... akala ko ba alam mo na ang kondisyon ni Raphael? H-hindi na siya magigising..."
"Alam ko naman po iyon," at mapait akong ngumiti. "Pero, hindi naman po siguro masamang umasa, 'di ba?"
Maya maya ay biglang nag-ring ang cellphone ko. Si Sunshine, tumatawag...
"Hello? Sunshine. Bakit?"
"Nasa'n ka na ba, Francis?" Nararamdaman ko na parang natataranta siya.
"Nasa bahay. Bakit ba?"
"Pumunta ka na dito sa ospital. Bilisan mo! Pigilan mo sila!"
"Ha? Bakit? A-ano bang nangyayari?"
"Francis, tatanggalan na nila ng life support si Raphael! Pumunta ka na dito, please!"
Bigla kong nabitawan ang cellphone ko sa sinabi ni Sunshine. Nagkabasag-basag ang screen niyon nang bumagsak iyon sa sahig. Napatingin ako kina Mama at Papa. Nangingilid ang mga luha sa mata ko. "Alam niyo ba ang tungkol dito? T-tatanggalan na ng... life support si R-raphael ngayon?"
Tumango si Mama. "Oo. Ayaw naming sabihin sa'yo dahil ayaw namin na mangialam ka sa desisyon ng pamilya niya. Francis, iyon ang gusto nila. I-respeto na lang natin. Kahit ako, kung ako ang nasa kalagayan ng nanay ni Raphael ay ganoon din ang gagawin ko. Mas nanaisin ko pa na matapos na ang paghihirap ng anak ko kesa kasama ko nga siya pero nahihirapan naman siya."
Tila nauupos na kandila na napaupo ako sa sahig habang patuloy sa pag-iyak. "Bakit hindi niyo na lang din ako patayin?! Nahihirapan na rin ako! Patayin niyo na rin ako!" sigaw ko. Parang maraming itim na ulap sa paligid ko. Punung-puno ako ng kalungkutan na parang mas pipiliin ko na mamatay na lang!
Yumukod si Mama para yakapin ako. Pumiksi ako at tumayo. Tumakbo ako palabas ng bahay namin at hindi pinansin ang tawag sa akin nina Mama at Papa. Sa pagtawid ko sa kabilang kalsada ay isang humahagibis na kotse ang nakita kong paparating. Muntik na akong mabangga mabuti na lang at nakahinto agad iyong kotse. Bigla akong natigilan dahil sa muntik na akong mamatay. Hiniling ko na sana ay natuluyan na lang sana ako na mabangga para magkasama na agad kami ni Raphael.
BINABASA MO ANG
BRO
RomanceThis is your ultimate BROMANCE experience! SEASON 1: Francis & Raphael (30 chapters/ Completed) #FraPh SEASON 2: Baste & Efren (12 chapters/ Completed) #BasFren SEASON 3: Jak & Marco (18 chapters/ Completed) #JaKCo