CHAPTER 07- Love Letter
BASTE’S POV
SASHA. Sasha. Sasha.
Wala na akong ibang narinig sa bibig ni Efren kundi “Sasha”.
Mabait si Sasha.
Maganda si Sasha.
Sana sagutin na ako ni Sasha.
Sana mahalin na ako ni Sasha.
Medyo nakakasawa na. Sa isang iglap ay tila kay Sasha na umiikot ang mundo niya. Parang nakalimutan niya agad ako, 'yong mga bonding namin. Nakikipag-usap na lang siya sa akin para ikwento ang ginawa nila ni Sasha. Nakakainis na rin minsan pero hindi ko naman pwedeng sabihin na: “Bro! Pwede ba, tama na ang Sasha mo?! Pag-usapan naman natin 'yong tayo! Pwede?!”
Okay. Unti-unti ko na namang tinatanggap na wala na talaga akong pag-asa kay Efren pero 'wag naman sanang puro Sasha na lang siya palagi. Minsan na lang kami tumambay sa bubong nina Aling Dada dahil busy siya sa panliligaw. Tsk! Ang hirap naman na mag-demand ng oras sa kanya dahil baka makahalata siya na gusto ko siya.
Napailing na lang ako sa mga naiisip ko. Ipinagpatuloy ko na lang ang pag-gawa ko ng assignment ko sa school habang nakasalampak ako sa sahig. Sabado ngayon kaya ito ang pinagkakaabalahan ko—ang pag-aaral.
Napatigil ako sa ginagawa ko nang biglang pumasok sa bahay namin si Efren. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko pagkakita sa kanya. Bagong ligo ang loko at nagpabango. Napansin ko agad ang hawak niyang papel at ballpen.
“Good morning, bro!” bati niya sa akin at umupo siya sa tapat ko.
“Ang aga mo naman, bro!” pinilit kong magpaka-kaswal sa kanya.
Kakamot-kamot sa ulo na sumagot si Efren. “Ano kasi… magpapaturo sana ako sa’yo, bro…”
“Ng?”
“Magsulat. 'Eto nga, may dala akong ballpen at papel.”
“Ha? Seryoso ka?”
“Oo nga! Ito na nga, oh!” Iwinagayway pa niya ang papel sa harapan ko.
Tumango-tango ako. Seryoso nga ang loko. “Okay, okay! Mabuti iyan at naisipan mong magpaturo. Para kahit papaano ay may alam ka. Saka para may mapatunayan ka rin sa sarili mo. Very good!” Nag-thumbs up pa talaga ako sa kanya.
“Hindi naman ito para sa sarili ko… Para kay Sasha.”
Medyo napasimangot ako. Okay. Sasha na naman. Ano bang bago? Dapat nga masanay na ako. Hindi pwedeng lilipas ang isang araw na hindi niya babanggitin ang pangalan ni Sasha! Parang gusto ko tuloy siyang paalisin na lang. Sasabihin ko na hindi ko siya matuturuan dahil marami akong assignments.
“Naisip ko kasi na igawa siya ng love letter kaya magpapaturo ako sa’yo na magsulat. Alam mo naman na bobo ako sa ganiyan saka sa spelling!” natawa pa siya pagkatapos.
Talagang natawa pa siya, ha. Kung alam lang niya… ang sakit-sakit na…
-----***-----
TINURUAN ko muna si Efren na magsulat ng letter A hanggang Z. Hindi man maganda ang sulat niya ay maiintindihan na rin naman kahit papaano. Tinanong ko siya kung ano ang gusto niyang sabihin kay Sasha na isinulat ko muna sa isang papel at pagkatapos ay sinabi ko na kopyahin na lang niya. Ang sabi ko nga ay ako na lang ang magsusulat pero ang sabi niya ang gusto niya ay siya ang magsusulat para effort talaga. Wow naman. Ang swerte naman talaga ni Sasha kay bro. Effort kung effort! Saka ang sabi niya, alam daw ni Sasha na hindi siya marunong magsulat kaya magtataka ito kapag nakita nito na maganda ang pagkakasulat ng love letter na ibibigay niya dito.
Natapos na ang sulat niya para kay Sasha. Tinutupi na niya iyon nang bigla siyang magsalita. “Alam mo ba, bro, ang laki ng nagawa ni Sasha sa buhay ko. Tumigil na ako sa pagnanakaw. Gusto ko kasi na kahit papaano ay maipagmalaki niya ako sa pamilya niya. 'Yong kahit mahirap lang ako, e, hindi ko kailangang gumawa ng masama para mabuhay.”
“Mabuti naman at naisip mo iyan, bro. Matagal ko nang sinasabi iyan sa’yo, 'di ba?”
Tumayo na siya. Inilahad niya ang kamay niya sa akin.
Nagtataka na tinanggap ko ang kamay niya. Hinila niya ako patayo at saka niyakap.
“Salamat, bro…” aniya.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin o sasabihin ko nang mga sandaling iyon. First time niyang ginawa ito—ang yakapin ako nang ganito. Pero, isa lang ang alam ko. Napakabilis ng tibok ng puso ko!
“Sige na, ibigay mo na iyan kay Sasha. Good luck!” sabi ko sabay kalas ng yakap sa kanya.
“Okay. Alis na ako. Salamat ulit, ha!”
Pagkaalis ni Efren ay naglaglagan na naman ang luha ko. Siyang dating naman ni Nanay.
“Si Efren na naman ba ang dahilan ng pag-iyak mo, anak? Nakasalubong ko siya. Galing siya dito, ano?”
Tumango ako. “Tama ka, 'Nay…” sagot ko.
-----***-----
INISIP ko na dahil sa ma-effort na love letter ni Efren ay mapapasagot na nito si Sasha. Sino ba namang babae ang hindi kikiligin sa isang lalaki na nag-aral pa talagang magsulat para lang magawan ito ng love letter?
Ngayon pa lang ay ihahanda ko na ang sarili ko. Sigurado na minsan ko na lang siya makakasama dahil sa mga date nila ni Sasha.
Gabi na. Nabili ako ng ulam namin ni Nanay sa isang karinderya nang bigla akong lapitan ni Efren. Kilala ko na siya kaya alam ko na malungkot siya nang gabing iyon. Parang naiiyak pa nga siya na hindi ko maintindihan, e.
“May problema ka ba, bro?” tanong ko agad sa kanya pagkakuha ko ng binibili kong ulam.
“Bro, punta ka mamaya sa bahay. Inom tayo.” Tinapik niya ako sa balikat at agad siyang umalis.
“Hoy! Bro!” sigaw ko pero hindi na niya ako pinansin.
Nakakunot ang noo na sinundan ko ng tingin ang papalayong si Efren. Anong nangyari doon? Bakit parang pinagbagsakan ng langit at lupa? Hindi kaya… binasted siya ni Sasha?
Pag-uwi ko ng bahay ay kumain agad kami ni Nanay. Hindi mawala sa isip ko si Efren. Wala akong ibang maisip na dahilan para maging malungkot siya kundi si Sasha lang. So, kung binasted siya nito ibig sabihin ay hindi effective ang love letter na ginawa namin.
TO BE CONTINUED…
BINABASA MO ANG
BRO
RomanceThis is your ultimate BROMANCE experience! SEASON 1: Francis & Raphael (30 chapters/ Completed) #FraPh SEASON 2: Baste & Efren (12 chapters/ Completed) #BasFren SEASON 3: Jak & Marco (18 chapters/ Completed) #JaKCo