CHAPTER 02- #StarbucksPaMore

10.6K 404 43
                                    

CHAPTER 02- #StarbucksPaMore

PAGBABA namin sa bubong ay naglakad na kami pauwi. Nag-usap habang naglalakad. Nagpalitan ng mga opinyon tungkol sa mga bagay-bagay. Ganiyan kami ni Efren, kahit walang kwenta ang mga pinag-uusapan namin ay walang kaso sa amin.

"Kapag talaga nakatapos ako ng high school, magtatrabaho na agad ko, bro! Kaya ikaw, mag-aral ka rin para makaalis ka na dito," sabi ko sa kanya. Tumambay muna kami sa isang tindahan. Sa gilid niyon ay may mga nag-iinumang limang lalaki.

Umiling siya. "Hindi na kailangan. Saka kahit na hindi ako marunong magbasa at magsulat, marunong naman akong magbilang... ng pera. At ang pera, kikitain ko iyan sa pagnanakaw." Sinundan pa niya iyon ng mataginting na tawa.

"Minsan nga ay tuturuan kitang magsulat at magbasa, bro. Mas maganda na kahit papaano ay marunong ka."

"Hindi na kailangan... Nabuhay nga ako ng benteng taon na hindi marunong no'n. Basta, mabilis akong tumakbo at magaling mang-agaw ng gamit ay mabubuhay na ako, bro."

"Loko ka talaga, bro! Pag ikaw nahuli, kawawa ka."

"Iyan ang hindi mangyayari. Teka, libre ulit kita ng Boy Bawang!" Dumukot siya sa bulsa niya at napangiwi ito nang piso lang ang makuha nito doon. "Ito na lang pala ang pera ko!" palatak niya.

Ibinili pa rin niya ng isang Boy Bawang 'yong piso. Iyong kalahati ng Boy Bawang ay tinaktak niya sa kamay ko habang iyong kalahati na nasa lalagyan ay ibinigay niya sa akin. Parang magkapatid na talaga ang turingan namin ni Efren, halos lahat ay pinaghahatian namin. Kahit na brusko at tarantado ang tingin sa kanya ng iba ay hindi iyon ang tingin ko sa kanya. Isa siyang mabuti at mapagbigay na kaibigan. Marami nga ang nagtatanong kung bakit ko napagtatiyagaan na kaibiganin ang tulad ni Efren. Hindi ko na lang sila sinasagot. Hindi naman kasi nila nakikita ang nakikita ko sa kaibigan ko.

"Pero sana... tigilan mo na 'yang pagnanakaw mo, bro. Ako kasi ang kinakabahan para sa'yo."

"'Sus! 'Wag mo akong intindihin, bro. Kaya ko ang sarili ko!" aniya at inubos na niya ang lahat ng Boy Bawang sa palad niya. Naiiling na tiningnan ko na lang siya.

-----***-----

PAG-UWI ko sa bahay ay nakahain na ang hapunan namin. Ginataang langka at tuyo ang ulam. Nang makita ako ni Nanay ay agad niya akong inaya na kumain na. Kanina pa daw niya ako hinihintay. Hindi kasi siya kumakain kapag hindi ako kasabay. Saka dadalawa na nga lang kami dito sa bahay tapos hindi pa kami sabay na kakain? Ang pangit naman yata no'n.

Magana akong kumain dahil favorite ko ang ginataang langka lalo na at si Nanay ang nagluto. Pagkatapos naming kumain ay tinulungan ko na rin siya na ligpitin at hugasan ang mga pinagkainan namin. Habang naghuhugas kami ng pinggan ay napansin ko na may parang may maliliit na sugat ang kamay ni Nanay.

"'Nay, sugat ba iyang nasa kamay niyo?"

"Oo. Tumanggap kasi ako ng labada kanina. 'Di ba, malapit na ang field trip niyo? Kailangan kong mag-ipon para doon."

Sobra akong na-touch sa nalaman ko kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko na yakapin si nanay mula sa kanyang likod. "Hindi niyo na naman po kailangang gawin iyon, e. Wala naman pong problema sa akin kahit hindi ako makasama doon..." sabi ko. Sa totoo lang kasi ay tinatamad akong sumama sa field trip namin dahil alam ko na wala kaming pera.

"Tumigil ka nga diyan, Baste! Nag-iisang anak lang kita kaya kahit hirap tayo ay igagapang kita. Isa pa, gusto ko na maranasan mo iyong mga ganoong bagay dahil hindi ko naranasan iyon noong nag-aaral pa ako."

"Pero, tingnan niyo naman ang nangyari sa kamay niyo."

"Maliit na bagay lang ito. Basta para sa'yo, anak!"

Mas hinigpitan ko ang pagkakayakap ko kay nanay at nagpasalamat sa kanya.

-----***-----

SABADO. Nanonood ako ng palabas sa telebisyon namin na maliit lang at walang cable. Antenna lang. Hehe! Medyo naiinip na ako pero wala naman akong ibang gagawin kundi ito lang. Wala si Nanay dahil may binibili siya sa palengke. Medyo pinapawisan din ako dahil tanghali na. Tirik na ang sikat ng araw. Ganito talaga ako, medyo mabilis pawisan.

"Bro!" Medyo nagulat ako nang bigla na lang pumasok si Efren sa bahay namin. Bihis na bihis ang loko at parang may pupuntahan. May dala din siyang backpack na medyo luma na.

"Anong ginagawa mo dito, bro?" nagtatakang tanong ko.

Mabilis niya akong nilapitan at hinawakan sa balikat at inalog-alog. "Bro! Magbihis ka, bilis! Magbihis ka!" sinamahan pa niya ng panlalaki ng mga mata niya.

"H-ha? Saan tayo pupunta?" Natatawa ako sa hitsura niya. Para siyang excited na mukhang tanga.

"Magkakape tayo sa Starbucks!"

Bigla akong natigilan sa sinabi niya sabay hagalpak ng tawa. Inalis ko ang kamay niya sa balikat ko at nanood ulit ng TV. "Nahihibang ka na, bro. Kape? Starbucks?" umiling ako. "'Wag mo akong lokohin. Hindi natin afford kahit ang pinaka murang kape doon. Loko ka talaga!" sabi ko pa.

"Aba! Wala ka bang bilib sa akin? Kapag sinabi kong magkakape tayo sa Starbucks, magkakape tayo. Magbihis ka na. Bilis! Baka mainip ako, magbago pa isip ko."

Tiningnan ko si Efren. Kilala ko siya. At mukhang seryoso siya sa sinasabi niya.

Wala na akong nagawa kundi ang magbihis. Iyong maayos-ayos kong damit. Medyo excited ako kasi kung totoo man ang sinasabi ni Efren ay first time kong makakatikim ng kape doon. Tapos si bro pa ang kasama ko. Naku, baka kiligin lang ako mamaya, ah! Kailangan kong galingan ang pagtatago ng kilig. Hindi niya dapat mahalata iyon ay baka magkaalaman na. Hehe!

"Wow! Pareng Baste! Ang ganda ng suot mo!" palatak niya pagkatapos ko.

"Loko ka! Siyempre, Starbucks iyon," proud ko pang sabi habang inaayos ang kwelyo ng suot kong polo.

"Basta, tandaan mo ang araw na ito, bro! Ito ang araw na unang beses tayong magkakape sa Starbucks!" malakas niyang sabi sabay tawa.

-----***-----

SA table sa labas ng Starbucks lang kami pumwesto ni Efren. Ang sabi niya ay mas magandang magkape sa labas. Para akong bata na pinagmamasdan ang galaw ng mga tao sa loob ng naturang coffee shop. Sa mahirap kasing tulad ko ay luho nang masasabi ang makapagkape sa ganitong lugar. Okay na kasi ako sa instant coffee o kaya ay 3-in-1.

"Bro, oorder na ba tayo?" pabulong kong tanong kay Efren.

Umiling siya. "Hindi na kailangan, bro! Akong bahala sa'yo. Steady ka lang diyan!" mayabang niyang sambit.

Okay. Tingnan ko nga ang yabang ng isang ito.

Nagulat ako nang mula sa bag niya ay may inilabas siyang dalawang plastic cups na medyo makapal, dalawang 3-in-1 na kape at isang maliit na thermos. At talagang hindi siya nahiya nang timplahin niya ang 3-in-1 na kape kahit maraming tao. Ang pagtataka ko ay napalitan ng malalakas na tawa. Pucha! Laugh trip naman kasi!

"O, bro! 'Eto sa'yo..." sabay abot niya ng tinimpla niyang kape sa plastic cup.

"Loko ka talaga!" Halos hindi na ako makahinga sa kakatawa dahil sa kanya.

"Sabi ko naman sa'yo, e! Magkakape tayo dito sa Starbucks!" aniya na pinipigil ang pagtawa.

TO BE CONTINUED...

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon