SA GILALAS ni Prinsesa Armida ay tumatama na ang liwanag sa palitong pangsalamangka. Ngunit hindi pa din bumibitaw si Alvar mula sa patpat.
"Ako ang may karapatan sa mahika!" Galit na wika ni Sibre.
"Mga sakim kayo! Hindi ka karapat-dapat!" Ganti ni Alvar.
Parehong nasilaw sa kakaibang ningning na sumasabog sa buwan ang dalawang prinsipe, kasabay ng kakaibang init na nakakapaso ang kanilang naramdaman. Sabay na napahiyaw ang dalawa dahil tumitindi na ang init na sumisigid sa kanilang kalamnan.
Hindi nagtagal ay may kung anong pwersa ang nagpahiwalay sa dalawang diwata at parehong tumilapon sa magkabilang panig ng bulwagan.
"Sibre!" Ani ni prinsesa Armida ng makitang tumilapon ang anak sa kabilang panig.
"A-alvar!" Hirap na tawag ni reyna Ayana sa anak na lumugmok at nawalan ng malay.
Dali-daling nilapitan ni prinsesa Armida ang anak na tila nanghihina.
"Ina.." Ani ni Sibre. Pinakikiramdaman niya ang sarili at animo'y may kakaibang lakas na nanalaytay sa mga ugat niya habang unti-unti siyang tumitindig.
"Sibre anak nagtagumpay ka." Masayang bulalas nito ng makitang hawak ni Sibre ang munting kahoy na makapangyarihan.
"H-hindi..h-hindi maari.." paos na tinig ni haring Oberon.
"Ako na ang bagong hari ng diwatanya! nasa akin na ang pinakamalakas na mahika!" Nagbubunying sigaw ni Sibre.
Sumabay ang pagkidlat at pagkulog ng kalangitan sa pagbubunyi ng sakim na prinsipe. Ngunit ilang sandali pa ay nabuwal siya sa pagkaka-tindig. Tila hindi siya makahinga at may mabigat na bagay na nanunuot sa kaniyang dibdib.
"Anong nangyayari sa akin?!" Natatarantang bumaling ito sa ina.
Habang buong lakas na tinatanggal ni Ingkong Hermano ang orasyon sa dagta ng makabuhay.
"S-sibre anak ko.." nahihintakutang napatingin si prinsesa Armida sa mga kamay ng anak. Unti-unti itong nagiging abo at naglalaho.
"Pinapatay ka ng sarili mong kasakiman prinsipe Sibre. Dahil hindi ikaw ang salin-dugo na taga pagmana kung kaya't hindi kinakaya ng pisikal mong katawan. Kaya ngayon pagdudusahan mo ng sampung ulit ang iyong pagkaganid." Mariing wika ni Ingkong Hermano.
Naglaho na rin ang mga baging na lumukob sa buong bulwagan maging sa mga diwatang nandoon.
"H-hindi! H-hindiii!!!" Panangis ng prinsipeng sakim.
"Anak ko! Hindi ka maaring mamatay!" Pilit na niyayakap ni prinsesa Armida ang anak na naglalaho na ngunit natatangay na ito ng malamig na hangin.
Samantala magkayakap na nakamasid sina Zion at April. Maging ang reyna at Hari na dinaluhan si Alvar na wala pa ring malay.
"At ikaw prinsesa Armida ay nararapat ding bigyan ng kaparusahan ." Wika ni pantas Kurko.
"Hindi ako papayag na magdusa sa harapan niyong lahat! Isinusumpa ko kayong lahat! Sa ngalan ng itim na salamangka!" Anito at isinaboy ang dagta ng halamang makabuhay. Subalit mabilis na pinamunuan ni Ingkong Hermano ang paglaban sa itim na usok. Pati na ang mga tungkod na tangan ng mga pantas ay kanilang itinaas upang ibalik ang sumpa sa prinsesang nilalamon ng galit at imbot ang puso.
Hindi nagtagal ay nanghina na ang itim na salamangka, binabalot na nito ang buong katawan ni prinsesa Armida.
"Aaah!!!" Hiyaw nito habang marahang naglalaho.
Kasabay ng paglaho ng itim na salamangka at ng prinsesa, ay ang pagsilip ng bukang liwayway at pagmulat ng mga mata ni prinsipe Alvar.
"Magbigay pugay tayong lahat sa bagong hari ng diwatanya! Si haring Alvar!" Wika ni Ingkong Hermano.
Gilalas na napamaang si Alvar ng makitang yumukod ang lahat sa kaniya.
"Ikaw ang may tangan ng palitong pangsalamangka ng magsalin ng huling mahika, bagama't maging si Prinsipe Sibre ay nabahagian nito ay hindi niya kinaya kaya naging dahilan ng kaniyang kamatayan." Paliwanag ni pantas Kurko.
"Ngunit paano ang aking kapatid?" Anito at tumingin kina Zion at April.
"May naghihintay na kaparusahan kay prinsipe Zion mahal na haring Alvar. " Matiim na tinitigan ng pinunong pantas si Zion.
...
Dahil na rin sa hiling ni Ingkong Hermano ay binibigyan ng oras sina April at Zion na makapag-usap bago sila litisin ng mga kataas-taasang diwata.
Wala namang tigil sa panaghoy si reyna Ayana. Malungkot at nagluluksa naman ang puso ni haring Oberon dahil batid na niya ang naghihintay na kaparusahan. Maging si Alvar ay napupuno ng kalungkutan ang puso.
"Nais kong sabihin sa lahat na wala akong nararamdamang pagsisisi dahil iniibig ko ang mortal na nasa inyong harapan. Naranasan kong maging masaya at tunay na pinagpala ng makilala ko siya." Panimula ni Zion habang hawak ng mahigpit ang kamay ni April.
"Mamatay man ako ngayon o mawalan ng alaala ay mananatiling buhay ang lahat sa aking pusong maglalakbay sa kawalan, ngunit isisigaw pa rin na ikaw April na isang mortal ay minamahal ng abang diwatang ito." Masuyong hinawakan niya ang humihikbing si April.
"Iniibig kita mahal kong mortal..mahal kita April." Anito at nangingilid din ang luha.
"M-mahal din k-kita Zion." Hindi na mapigilan pa ni April ang yumakap sa minamahal na prinsipe.
Ilang sandali pa ay inilagay ni Zion sa palad ni April ang itim na supot ng tela. Nang hawakan iyon ng dalaga ay mabigat ito.
"A-no ito?" Takang tanong ng dalaga.
"Nais kong gamitin mo iyan oras na makabalik ka ng lupa. Tuparin mo lahat ng mithiin mo sa buhay, mahal ko. At sisiguraduhin kong makakabalik sa mundo ninyo." Nakangiting tugon ni Zion.
Maang na napatitig si April sa kaniya.
"Tapos na ang oras ng prinsipe Zion." Hudyat ni pantas Kurko.
Humahagulhol na si reyna Ayana na inaalalayan ni haring Oberon.
"Z-zion!" Muling humihikbing yumakap si April sa prinsipe.
"Bilang paglabag sa kataas-taasang kautusan, ipapatapon ka sa bundok tralala at tatanggalan ka ng anumang alaala sa iyong katauhan, mamumuhay ka ng payak kasama ang mga mababangis na hayop prinsipe Zion." Ani ni pantas Kurko.
"At ikaw binibining mortal ay mananatiling dito sa mundo ng mga immortal. Tatanggalan ka din ng alaala mula sa iyong pinanggalingan at katauhan. Magiging isa kang alipin ng mga diwata." Baling nito kay April.
Parang nanigas ang mga kalamnan ng dalaga sa narinig.
"Sandali lamang pantas Kurko. Sa lupon ng mga kataas-taasang diwata. Sa ngalan ng aking ama't ina. Bawat diwatang nililitis ay may karapatang humiling at nawa'y pagdulutan ninyo ako." Matatag na wika ng prinsipe.
"Isambit mo ang iyong nais prinsipe Zion." Ani ni Ingkong Hermano.
"Hinihiling kong ibalik sa lupa ang mortal ng walang anumang mahikang gagamitin sa kaniya. Busilak at puno ng pag ibig ang kaniyang puso kaya't hindi siya nararapat maparusahan. Bilang kapalit inaalay ko ang aking buhay."
"Z-zion 'wag mong gawin iyan." Ani ni April habang nakayakap sa prinsipe.
"Aanhin ko ang aking buhay kung hindi ka naman maalala ng aking puso't isip? maging ikaw ay mawawalan ng alaala. Mas nanaisin ko pang mamatay na baon ang lahat ng gunita mo mahal ko. " Masuyong sinapo ni Zion ang magkabilang pisngi ng dalaga.
"Alam kong mananatili ako sa puso mo lumipas man panahon, kahit na magmahal ka na ng iba." Dagdag pa niya.
Impit na napapaiyak si April. Lalong bumibigat ang nararamdaman niya sa bawat salita ng pamamaalam nito. Kahit anung pagtutol ng damdamin niya ay wala na ring magagawa.
Saglit na nagpulong ang mga pantas upang pag-desisyonan ang hiling ni prinsipe Zion.
"A-anak.." Nanginginig na tawag ni reyna Ayana sa anak. Agad na nilapitan ng prinsipe ang inang naninimdim.
"Patawarin mo ako sa hinagpis na naidulot ko sa iyo inang reyna." Mahigpit din niya itong niyakap.
Pigil ang emosyon ni haring Oberon at hindi tinatapunan ng tingin si Zion. Habang si Alvar ay kuyom ang mga kamao. Nais niyang isigaw na bakit ganito kalupit ang batas nila? Masama bang magmahal at mahalin sa panig ng magkabilang mundo?
Matapos ang ilang sandali ay matatag na tumayong muli si Zion sa harap ng mga pantas at mga kapwa diwatang nalulungkot dahil sa nasasaksihan.
"Pinagbibigyan ang iyong huling hiling prinsipe Zion. " Ani ni pantas Kurko.
"Maari bang makita ko ang paglisan ng mortal bago kitlin ang aking buhay." Sumasalamin na din ang luha ng pamamaalam sa mga mata ng prinsipe.
Marahan naman tumango si pantas Kurko bilang pagpayag,
"Z-zion! M-mahal n-na m-mahal k-kita. Hi-hinding-hindi kita m-mkakalimutan a-aking p-prinsipe." Ang pinakamasakit na mga salita na namutawi sa labi ni April sa pagitan ng impit na pagsigok.
"Mahal na mahal din kita aking prinsesa. Sa itinakdang panahon alam kong magkikita tayong muli." Madamdaming pahayag ni Zion at masuyong ginawaran ng halik sa labi si April.
Sa pagpikit ng mga mata ni April ay kasabay ang paghigop ng malakas na pwersa sa kaniya.
"Ziooonnnnnn!!!!!!"
At tuluyan ng naglaho ang dalaga.
...
MAKALIPAS ANG APAT NA TAON..
Malungkot na nakaupo si April sa tumpok ng mga bato kung saan natagpuan niya ang magic wand ni Zion apat na taon ng nakakalipas.
"Alam ko nakikita mo ako mahal ko. Sana masaya ka kung nasaan ka man ngayon." Sambit niya sa kawalan.
Nang tingnan niya ang kabilang direksyon ay masayang nagtatampisaw sina Patrick at Charlie sa tubig ng batis. Tuwing walang pasok sa unibersidad ay tumutungo silang tatlo sa gitnang kakahoyan upang sariwain ang mga alaala ni Zion.
"Mabuti naman at okay na si Ate April ngayon Charlie." Ani ni Patrick kay Charlie.
"Oo nga Patrick akala ko talaga hindi niya kakayanin." Tugon naman ni Charlie. Nang tingnan niya ang kapatid ay muling nanariwa sa kaniya ang nangyari dito ng matagpuan nila itong walang malay sa gilid ng batis. At tanging supot na tela ang hawak-hawak. Nang tingnan ni Charlie ang laman ng itim na sisidlan ay pawang mga tipak ng ginto ang laman. Isang linggo bago ito nagkamalay ngunit hindi nila ito makausap. Dahil nag-iiyak lang ang dalaga at madalas na tulala. Lumipas pa ang isang buwan kaya nagpasiya na si Charlie na gamitin ang gintong dala-dala ng kapatid. Dinala nila ito sa bayan at nagdesisyong mamalagi na muna doon. Ngunit hindi pa rin gumaling ang dalaga. Pati ang tiya at tiyo nila ay sobrang nag-alala, na naging daan na rin upang magbago ang mga ito.. Tumagal pa ng dalawang buwan bago unti-unting nagbalik si April sa normal dahil na rin sa pakikipag-tulungan ni Sabana. Doon din nila nalaman ang mga nangyari dito. Walang nais maniwala sa dalaga maliban kay Sabana na nalungkot dahil sa nangyari at nagsilbing gabay ng dalaga sa pagsisimulang muli.
Gamit ang perang nagmula sa mga gintong binigay ni Zion, ay nagbalik sila April at Charlie sa eskwelahan. Kumuha ng education si April at Accountancy naman si Charlie, ilan buwan mula ngayon ay makakapagtapos na rin silang magkapatid. Hindi na rin sila bumalik sa dating tahanan upang mabigyan nila ng atensyon ang pag-aaral sa bayan. Kumuha na din ng pwesto sa palengke ang tsang Bebang niya upang ito naman ang maghanap buhay. Maayos na ang lahat sa buhay ni April dahil na rin sa mga binigay ni Zion, ngunit hanggang ngayon ay binabalik-balikan parin niya ang kakahoyan. Dahil para sa dalaga alam niyang nandoon lang si Zion.
Hapon na ng magpasiyang umuwi ang tatlo. Nang malapit na sa bahay nina Sabana ay agad silang sinalubong ni Bebang.
"Tsang? Anong ginagawa niyo dito?" Takang tanong ni April.
"Pumasok muna kayo sa loob at ng malaman mo." Nakangiting wika nito.
Nagtatakang nagpatiuna naman ang dalaga. Maraming pagkain at pawang nakangiti ang mag-asawang Sabana at Ernesto, maging ang tsong Pedrito niya.
"Ina anong meron?" Hindi makatiis na tanong ni Patrick.
"Mamanhikan kami sa mahal ko." Wika ng tinig sa likuran ng dalaga.
Parang nalaglag ang puso ni April pagkarinig ng pamilyar na tinig. Kaya't agad niya itong hinarap.
"Z-zion?!" Nangingilid niyang luha at agad na sinugod ng yakap ang minamahal.
Mahigpit na gumanti din ng yakap si Zion.
"Paanong buhay ka?" Hindi makapaniwalang tanong ng dalaga.
Marahang kumalas si Zion mula sa pagkakayakap sa dalaga at sinapo ang magkabilang pisngi niya.
"Dahil kay Alvar mahal ko. Sa huling sandali ay pinag-utos niyang ipatapon na lamang ako sa kabundukan ng tralala. Ngunit walang aalisin sa aking alaala. Pag nalampasan ko ang mabuhay ng apat na taon kasama ng mga mababangis na hayop ng hindi ako namamatay, makakamit ko ang pag-ibig na pang-habang buhay. Pinaglaban ako ng aking kapatid kahit na matutulad na ako kay tiya Sabana. Mortal at itinakwil na ng aming lahi. Ngunit ganoon pa man masayang masaya ako dahil sa wakas ay magkakasama na tayo. " Nangingislap at puno ng pag-ibig ang mga mata ni Zion habang nakatitig kay April.
"Alam kong darating ka aking prinsipe kaya hindi ako sumusuko. Patuloy kitang hinihintay at ngayon nga ay nandito kana." Ani ng dalaga habang natulo ang luha.
"Nandito na ako mahal ko at hindi-hindi na tayo magkakahiwalay pa." Unti-unting inilapit ni Zion ang labi sa nakaawang na pouting lips ni April. Nang maglapat ang labi ng dalawa ay mga malulutong na palakpakan sa paligid ang namayani.
"Kainggit ang ateng ko!" Kinikilig na wika ni Charlie.
"Inggitera." Nakangising wika ni Patrick na sinabayan ng tawanan ng mga nandoon.
...
Hinintay muna nina April at Zion ang pagtatapos ng dalaga sa kolehiyo bago nagpasiyang magpakasal. Sa kasalukuyan ay tatlong buwan ng kasal ang dalawa at masasayang namumuhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
WAKAS!!!
BINABASA MO ANG
MAGIC WAND by: Gracey
FantasíaHINDI sukat akalain ni April na sa simpleng patpat na natagpuan niya sa gitna ng kakahuyan ay magbabago din ang lahat sa buhay niya. Lingid sa kaalaman ng dalaga ang hiwagang bumabalot dito. Tila isang hiwaga na nangyayari lahat ng nais niya sa bawa...