Chapter 9

752 26 0
                                        

  "ZION!! Diyos ko po!" Tili ni April habang nanginginig na nagtakip ng mata.

"April ikumpas mo ang patpat at isipin mong mawawala ang mga ahas." Utos ni Zion sa dalagang hindi na makagalaw.

"I-ikaw nalang paalisin mo muna." Mangiyak-ngiyak na tugon niya.

Isang malalim na buntong-hininga nalang ang ginawa ng diwatang prinsipe, at isang mabilis pitik sa daliri ang ginawa niya upang maglaho ang mga ahas sa paligid.

"Okay na wala na sila." Aniya at inalalayang makatayo ang dalagang nanginginig pa rin.

"H-huwag n-nalang natin ituloy ang pagsasanay. Baka ako pa ang unang mamatay sa mga pinag-gagawa natin."

"Hindi maari April, dapat ay handa ka sa anumang pag-atake ang gagawin ng itim na diwata."

Kasalukuyang tinuturuan ni Zion kung paano magagamit ng dalaga ang mahiwagang patpat upang mapangalaan ang sarili.

"H-hindi ko yata kaya." Lalong pumiyok ang tinig ni April.

"Hindi lang punong bumabagsak at mga ahas ang makikita mo hangga't ikaw ang panginoon ng palitong pangsalamangka April. Ngunit lahat ng iyan ay walang laban sa iyo kung magagamit mo ng tama ang kapangyarihang nakapaloob dito." Paliwanag ng prinsipe.

Muling pinulot ni Zion ang patpat sa paanan ng dalaga at masuyong inipit ito sa palad niyang nanginginig.

"Ikaw at ang patpat ay iisa. Kung anong nais mo ay susundin niya. Subukan mong muli." Pagpapalakas ng loob nito sa kaniya.

Ilang sunod-sunod na lunok at napipilitang hinawakan ni April ang patpat.

Muli ay lumikha ng dambuhalang ahas si Zion na inumang ang malaking ulo sa kanila.

"Z-zion!" Impit ng dalaga.

"April ikaw at ang patpat ay iisa kung anong nais mong gawin ay susundin niya!" Madiing sigaw ni Zion.

"April! Kakainin ka niya pag hindi ka kumilos!"

Kahit na naiihi sa takot ay nangangatal na inumang ng dalaga ang patpat at mabilis na pumikit.

"B-bato! M-mag-labas ka ng maraming bato at p-patamaan mo s-siya! 'Yong maraming-marami!" Aniya at kinumpas ang magic wand.

Mga batong kasing lalaki ng bunga ng bayabas ang lumabas at hindi man lang natinag ang malaking ulupong.

"April! Anong ginagawa mo?!" Hindi malaman ni Zion kung maiinis o matatawa sa naisip ni April.

"S-sabi mo humiling ako?! A-ayan na binabato ko na!" Inosenting sigaw ng dalaga.

"Hindi mo siya magagapi ng bato lang!"

"O-oo na! T-teka lang!" Tarantang inulit ng dalaga ang pagpikit.

"I-itak na malaki lumabas ka!" Lumabas nga ang malaking tabak ngunit nasa harapan lang niya iyon.

"Zion paano ko 'to hahawakan?!" Nakuha pa niyang magtanong dahil paano nga naman niya mahahawakan ang napalaking itak.

Mariing napasapo sa ulo si Zion at saka itinigil ang pagsasanay.

Nawala ang malaking ahas sa harapan ni April kaya't tuwang napasigaw ang dalaga sa pag-aakalang napaalis niya ito dahil sa ginawa niya.

"Nawala! Natakot sa itak!" Galak na baling niya sa binatang tila masakit ang ulo.

"Zion! Nakita mo nawala diba?!"

Nanlulumong lumapit muli ang binatang diwata.

"April hindi mo mapapaalis ang isang galit na dambuhala sa pag-gamit ng tabak lang. Tandaan mong ito'y labanan ng isip at tatag ng kalooban." Muling paliwanag ni Zion.

Doon lang napagtanto ng dalaga na tama nga naman ito. Nahihiyang napatingin ang dalaga sa makisig na prinsipe.

"Sorry Zion kasi naman hindi ko talaga kaya."

"Nasa isip mo lang na hindi mo kaya pero huwag kang padadaig sa takot."
Patuloy nito.

"O-okay." Aniya at alanganing ngumiti.

...

Maingat ang bawat kilos ni Zion habang nasa gitnang kakahoyan. Madilim ang paligid at tanging huni lamang ng mga kulisap ang maririnig.
Ramdam niya ang pares ng mga matang nakamasid sa kaniya kaya lalo pa niyang binilisan ang paglalakad. Nang matiyak niyang nasa liblib na parte na siya ng matatayog na kahoy ay saka siya nagpasiyang huminto.

"Bakit hindi ka lumabas at magpakilala?" Mariing wika niya.

Sa isang iglap ay may mga palasok na patungo sa direksyon ng prinsipe na mabilis naman niyang iniilagan.

"Palalong duwag! " Aniya sa pagitan ng pagtalon at pag-ilag.

Aktibong pinagana ni Zion ang pag-iisip at pilit na hinahanap ang pinagkukublihan nito.

Laking gulat ni Sibre ng madaplisan siya sa balikat ng sibat. Dala ng pagkabigla ay buwagsak siya sa lupa mula sa pinagkukublihang sanga ng puno.

Hindi pinalagpas ni Zion ang pagkakataon at mabilis niyang pinadaanan ng ipo-ipong hangin ang lapastangan na espiya na nakatago ang buong mukha sa itim na tela.
Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-atake hanggang sa lumugmok na ito.

"Ngayon pangahas na diwatang itim, ilabas mo ang tunay mong mukha." Muling nilapitan ng prinsipe si Sibre.
Ngunit bago pa niya tuluyang maalis ang munting tela sa mukha nito ay buong lakas itong bumato ng nagbabagang apoy. Kaya't napatilapon siya.

Bakas sa mukha ni Zion ang sakit na dulot ng ginawa nito. Dahil sa lakas ng pagkaka-tilapon niya ay nagbagsakan din ang mga punong madaanan niya.

"Hinding-hindi ka magiging hari Zion! Ang nararapat sa'yo ay mamatay!" Galit na wika ni Sibre at siya naman ang nagpa-ulan ng mga bolang apoy.

"Sino ka para magsalita ng ganiyan? Isa ka lamang masamang diwata sa angkan ng mga engkanto! " Walang tigil na batuhan nila ng apoy at hangin. Ngunit sadyang hindi sapat ang lakas ni Zion.

Samantala akmang isasara na ni April ang bintanang kahoy ng madaanan niya ng tingin ang direksyon ng kakahoyan. Tila may nagkikislapang ilaw ang napansin niya.

"Charlie dali tingnan mo yong kakahoyan parang may kamerang kumikislap."

Dali-dali namang sumilip din si Charlie. Tama nga ang kapatid niya tila may kakaibang nangyayari.

"Ate puntahan natin."

"Ano? Mamaya kung ano pa yan ayoko nga."

"Hilingin mo sa magic wand na dalhin tayo doon."

"Ay naku matulog na tayo." Akmang tatalikod na ang dalaga ng umihip ang malakas na hangin. At sa gilalas ay lumutang ang patpat mula sa pinagpapatungan nito.

Mga tinginang puno ng patataka ang naging reaksyon ng dalawa.

"Charlie ano nangyayari." Nagsisimula ng kabahan ang dalaga.

"Ateng 'wag mo ako tanungin dahil pareho lang tayong nandito." Ninerbyos din wika ni Charlie.

"Diyos ko..parang may nangyayari." Aniya.

Hindi na nagtatagal at parang hinihigop ng kung anong pwersa si April.

"C-charliee! Diyos ko!" Nararamdaman na niyang umaangat siya sa kawayang sahig.

"Ate!" Nanlalaking mga mata ni Charlie ng unti-unting lumulutang ang kapatid.

Pilit na pinag-aabot nila ang mga kamay ngunit biglang naglaho ang dalaga.

"Ate!!!!" Mangiyak-ngiyak na sigaw ni Charlie.

Samantala hirap na hirap na humihinga si Zion dahil sa mga baging na nakapulupot sa kaniya.

"Nasaan ang palitong pangsalamangka mo?! Nasaan?!" Sigaw ni Sibre habang pinapanuod si Zion na nahihirapan.

"H-hindi m-mo ma-makukuha a-ang a-aking p-palitong pa-pangsalamangka." Andap-andap na wika ng binatang prinsipe.

"Tingnan natin Zion!" Muling kinumpas ni Sibre ang mga daliri upang lalong humigpit ang mga baging na nakapulupot kay Zion.

"A-aray ko!" Sapo at pangiwi-ngiwing napaupo si April sa matigas na lupa kung saan siya bumagsak.
Takot na nagpalinga-linga siya sa paligid.

Nang igala niya ang paningin ay nakita niyang hirap na hirap si Zion at tila hindi ito makahinga buhat sa malaking puno ng balete.

"Zion!!" Bulalas ng dalaga.

Agad namang napalingon si Sibre sa dalaga.  

MAGIC WAND                                                  by: GraceyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon