Chapter 3

985 34 0
                                        

  ISANG mahabang buntong hininga at parang hindi makahinga si Hermano Ingkong matapos ang pakikipag-usap ng prinsipe.

"Bigo po ako hermano Ingkong!" Hinihingal pang wika ni Zion matapos ang pagpasok niya sa panaginip ni April.

"Paano na ang palitong pangsalamangka?" Puno ng pag aalalang wika ng inang reyna Ayana.

"Wala na tayong magagawa kung hindi ang maghintay sa pagsasalin ng ikaapat na yugto ng mahikang puti." Ani ni hermano Ingkong.

"Ngunit nararapat mong bantayan ang iyong palitong pangsalamangka dahil ito ay may ganap na kapangyarihan na maaring magamit sa hindi mabuting pamamaraan. At higit sa lahat tatlongpung araw mula ngayon ay magaganap ang huling pagsasalin ng kapangyarihan dapat ay ikaw na ang may tangan nito." Muling pahayag ng matandang diwata.

"Kinakailangan bang umakyat sa ibabaw ng lupa ang aking prinsipe mahal na hermano Ingkong?" Andap-andap na tanong ng reyna.

"Tama reyna Ayana. Upang mabantayan at matiyak ng prinsipe na siya pa rin ang kikilalanin nitong panginoon."

"Ngunit malalaman ni amang hari Oberon pag ako'y umakyat ng lupa." Puno ng kalituhang sabat ni Zion.

Saglit na nag-isip ang reyna.

"Hindi. Hindi niya malalaman dahil ako ang gagawa ng paraan." Puno ng katatagang wika ng inang reyna.

Puno ng katanungan ang mga mata ng prinsipe sa inang reyna.

"Aking papalabasin na ikaw ay nagpunta ng bundok sagrado upang humingi ng basbas sa mga sinaunang ninuno."

Ang bundok sagrado ay ang santuaryo ng mga diwata. Pinaniniwalaang lahat ng mga ninuno nila ay nandoon namamahay. Ang pagpunta ng isang diwatang tatanggap ng isang mabigat na responsibilidad ay nararapat magnilay-nilay sa bundok upang ihanda ang kaniyang buong pagkatao. Ang paghingi ng basbas at paglilinis ng kalooban ay isinasagawa lamang sa bundok sagrado.

"Nais kung gawin mo ng maingat ang pagpunta mo sa lupang-ibabaw." Wika pa ng reyna.

"Salamat inang reyna. Makakaasa kang gagawin ko ang lahat upang mabawi ang aking palitong pangsalamangka." Puno ng determinasyong tugon ni prinsipe Zion.

"Kung gayon tanggapin ito." Sa isang iglap ay may dahon na kasing lapad ng palad ang inaabot si Hermano Ingkong Kay Zion.

"Iyan ang magsisilbi mong gabay upang matagpuan mo ang binibini. Ang lahat ng tungkol sa kaniya ay iyong masasalamin sa pamamagitan ng dahong iyan. "

"Hermano Ingkong maraming salamat sa iyong tulong." Muli ay yumukod ang reyna na sinabayan ni Zion.

"Marami pong salamat." Dagdag pa ni Zion.

"Patnubayan nawa ikaw ni Bathala itinakdang prinsipe Zion." Huling salita ng matandang babaylan.

Nang makaalis ang mag-inang bughaw ay nagwika si Hermano Ingkong.

"Ang tadhana ng bagong yugto ay magsisimula nang gumalaw. Ang pahina ng pag-ibig ay na itinala ng makapangyarihang puso ay binabasa na ng langit. At ang pinaka-mabigat na pagsubok ay igagawad..." Matalinhagang pahayag nito at ngumiti.

Pagkaraan ay lumapit ang isang paru-parong diwata na kasing laki lamang ng isang pulgada.

"Panginoon ano po ang ibig ninyong ipabatid?"

Bagkus na sumagot ay inumang ng matandang babaylan ang hintutoro sa diwatang paru-paro upang dumapo doon.

"Maiintindihan mo din ang ibig kong sabihin sa takdang panahon at oras munti kong Tamia." Nakangiting sagot ni Hermano Ingkong.

...

"FRESH na tayo kaya gora na sa palengkeng mutya." Malanding nag-lagay pa ng pulbo si Charlie.

Bago pumunta ng palengke at mamitas ng mga panindang gulay ay sinisigurado muna nilang magkapatid na presko ang mga itsura nila. Dahil mainit ang panahon.

"Tama na yang kaka-pulbo mo baka mabura na iyang mukha mo kakapahid ng powder." Natatawang biro ni April sa kapatid.

"Ikaw talaga ateng panira ka ng moment." Kunwari'y nakangusong wika nito.

Palabas na sana si April ng madaanan ng tingin ang patpat na napulot. Tila nag-iba ang kulay nito, mula sa pagiging light brown ay parang naging mas dark ang kulay ngayon. Kaya agad niyang itong dinampot.

"Parang naging matingkad ang kulay niya?" Wala sa loob na wika ng dalaga.

"Ay naku ayan ka na naman. Kagabi mainit ngayon 'yong kulay naman." Ani ni Charlie.

Kibit-balikat lang ang reaksyon ng dalaga at wala sa loob na ikinumpas-kumpas ito.

"Mamya kumain tayo ng special halo-halo sa palengke ateng. Makatikim naman tayo ng medyo kakaiba." Biglang wika ni Charlie.

"Oo ba! Doon nalang din tayo mananghalian?" Suhestyon ni April.

"Magastos ate April mababawasan ang ipon natin. Halo-halo nalang tayo. Pag kumain tayo ng adobong kangkong dito sa bahay isipin nalang natin beef steak." Nakangising turan ni Charlie.

"Maaga sanang maubos ang mga paninda. Tapos pag uwi natin may lechon manok, leche plan, beef steak na nakahain sa mesa mamyang tanghalian. At si tyang Bebang ang naghanda." Ani ni April habang patuloy na kinukumpas ang patpat.
Kasabay ng pagkinang ng dulo nito.

"Mangarap ka ateng! Tatambling ako pag nangyari 'yan. Si tyang Bebang pa talaga?! " Ekseharadang pinatirik pa ni Charlie ang mga mata na animo'y sinasapian.

"Lukaret ka talaga! Pangarap nga eh. Tayo na nga tanghali na." Iiling iling na yaya ng dalaga sa kapatid. At mabilis na nilapag ang munting patpat.

...

MAALIWALAS ang umaga ng lumitaw si Zion sa lagusan. Ang pamilyar na mga luntiang puno at huni ng ibon ay nakakagaan ng pakiramdam sa makisig na prinsipe.

Ilang sandali pa at inilabas na niya ang mahiwagang batong kristal upang dalhin siya nito sa kaniyang tiya Sabana.

"Zion!" Gulat na bulalas ni Sabana dahil sa labas ng bakuran lumitaw ang diwatang prinsipe at kasalukuyang nag-wawalis sa paligid ang ginang.

Dali-daling hinila ni Sabana ang pamangkin papasok sa loob ng bahay dahil baka may makakita sa biglang pag-sulpot nito.

"Bakit bigla kang pumunta dito?" Agad na tanong niya.

"Tiya ang aking palitong pangsalamangka ay nasa pangangalaga ng isang mortal." Wika ng prinsipe.

"Paanong nangyari iyon?" Gilalas na tanong ni Sabana.

Agad namang nagkwento si Zion pati na ang tunay niyang pakay kung bakit siya ay nasa lupa.

"Isang malaking problema pag nagamit sa hindi mabuti ang tangang kapangyarihan ng patpat." Nag-aalalang pahayag pa ng ginang.

"Ayon kay Hermano Ingkong ay isang binibining may busilak na kalooban ang may hawak ng aking palitong pangsalamangka. Ngunit dahil malapit na rin ang ika-huling yugto ng pagsasalin ng puting mahika dapat ay hawak ko na itong muli." Saglit na tumigil si Zion sa pagsasalita.

"Kung maari ay dito muna ako mamalagi sa iyong tahanan tiya?" Aniyang muli.

"Bukas ang aking tahanan para sa iyo Zion. Tutulungan kitang mabawi ang patpat sa abot ng aking makakaya." Nakangiting wika ni Sabana.

"Pinsan!" Excited na bungad ni Patrick kay Zion ng makalabas ito ng kwarto.

"Patrick kinagagalak kong muli kang makita." Masayang nag-kamay ang dalawa.

"Bakit ka nandito?" Maging ito ay nagtataka sa paglabas ng diwatang pinsan.

Si Sabana na ang nagsalaysay sa anak ng tunay na dahilan ng prinsipe.

"Mabuti naman kung mananatili ka muna dito sa bahay. Tiyak na masaya 'to." Nangingiting dagdag pa ni Patrick.

"Anak pahiramin mo muna ng mga damit si Zion," Bilin ng ginang sa anak.

"Opo inay." Sagot ni Patrick.

"Pinsan papasok muna ako sa school ha?" Baling nito kay Zion.

"Mag-ingat ka pinsan." Ganting tugon niya.

Nang makaalis si Patrick ay muling nagtanong si Zion.

"Tiya nasaan po ang iyong kabiyak?"

"Maagang pumasok sa trabaho niya. Mamaya ay magkikita din kayo ng tiyo Ernesto mo." Sagot ni Sabana.

Tumatango lang si Zion.

...

"TEKA lang naman mga ateng! Isa-isa lang! Lahat kayo makakatikim ng talong na mahaba ay!" Hindi makanda-ugagang bigay ni Charlie sa mga bumibili sa pwesto nila ng araw na iyon.

"Ganda limang tali nga ng okra."
Agad na binalot ni April ang gulay ngunit may nagsalita ulit.

"Iha paki bigyan mo nga ako ng upo at kangkong."

"Sige po, saglit lang po." Natatarantang wika ng dalaga.

"Patola at talbos ng kamote paki-balot." Muling wika ng isa.

"Ay! Nakakaloka ang araw na ito! Dahil ba nutrition month kaya sumusugod ang mga vegetarian?" Pagpapatawa ni Charlie sa gitna ng mga mamimili. Nagtawanan tuloy ang mga nandoon.

"Next time damihan mo itong talong mo ha Charlie." Bilin ng regular na suki nila halos pakyawin na nito ang mga talong.

"Naku ang ateng hindi ka pa nauumay sa talong na mahaba?" Sabay hagikhik ng malanding bakla.

"Paborito ko ang tortang talong eh." Sakay nito sa biro.

Kaya masayang tawanan muling umugong sa paligid.

Tatlong oras palang ang lumipas mula ng magsimula silang magtinda ngunit naubos na lahat ng paninda nila.

"Ate April napaka-swerte naman natin ngayong araw. First time nangyari 'to." Masayang wika ni Charlie habang nagbibilang ng benta.

"Oo nga eh nagtataka din ako pero mas masaya dahil makakain tayo ng halo-halo." Excited na inaayos ng dalaga ang mga batyang pinaglagyan ng mga gulay.

"Gora tayo ateng!" Aksyon ni Charlie ng kamay.

...

SUMAPIT ang tanghalian at masayang nagluluto si Sabana katuwang si Zion.

"Simula sa araw na ito matuto kang kumain ng pagkain ng karaniwang tao, hindi puro sariwang prutas lang." Wika ni Sabana.

"Pero tiya hindi ako nakain ng karne at iba pang uri ng laman." Sagot ni Zion.

"Alam ko kahit ako'y naging mortal na ay hindi pa rin ako nakain ng kahit anong karne o laman. Tanging gulay na may timpla at prutas lang din ang aking kinakain."

Naniniwala ang mga diwata na ang anu mang uri ng hayop na may buhay ay hindi maaring kitilin ang buhay upang kainin, dahil ito ay binigyang buhay din ni Bathala. Mga iba't-ibang prutas lamang ang kanilang kinakain.

"Naiintindihan ko po tiya." Nakangiting sang-ayon ng prinsipe.

"Aling Ana! Yuhoo.. Andito na po ang mga gulay mo!" Malanding tawag ng tinig.

"Nandiyan na pala ang mga gulay na aking lulutuin mamayang hapunan." Anito at tumayo pagkarinig ng tawag.

Paglabas sa may pintuan ay nakangiting mukha ng magkapatid ang sumalubong kay Sabana.

"Ang aga niyo yatang magkapatid?" Ganting ngiti ng ginang.

"Maaga po kasing naubos ang mga paninda namin." Magalang na sagot ni April.

"Tamang-tama ang dating ninyo at may ipapakilala din ako sa inyong magkapatid..."

"Tiya Sabana." Tawag ni Zion na bumungad mula sa pintuan.

Sabay na napatingin sina Charlie at April sa pinanggalingan ng tinig.

"Eh mey ged! Eng gwepe!" Halos lumuwa ang mga matang bulalas ni Charlie.

Habang parang naparalisa at hindi makapaniwalang tinititigan ni April ang lalaking nasa harapan.

'Siya 'yon!' Sigaw niya sa isip.

"Zion hijo, halika at ipapakilala kita sa mababait kong kapitbahay." Ani ni Sabana.

Bahagyang napamaang naman si Zion ng makita si April.

'Ang binibini na may tangan ng palitong pangsalamangka.' Bulong ng prinsipe sa sarili.

Saglit na nagtama ang tingin ng nina April at Zion.

"April, Charlie si Zion ang pamangkin kong taga-maynila." Pagpapakilala ng ginang.

"Hi! Charlene nalang." Magaslaw na kinuha ni Charlie ang kamay ni Zion. At tila kinikiliting hinawakan iyon. Ngunit tila balewala sa makisig na prinsipe ang presensiya ng ibang taong naroon maliban lamang sa binibining nasa harapan.

"N-nagkita n-na b-ba tayo?" Biglang tanong ng dalaga.

Kunot-nuong napatingin sina Sabana at Charlie kay April.

"Sa palagay ko'y hindi pa binibini. Dahil ito ang unang pagkakataong napunta ako sa lugar na ito." Bahagyang nakangiting Wika ng Prinsipe.

"Ay!! Nakakaloka! Aling Sabana hindi niyo naman sinabi na kayo pala ang huling salin-lahi ni Francisco Balagtas!" Natatawang banat ni Charlie.

Natawang bigla si Sabana sa tinuran ng pilosopong bakla.

"Charlie." Pinandidilatang wika ni April. Lumalabas na naman ang pagka-taklesa nito.

"Franscisco Balagtas?" Inosenteng bigkas ni Zion.

"Ah, eh April ngayon palang talaga napasyal si Zion dito." Agaw ni Sabana ng usapan. Baka makahalata ang magkapatid sa paraan ng pananalita ng pamangkin.

"Ganoon ba Zion, baka nga kamukha mo lang. Oo nga po aling Ana baka kahawig lang po niya 'yong sinasabi ko." Alanganing ngumiti ang dalaga.

Kakaibang kabog naman ng dibdib ang nararamdaman ni April ng mga sandaling iyon. Dahil hindi siya pwedeng magkamali sa mukha ng lalaking nasa panaginip niya.  

MAGIC WAND                                                  by: GraceyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon