Nagmalitong Yawa- Sinigmaling Diwata

172 8 0
                                    


Masaya kaming nagtatampisaw sa tubig sa loob ng yungib.Naroong ihinahagis namin ni Humabon si Zula at gumaganti naman siya at ihinahagis din nila ako ni Humabon. Si Humabon lang talaga ang hindi namin kayang buhatin at i-itsa dahil malaki siya at mabigat.

Tuwang-tuwa si Himaya sa aming tatlo.Napakaganda niya talaga, lalo itong lumitaw nang mabasa na ang kanyang buhok. Palagay ko ay umiibig na yata ako sa kanya sa mura naming edad. Ngunit hindi ko lang ito ipinapahalata kina Humabon.

Napagod din kami sa kakalaro sa loob ng kuweba at katagalan ay napagpasiyahan naming umuwi.

"Ang saya naman dito Cali. Napakasuwerte namin ni Himaya at dinala mo kami dito.Akala namin ay maiinip lang kami sa aming pagbisita sa inyong isla! " natutuwang wika ni Humabon habang binabagtas namin ang daan pauwi.

Si Himaya naman ay nakangiti lang. Mahiyain talaga siya. Ang tanging narinig ko lamang sa kanya ay ang mga halakhak sa loob ng yungib at pagtawag sa pangalan ni Humabon.Tipid siyang magsalita.

Nginitian ko na lamang si Humabon at tinapik ang kanyang balikat.

"Ssssh! Teka.Sandali huwag kayong maingay may naririnig akong mga tinig!" singit ni Zula na tila may pinapakinggan na kung ano.

Sinundan namin ang pinagmulan ng tinig na sinasabi ni Zula. Nauuna si Zula habang nakasunod kaming tatlo.

"Yumuko kayo dali! " bulong ni Zula na hinudyatan kaming yumuko at magtago sa malaking halaman.

Sa di-kalayuan mga dalawampung hakbang sa amin ay may tatlong tao ang tila nag-uusap.

Dalawang lalaki na tila pamilyar sa akin ang itsura at isang napakagandang binibini na nakasuot ng sedang itim. Maganda siya ngunit makikita sa kanyang tindig na hindi siya isang normal lang na katutubo. Mayroon siyang awra na kahalintulad sa isang babae na aking nakita kamaikailan lamang. Ang kanyang mga labi ay kulay itim at ang kanyang mga buhok ay mahaba na abot sa kanyang binti.

Tama si Lidagat. Kahalintulad ang kanyang pagkatao kay Lidagat. Malamang ay isa rin siyang Diwata.

"Si Menangkabaw at Banawag yun ah! " bulong ni Zula nang mamukhaan niya ang dalawang lalaking kausap ng binibini.

Si Menangkabaw ay isa sa mga magigiting na mandirigma sa balangay nila Zula.Kalapit balangay namin sila sa Isla. Si Mang Banawag naman ay doon na rin naninirahan sa kanilang balangay.

Bigla na naman akong kinabahan.Ang dalawang taong banta sa aking buhay ngayon ay nasa aming harapan.

Hindi ako nagpahalata kina Humabon na ako ay takot.Patuloy kaming nakinig sa usapan ng tatlo.

" Napaka-mapangahas niyo namang nilalang at nagawa niyo akong tawagin at hingan ng pabor? Ano naman ang mahihita ko kung tumugon ako sa inyong mga kahilingan? " mahinay ngunit may kapangyarihang wika ng babae sa dalawa.

" Walang hanggang pagpupugay,pag-aalay ng mga ginto at kung anong yaman meron kami mahal na diwata! " sagot ni Banawag habang nakayukod silang dalawa ni Menangkabaw .

Mahal na Diwata? Bigla kaming nagkatinginan nila Zula,Humabon at Himaya pagkarinig namin sa kanilang nasambit .

"Ang aming katapatan at buhay, mahal na  Nagmalitong-Yawa Sinigmaling Diwata! " dugtong naman ni Menangkabaw.

Nagimbal kami sa aming narinig.Ang diwatang ito na nasa aming harapan sa di kalayuan ng aming pinagtataguan ay isang mapanganib na Diwata.Siya ay kabiyak ng diyos ng kadilimang si Saragnayan!.

" Hahaha! Nakakatuwa naman kayong dalawa. Mukhang magandang handog para sa isang maliit na kahilingan.! Pinasaya niyo ako.Pagiisipan ko nang mabuti ang inyong kahilingan " wika ng diwata.

"Samantala.Ikaw matipunong lalaki.Nag-iinit ang katawan ko paligayahin mo nga ako." dugtong ni Nagmalitong Yawa habang hinihimas ang batok ni Menangkabaw at ibinuka nito ang kanyang mga labi at inilabas ang dila.

Hindi na kami nakatagal sa aming nasasaksihan. Ang makita nang harapan ang kinatatakutang diwata sa buong santinakpan ay sapat na para kami ay agad na tumalilis palayo. Lalong hindi makakayanan ng mga batang katulad namin na masaksihan pa ang malaswang magaganap sa pagitan ni Menangkabaw at ng itim na diwata.

Buong ingat kaming umalis sa kanilang kinaroroonan. Hindi tumitigil ang pagkabog ng aking dibdib sa takot.

Ano kaya ang kahilingan na iyon? Ano ang binabalak nila Mang Banawag? iyon ang mga tanong na bumabagabag sa akin habang kami ay papalayo sa kanilang kinaroroonan.

"Kah!Kah! Malayo na tayo sa kanila! Tumigil muna tayo saglit! " humihingal na wika ni Zula sabay pigil niya sa amin sa pagtakbo.

"Ano kaya ang binabalak nang mga ungas na iyon! " habol pa niya.

" Aba Zula mga tao sila ng iyong ama.Hindi ba dapat ay kami ang magtanong niyan sa iyo? " sagot ni Humabon na tila hapo na rin sa aming pagtakbo.

Ako naman ay tamihimik lamang na humahangos na rin.Si Himaya ay napaupo na rin sa pagkapagod at takot sa nasaksihan.

"Wala akong alam sa mga plano nila.Isusumbong ko sila kay Ama! " may pagbabanta sa tinig ni Zula.

" Hoy Zula.Maghunos-dili ka.Sa tingin mo ba ay paniniwalaan ka agad ng iyong ama?! At ni wala man lang tayong katibayan na nakita natin silang nakipagtagpo sa itim na diwata. Bukod doon ay alam ba natin ang kahilingan na kanilang binabanggit sa kanilang pag-uusap kanina?! "  ika ni Humabon.

" Sa ngayon ang maari lang nating magawa ay magmatyag at makiramdam sa mga mangyayari.Mga bata pa lang tayo at wala pa tayo sa katayuan para isiwalat ang isang walang lamang pag-uusap." dugtong niya.

"Ilihim lang muna natin ito.At kung may kakaibang mang maganap  na may kinalaman sa tatlong iyon ay doon na tayo magsasalita." wika uli ni Humabon habang isa-isa kaming tinitingnan.

Tumungo na lamang kaming tatlo bilang pagsang-ayon.

Malapit nang lumubog ang araw nang kami ay makabalik sa piging.Lasing na ang ilan sa mga kalalakihan.Si Kuya Sidapa ay kausap pa rin ang nililigawang si Putri Hunina.Ang mga matatandang pinuno  ng Kapulungan ng Madya-as at kanilang mga asawa kasama sina ama at ina ay masayang nagkakantahan at ang iba ay nagsasayawan.

Kinaumagahan ay nagpaalam na ang lahat ng dumalo sa piging.Pati na rin sina Humabon.

"Tandaan niyo ang sinabi ko sa inyo Cali,lalung-lalo ka na Zula. " wika ni Humabon habang nagpapaalam sa amin  sa kanilang paglalagay pabalik sa kanilang isla sa Sugbu.

"Oo Humabon makakaasa ka! " sagot ni Zula.

Ako naman ay tumango na lamang.Nalulungkot ako at aalis na ang aking mga kaibigan.Lalung-lalo na si Himaya.Ang aking lihim na sinisinta.

"Salamat nga pala Cali sa kakaibang karanasan na binigay mo sa amin sa pagkakataong ito.Hindi namin iyon malilimutan."  wika uli ni Humabon sabay yuko bilang pagpapasalamat.

"Maraming salamat mga Batang Maktan sa pagpapasaya sa aming magpinsan." mahinahong tinig ni Himaya.

Kaysarap sa tengang pakinggan  ang mga tinig ng mala diwatang si Himaya.

Ang aking pangangamba sa mga nangyari ng ilang araw sa piging ay napalitan ng kakaibang ligaya.

"Ah,..eh.Oo Walang anuman Himaya.! Basta ikaw. " nauutal ko na lang na nasambit.

Napangiti na lamang si Humabon.Si Zula naman ay agad akong binatukan.

"Uhm!. Pasikat! " wika niya.

"Hahahahaha!"

Napuno na naman ng tawanan ang malungkot na sandaling pagpapapaalam.








Batang MaktanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon