Aisher

65 0 0
                                    

"Ginoong Jeepox, magbigay ulat sa kalagayan ng ating bayan." Pag-uutos ni haring Plenaril

"Mahal na hari, wala ni isang istraktura mapabahay man o mga gusali ang nanatiling nakatayo, lahat po ay nawasak ng mga dambuhalang mga kalaban." Pag-uulat ng kabalyerong si senyor Jeepox

"At ang mga nasawi?" Tanong ng hari

"Sa kabutihang palad po ay mabilis pong nailikas ng ating magigiting na kabalyero ang lahat ng mga mamamayan ng ating bayan at naidala sa isang ligtas na lugar." Muling tugon ng magiting na lider

"Kung gayon, mag-iwan ng dalawang hukbo na mangangalaga sa kapakanan ng ating mga kababayan! Tipunin lahat ng ating hukbo at muling maghanda. Makipagkita sa akin sa itaas ng Talampas ng Wowing para sa iba ko pang mga utos at tagubilin." Pag-uutos ng hari

Sa itaas ng Talampas ng Wowing, kasama ang kanyang tapat na kaibigang si Adebnas na isang pulang leon sa kanyang tabi, tinipon ni haring Plenaril ang lahat ng kanyang mga kabalyero at pinangunahan ang pagdidipensa sa kanilang bayan. Sapagkat ng mga oras na iyon ay patuloy pa ring nanalasa ang sampung mga dambuhalang bulate na may isang paa na tulad ng sa isang sisiw at ang katawan nitong may isang daang metro ang haba sa bayan ng Aisher.

"Jeepox! Magdala ka ng iyong mga tauhan at tumungo na kayo sa Bundok ng Bikosopyu at ihanda ang ating lihim na sandata." Pag-uutos ng hari

"Ngunit mahal na hari, di ko po kayang iwanan kayo sa gitna ng labanang ito." Tugon ni senyor Jeepox

"Sundin mo ang aking ipinag-uutos at wala ng panahon! Ihanda mo na ang Shemay-Kamay!" Utos ng hari

"Opo kamahalan" at mabilis na tinungo ni senyor Jeepox kasama ng kanyang hukbo ang Bundok ng Bikosopyu

Habang tinatahak ni senyor Jeepox at ng kanyang mga kasamahan ang daan patungo sa bundok ay mabilis naman silang naharang ng isa sa mga higanteng bulate sapagkat bukod sa higante nilang laki ay nag-aangkin din sila ng bilis ng tulad ng kay Ploktok. Sa isang padyak ng nag-iisa nitong paa ay nahati niya ang lupa na nagdulot ng pagkakahiwalay nito at pagkakaroon ng malaki at malalim na puwang sa pagitan nina senyor Jeepox at ng daang patungo sa bundok.

"Atras! Kailangan nating humanap pa ng isang daan patungo sa bundok! Bilisan nyo!" Pag-uutos ni Jeepox

Samantala...

"Senyor Oliber! Wag niyong hahayaang makapaminsala pa ng lubusan ang mga dambuhalang ito, atin na silang burahin sa balat ng lupa!" Pag-uutos ng hari

"Opo kamahalan, masusunod." Tugon naman ni senyor Oliber

"O narinig niyo ang utos ng mahal na hari, burahin na sila sa balat ng mundo!" Pag-uutos ni senyor Oliber sa kanyang hukbo

At tangan ang kani-kanilang mga espadang niyebe, sabay-sabay nilang binugahan ng apoy na nagmumula sa kanilang mga sandata ang mga dambuhalang bulate upang ang mga ito'y sunugin at tuluyan ng matusta at maging abo.

"Senyor! Sadyang napakabilis ng kanilang pagkilos at di natin matiyempuhan ang kanilang mga galaw para sunugin. Ano po ang ating gagawin?" Pag-uulat ng isa sa mga kabalyero ni senyor Oliber

"Diskarte ang kailangan! Ikalawang hukbo, mauna kayo at tumungo sa talampas ng Guido at doon maghanda at abangan kami habang itataboy naman namin ang mga kalaban patungo doon at magkasalubong nating salakayin itong mga bulateng ito, sige na!" Pag-uutos ni senyor Oliber

At mabilis na tinungo ng ikalawang hukbo ang talampas ng Guido sa pag-uutos ni senyor Oliber upang doon mag-abang sa mga kalabang bulate na pilit na tatabuyin ng unang hukbo ng senyor.

"Unang hukbo! Magsikalat kayo! Harangin at itaboy papuntang talampas ng Guido ang mga bulateng ito! Ibigay nyo nang lahat ng inyong kakayahan! Ngayon na!" Pag-uutos ng senyor

At binuhos na nga ng unang hukbo ang lahat para maitaboy ang mga kalaban sa pamumuno ni senyor Oliber. Kanilang binugahan ng apoy na nagmumula sa kanilang niyebeng espada habang ang ilan sa kanila ay sumugod para iturok ang kanilang mga sandata sa katawan nito sa pag-asang mahuhuli nila ni isa man lang sa mga ito sa kabila ng angking bilis ng mga bulate. Sa utos ng senyor, ang mga hukbo ay nagpaikot-ikot sa kalaban sa hangaring lituhin sila.

Habang nasa itaas ng talampas ng Wowing, pinagmamasdan ng hari ang kagitingan ng kanyang mga hukbo laban sa napakalakas na kalaban at kasama ang kanyang tapat na tagapagtanggol at kaibigang si Adebnas ay nagpasya itong lumahok na rin sa pakikipagdigma kasama ng kanyang mga tauhan.

"Mahal na hari, nawa'y ipaubaya nyo na po sa amin ang pakikidigma at manatili na lamang kayo sa talampas kung saan ligtas" Ang pakiusap ni senyor Oliber

"Wag mo akong alalahanin at ituon mo ang iyong atensiyon sa pakikipaglaban!" Ang utos ng hari

Habang buong lakas na ipinagtatanggol ni haring Plenaril at ng kanyang hukbo ang kanilang lupaing Aisher ay walang anu-ano ay biglang tumigil ang mga dambuhalang bulate na animo'y nagbibigay ng oportunidad kina haring Plenaril na sila'y salakayin ngunit bago pa man din makagawa ng hakbang ang hari ay bigla itong sabay-sabay na ipinadyak ang kani-kanilang nag-iisang paa na nagdulot ng napakalakas na pagyanig na tuluyan ng nagwasak sa lupaing Aisher.

Gumuho ang mga lupain sa bayan ng Aisher at kasama dito ang lahat ng mga nilalang sa ibabaw nito, ang mga tao, mga hayop at mga puno't halaman. Lahat ay kasamang nilamon ng gumuhong lupa maliban na lamang sa mga higanteng bulate na sa isang iglap ay biglang nagbago ng anyo. Mula sa pagiging bulate na may isang paa, sila ngayo'y naging mga maliliit na tutubi na sinlaki na lamang ng langgam ang sukat. Subalit, lumiit man sila, nanatiling taglay pa rin nila ang kanilang lakas at bilis nung sila'y mga dambuhala pa. Bukod sa pagiging tutubi, sila ngayo'y nagtataglay rin ng buntot na mahihintulad sa buntot ng isang pating kung saan sa dulo nito'y may tila isang diamanteng kulay kahel na kung magagawang basagin ay siyang lihim ng kanilang kahinaan. Ang diamanteng ito ay taglay din nila kahit sila'y nasa anyong dambuhalang mga bulate rin at ito'y matatagpuan din sa dulo ng kanilang buntot ngunit di tulad ng bulate na nagbabago ng anyo sa anyong tutubi, ang mga diamante ay di nagbabago ng anyo at sukat at nanatiling maliit na halos di makita ng ordinaryong mga mata.

Matapos gunawin ang lupain ng Aisher, agarang nilisan ng mga tutubi ang bayan para tumungo naman sa susunod na lupaing kanilang lulusubin.

Klopeysyus 2-Ang Ikalawang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon