"Kapitan Lerwal, papaano po natin sasagipin si Tene sa gitna ng karagatan gayong nawasak na ang lahat ng ating mga barko?" May pag-aalalang tanong ni Nebeur, isa sa mga pirata ni kapitan Lerwal.
"Papaano? Har! Har! Sino ba tayo? Di ba't tayo ang mga pirata na nagmula sa maliit na gubat? Di ba't ang karagatan ang ating kaharian? Tapos tatanungin niyo ko kung paano? Magsipaglangoy kayo't sagipin ang agila!" Pag-uutos ni kapitan Lerwal sa kanyang mga pirata.
At agad ngang lumusong sa karagatan ang lahat ng mga pirata ng kapitan upang saklolohan ang nasugatang kaibigan. Nang kanila nang natunton ang kinaroroonan nito ay tulong-tulong nilang isinalba si Tene patungong dalampasigan ngunit nang sila'y may ilang metro na lang ang layo sa isla, sila ay hinarang at mabilis na pinalibutan ng limang dambuhalang gutom na gutom na mga pating.
"Kapitan! Kapitan! Saklolo! Mga pating! Tulong!" Sigaw ng mga takot na takot na pirata ni kapitan Lerwal.
"Maghulos-dili kayo! Masyado kayong matatakutin, mga pating lang, di na kayo magkanda-ugaga sa takot!" Sigaw ng kapitan sa kanyang mga tauhan.
Mula sa kanyang bulsa ay inilabas ni kapitan Lerwal ang isang maliit na kahon ng posporo at mula sa limampung pirasong diyamanteng kahel na nilalaman nito ay kumuha siya ng isa at inihagis sa karagatan sa kalagitnaan ng kanyang mga takot na takot na mga pirata at ni Tene.
Pagkabagsak ng diyamante sa karagatan ay agad na bumula ang dagat sa paligid at lahat ng mga nilalang napapaloob sa isang daang metro dayametrong nasasakop nito ay nagbago ng anyo kabilang na nga dito ang mga pirata ng kapitan na naging mga higanteng kasinglaki ni Kito at bumata ang mga itsura ng isang taon at si Tene na dumoble ang laki at mabilis na naghilom ang sugatang pakpak. Bukod pa dito mapapansing naging mga bakal ang mga balahibo sa kanyang katawan at pakpak na nagsisingkintabang matingkad na kulay asul.
Ngunit hindi lang ang mga pirata at si Tene ang naapektuhan ng kapangyarihan ng diyamanteng kahel kundi gayundin ang mga pating na humarang sa kanila na nagbagong anyo din na ngayon ay nagkaroon na ng mga pakpak na tulad ng makukulay na pakpak ng mga paru-paro at nakakalipad na ngunit taglay pa rin ng kanilang katawan ang normal nitong sukat.
May mga iba pang mga nilalang ang nagbago din ng mga anyo ngunit nanatili muna sa ilalim ng karagatan.
"Har! Inggit naman ako sa inyo!" Sambit ng kapitan na lulusong na sana sa karagatan para maging higante din tulad ng kanyang mga pirata nang bigla niyang naalala.
"Har! Oo nga pala, ang mga diyamanteng kahel, di sila dapat mabasa! At pag lumaki na din akong tulad nila ay imposible ko nang madampot ang mga gakutong laki na mga diyamanteng ito ng aking dambuhalang mga daliri at mahihirapan ding akong makakita ng ganyang kalalaking mga kasuotan, panloob o panlabas man. Di bale sila na lang ang mga higante, mananatili na lang ako sa normal kong anyo." Ani ng natauhang kapitan
"Oy! Tama na yang pagkamangha niyo sa inyong mga sarili, haar! Kailangan pa nating habulin ang mga damuhong mga kabalyerong yaon at pagbayarin sa kalapastangang ginawa nila sa atin! At yamang naging mga higante na rin kayo, pati yung mga taong batong wumasak sa ating mga barko ay pagbabayarin din natin, harr! Oras na ng paniningil! Sige! Sugod mga pirata!"
At mabilis na umahon mula sa karagatan at nagsipagtakbuhan patungo sa landas na tinahak nina haring Plenaril at ng kanyang mga kabalyero at ng mga higanteng taong bato ang mga higanteng pirata na di alintana na natapakan na pala nila ang kanilang kapitan na nabaon sa mabuhangin na dalampasigan ng Klopeysyus.
"Puwe, pwe! Mga damuho kayo! Harr! Hoy! Naiwanan niyo ako!" Sigaw ng natapakang kapitan sa kanyang mga pirata ngunit huli na, sapagkat sa laki ng mga hakbang nila at patakbo pa ay milya, milya na ang layo nila sa kapitan kaya't wala nang nagawa si kapitan Lerwal kundi ang maglakad nang mag-isa kasunod nila.
Ngunit mula sa himpapawid ay biglang may dumagit sa kapitan at inilipad siya ng pagkataas-taas.
"Tene! Harr! Talagang maasahan ka! Buti ka pa't di mo ako nakalimutan kesa dun sa mga mababaho kong pirata na tinapakan pa ako! Halika't ating tunguhin ang kinaroroonan ng mga salbaheng mga de latang nanakit sa iyo at sumunog sa aking mga barko at pagbabayarin natin sila sa kalapastangang ginawa nila sa atin!" Galit na tugon ng kapitan
"Ene be nemen yen! Eh dito rin tayo nagsimula." May pagkabugnot na sambit ni haring Plenaril
Habang bugnot na bugnot ang hari dahil sa nasayang na panahon at pagod na kanilang ginugol sa mga kadiring lagusan ay walang anu-ano ay bigla silang sinalakay ng mga higanteng pirata na natunton na ang kanilang kinaroroonan.
"Waa! Hahaha! Nakita rin namin kayo. Pagbabayaran niyo ang panununog na ginawa niyo sa aming mga barko!" Sambit ni Oderfliw, ang maangas na pirata ni kapitan Lerwal sabay dakma sa pulutong na mga kabalyerong kalalabas lang ng lagusan kasama si haring Plenaril
"Nimajneb, ano sa tingin mo ang dapat nating gawin sa mga maliliit na kabalyerong ito?" Tanong ni Oderfliw sa kasamahang pirata
"Ba't ako ang tinatanong mo? Ako ba ang kapitan? Kay kapitan Lerwal ka sumangguni! Saan na nga ba ang kapitan!" Tugon ni Nimajneb sa kasama.
"Hala! Naiwan natin ang kapitan sa dalampasigan, lagot kayo!" Pananakot ni Osnofla, ang pinakamalaking balbas-saradong pirata ng maliit na gubat.
"Eto na ko! Mga damuho kayo! Tinapakan at iniwan niyo ako doon sa dalampasigan. Buti na lang maaasahan itong si Tene na sumaklolo sa akin. Ikaw Kral! Di mo man lang napansin na natapakan mo na ako. Parurusahan kita!" Tugon ng galit na galit na kapitan
"Paumanhin kapitan, di ko po namalayang kayo po pala ang aking natapakan, akala ko po tae, patawad, patawad po." Pagpapaumanhin ni Kral sabay luhod at mangiyak-ngiyak na nagmakaawa.
"Tumigil ka na dyan Kral, para kang beybi, harapin mo ang iyong kaparusahan tulad ng isang magiting na pirata. Harr, hala sige, Oderfliw, dahil sa maliit ako kesa sa inyo, ikaw na ang pumalo sa pwet niya! Harr!" Pag-uutos ng kapitan
"Ngunit kapitan, ano pong gagawin ko dito sa mga kalaban nating kabalyerong tangan ko?" Tanong ni Oderfliw
"Harr! Ihagis mo sila sa kanilang pinanggalingan! Doon sa karagatan!" Utos ng kapitan
At hinagis na nga ni Oderfliw sina haring Plenaril at mga kabalyero nito sa karagatan at pagkatapos nun ay pinalo na niya si Kral sa pwet ng tatlong beses alinsunod sa parusang itinalaga ni kapitan Lerwal.
BINABASA MO ANG
Klopeysyus 2-Ang Ikalawang Aklat
RandomHindi pa man lubusang napapagtagumpayan ang masalimuot na kalagayang kinakaharap ng kaharian, heto't muli na naman silang nahaharap sa isang matinding pagsubok. Paano kaya haharapin ni haring Ngepoy at ng kanyang mga kasama ang panibagong hamon na s...