"Ano na ang gagawin natin, paano tayo makakawala dito?" Tanong ni Kito habang patuloy pa rin sa pagtitiris.
"Tigil-tigilan mo na yang pagtitiris mo at punong-puno na kami ng mga tilamsik ng dugo galing diyan sa mga tiniris mong kuto, garapata at utoy! Gamitin mo yang kamay mo para makawala na tayo!" Galit na utos ni Yulet
"Ay sorry, di ko sinasadya. Di bale babawi.....teka lang, parang may nakakapa ako! Ang aking espada! Ang aking invisible na espada, nakita ko na este invisible nga pala, natagpuan ko na rin!" Tuwang-tuwang pagbabalita ni Kito.
Kaagad-agad na pinutol ni Kito ang mga mahahabang buhok na lumingkis sa kanila gamit ang kanyang invisible na espada at nang makawala na silang apat ay agad-agad din silang gumanti. Si Yulet ay humugot ng lakas ng kidlat at kulog sabay bato nito kay reyna Sirutsi. Kasabay nito, agad ding kinuha ni Ploktok ang kanyang Aser at agad-agad ding nagpakawala ng limang daang palaso na ang puntirya ay ang reyna. Nagawang harangin ng dambuhalang bulate ang mga kidlat at palaso upang proteksyunan ang reyna ngunit isa sa palaso ni Ploktok ang tumama sa mansanas ng reyna na naging dahilan upang mabitawan niya ito at malaglag sa lupa.
Lumusob na din sina Kito na kahit na may bali ay pinilit pa ring lumaban at si Transmit. Si Kito gamit ang kanyang invisible na espada ay nagawang gasgasan ang mala-metal na katawan ng bulate at si Transmit bagama't walang sandata ay nagpakawala ng mga sunod-sunod na suntok sa katawan ng bulate na balewala lang din sa dambuhala.
"Yan lang ba ang kaya niyong ibigay? Pwes! Magbabayad kayo sa ginawa niyong kalapastanganan sa akin at sa aking mansanas! Mga ipo-ipo! Lusubin sila! Bwahahahaha!" Ang tugon ng reyna.
At nilusob nga ng mga ipo-ipo ng reyna ang apat na nagtangay sa kanila sa himpapawid.
"Ayayay! Transmit, ano na ang gagawin natin! Huweeee!" Tanong ng nalilibang na si Ploktok
"Ewan! Di ko rin alam? Kung nandito lang si Kleng-kleng baka matulungan niya tayo. Siya ang eksperto pagdating sa mga hangin-hangin.' Tugon ni Transmit
At mukhang pinagbigyan ang hiling ni Transmit sapagkat unti-unting humina ang mga ipo-ipo at dahan-dahan silang inilapag sa lupa ng hangin.
"Kleng-kleng!" Sigaw nina Transmit at Ploktok
"Sabi ko na nga bang ikaw yan e! Buti na lang at dumating ka!" Tuwang-tuwang bati ni Transmit
"Ok ka na ba? Kamusta ang sugat mo?" May pag-aalalang tanong ni Ploktok
"Medyo nanghihina pa at masakit pa ang aking tinamong sugat pero kahit papaano ay nakatulong ang pansamantalang lunas na ibinigay ni reyna Klorina sa akin kaya't naparito ako upang sumaklolo." Tugon ni Kleng-kleng
"Baka makatulong ako." Singit ni Yulet
Ngunit bago pa man maialay ni Yulet ang kanyang tulong kay Kleng-kleng ay bumuwelta kaagad ng opensa si reyna Sirutsi. Nang nagawang lusawin ni Kleng-kleng ang kanyang mga ipo-ipo ay agad niyang sinugo ang isang milyong tutubi na sabay-sabay na nagbago ng anyo sa mga dambuhang bulate.
"Naku po! Kadami nila at mga dambuhala! Ano na ang gagawin natin?" May pangambang tanong ni Kito
"Teka mayroon pa akong natitirang baraha." Ang wika ni Yulet sabay hugot ng kidlat sa kalawakan ngunit sa pagkakataong ito ay muli niyang ibinalik sa himpapawid na kulay bahaghari na.
"Ano yun Yulet? Ano yung ginawa mo?" May pagtatakang tanong ni Transmit
"Humingi ako ng tulong." Sagot ni Yulet
"Tulong? Mula kanino?" Tanong muli ni Transmit
At pagkatapos na pagkatapos ng tanong ni Transmit ay yumanig ang buong paligid.
"Mga higanteng taong bato!' Gulat na sigaw ni Ploktok
At nagsidatingan na nga ang tulong na tinutukoy ni Yulet, ang kanyang mga natitirang apat na daan at dalawampung tapat na tauhang higanteng taong bato.
Agad-agad na nilusob ng mga higanteng taong bato ang mga dambuhalang mga bulate kahit pa man na mas marami sila kesa sa kanila at triple din ang kanilang laki.
"Transmit, Ploktok, dali kayo! Dalhin niyo na ang ating mga sugatang kasamang sina Kito at Kleng-kleng sa isang ligtas na lugar upang magamot na ang kanilang mga sugat at bali sa katawan. Kami na ng aking mga tauhan ang bahala dito sa ating mga kalaban." Pag-uutos ni Yulet
"Sige Yuls, wag kang mag-alala, babalik din kami kaagad ni Ploktok upang tulungan ka. Meryenda? Gusto mo bang dalhan ka namin ng meryenda?" Pagtatanong ni Transmit
"Puro ka kalokohan! Nagagawa mo pang magbiro sa sitwasyon natin ngayon! Isang spaghetti lang solo order at saka regular burger tapos drinks ko pineapple, ok, thanks!" Ang wika naman ni Yulet
At agad na itinakas nina Ploktok at Transmit sina Kleng-kleng at Kito para dalhin sa isang ligtas na lugar malayo sa mga kalaban habang sina Yulet naman at ang kanyang mga higanteng taong bato ay buong tapang na nilabanan si reyna Sirutsi at ang kanyang mga bulate.
"Sa tingin niyo ba ay matatalo niyo kami, e di hamak na mas marami at mas malalaki kami kesa sa inyo. Mabuti pang isuko niyo na lang sa amin ang inyong haring si Ngepoy at pangako papabilisin ko ang pag-gunaw sa inyong lupain nang di na kayo mahirapan pa!" Pagbabanta ni reyna Sirutsi.
"Never! Atsaka, hindi namin hari si haring Ngepoy at hindi kami taga-rito kaya kung ako sa 'yo, umalis na lang kayo sa lupaing ito ng mapayapa at magsi-diyeta kayo!" Sagot naman ni Yulet
Sa galit ng reyna ay agad niyang inutusan ang mga bulate.
"Sugurin na ang mga bubwit na yan at pulbusin! Wala kayong ititira ni isa sa kanila na buhay. Salakayin sila!" Sigaw na utos ng reyna
At nagsimula na ang bakbakan sa pagitan ng kampo ni reyna Sirutsi at grupo ni Yulet. Bagaman dehado ay matapang pa ring hinarap nina Yulet ang kalaban hanggang sa tanging si Yulet na lamang at dalawa sa kanyang mga tauhang higanteng taong bato ang natira.
Ngunit bago pa man tapusin ni reyna Sirutsi at ng kanyang mga bulate sina Yulet at ang natitirang dalawang tauhan niyang taong bato, isang palaso ang tumama sa kanyang tiyan na agad niyang ikinasugat. Kasunod nito'y sunod- sunod na mga bomba na puntirya ang mga dambuhalang bulate ang bumulaga sa kanila. Sa lakas ng pagsabog ng mga ito ay nagawa nitong malupil ang halos kalahati sa bilang ng mga kalabang bulate samantalang ang iba ay mabilis namang nakaiwas.
BINABASA MO ANG
Klopeysyus 2-Ang Ikalawang Aklat
AcakHindi pa man lubusang napapagtagumpayan ang masalimuot na kalagayang kinakaharap ng kaharian, heto't muli na naman silang nahaharap sa isang matinding pagsubok. Paano kaya haharapin ni haring Ngepoy at ng kanyang mga kasama ang panibagong hamon na s...