Ang Sagupaan

28 0 0
                                    

"Mga magigiting na kabalyero, natatanaw ko na ang Klopeysyus! Magsihanda kayo sa pakikipaglaban!" Pag-uutos ni haring Plenaril sa kanyang mga hukbo.

At habang malapit nang makarating si haring Plenaril at ang kanyang mga kabalyero sa bayan ng Klopeysyus, patuloy pa rin ang nagaganap na labanan sa pagitan ng mga kawal ni haring Ngepoy at ni Yulet.

"Nasaan na ba yung mga higanteng bato na hiningan ko ng saklolo? Katagal naman ata nila. Napapagod na ko sa dalawang 'to. 'Nak ng tinapa naman, oo! Pag minamalas talaga, nag-aalburuto pa ata tiyan ko! Kulangot talaga 'tong si Transmit, sinikmuraan pa kasi ako! Sana kabag lang 'to" Bulong ni Yulet sa sarili sabay pakawala ng mga sunod-sunod na kidlat kina Ploktok at Kleng-kleng at sinabay na rin niya ang pag-utot para di halata.

Walang kamalay-malay ang walang malay na si Transmit sa labanan ng kanyang mga kasama at ni Yulet kaya't kinuha muna siya ni Kito para iiwas sa kaguluhang nangyayari at dalhin sa isang ligtas na lugar kasama ng hari at pamilya nito. Gamit ang kanyang malalaking kamay, dinakot niya ang hari, kanyang pamilya't kasambahay at si Transmit at binitbit papalayo sa nagaganap na labanan.

"Ginoong Yulet! Ang mabuti pa ay tigilan na natin ito at daanin na lang natin sa mahinahong pag-uusap ang di natin pagkakaunawaan!" Pahayag ni Kleng-kleng sabay hagupit ng kanyang shendril sa katawan ni Yulet

"Arekupooo!.... Ako man ay sang-ayon sa mungkahi mo binibini! Mapayapang pag-uusap din ang nais ko at sa akin ding paniwala ay ang tangi ring solusyon sa hidwaang ito!" Namimilipit sa sakit na tugon naman ni Yulet sabay pakawala ng isang kidlat na muntik nang tumama kay Ploktok na mabilis na nakaiwas.

"Tama ka Yulet! Mas mainam ang mapayapang usapan kesa sa pakikipag-laban." Pagsang-ayon naman ni Ploktok sabay pakawala ng isang palaso na dumaplis sa tagiliran ni Yulet

Habang abala sina Kleng-kleng at Ploktok sa pakikipaglaban kay Yulet, isang malaking bolang apoy ang mabilis na bumubulusok paparating sa kanila ngunit bago pa man tamaan ang tatlo ng nasabing bolang apoy, bigla na lamang dumating si Chipengaluk at itinulak ang isang malaking puno ng akasya na sumangga sa bolang apoy na siyang ikinaligtas ng tatlo.

"Chipengaluk! Mabuti't dumating ka! Kung hindi dahil sa iyo marahil ay lechong inasal na kaming tatlo!" Tuwang-tuwang bati ni Ploktok sabay yakap sa kaibigang tigre.

"Salamat Chipengaluk, kung hindi sa mabilis mong pag-aksyon malamang natusta na ka....." At bago pa man matapos ni Kleng-kleng ang kanyang sasabihin ay walang anu-ano ay biglang umahon mula sa nagliliyab na akasya ang isang pulang leon at sinunggaban si Chipengaluk.

At nagpangbuno nga ang dalawang malaking pusa, leon laban sa tigre at tigre laban sa leon.

Nasorpresa ang lahat sa pagdating ni Adebnas na umatake kay Chipengaluk at Ploktok ngunit dahil sa liksi at likas na talinong taglay ni Chipengaluk ay mabilis niyang naitaboy ang kaibigang si Ploktok para di madamay sa pag-atake ng leon.

Mabangis ang labanan ng dalawa. Si Adebnas na walang kaduda-dudang mas malakas kesa kay Chipengaluk ay nanaig sa labanan ngunit di naman basta basta magpapatalo si Chipengaluk at ginamit ang kanyang liksi at talino laban sa leon.

Malakas na sunod-sunod na hampas sa mukha ang natanggap ni Adebnas mula kay Chipengaluk ngunit ganoon pa man ay di niya inurungan ang tigre at matapang na sinugod ang huli at akmang sasakmalin na sa leeg.

Dahil sa nakitang dehado ang kaibigan, mabilis na kinuha ni Ploktok ang kanyang panang kristal at tinutok ang balang palaso sa pulang leon sabay pakawala nito.

Ngunit bago pa man tamaan ng palaso ni Ploktok si Adebnas ay nasangga ito ng kalasag na nanggaling kay haring Plenaril na ng mga oras na iyon ay nakarating na rin sa kinaroroonan nina Ploktok sakay ng ngayo'y lumilipad na niyang mga dolpin.

"Isang kataksilan ang ginawa mong yan Ploktok tulad ng iyong hari! Isang marangal na laban ang namamagitan sa dalawang iyan kaya't wag mo silang pakialaman. Ako ang inyong harapin!" Galit na pahayag ni haring Plenaril sabay utos sa lumilipad niyang mga dolpin na salakayin ang mabilis na kawal.

Isang malakas na hagupit ng latigo ang ikinagulat ni haring Plenaril na tumama sa kanyang likuran dahilan para mahulog siya sa sinasakyan niyang dalawang dolpin.

"Ploktok! Ayos ka lang ba?" May pag-aalalang tanong ni Kleng-kleng sa kasama.

"Oo Kleng, ayos lang ako.. sa likod mo!" Babala ni Ploktok sabay asinta muli ng kanyang Aser sa grupo ng walong kabalyerong tangkang atakihin ang binibining kawal.

Mabilis din na nakapag-dipensa ang mga kabalyero sa pangunguna ni senyor Jeepox at sinangga lamang ng kanilang kalasag ang mga palaso ni Ploktok. Bihasa at hubog na hubog sa pakikidigma ang mga kabalyero ni haring Plenaril na noo'y nakarating na rin pagkatapos ng humigit kumulang dalawang kilometrong pagtakbo nila pagkatapos nilang dumaong sa dalampasigan ng lupain ng Klopeysyus.

Dehado sa bilang ngunit magigiting ang mga kawal ni haring Ngepoy. Gamit ang kanyang kakayahang kontrolin ang lakas ng hangin, kumuha si Kleng-kleng ng dalawang bungkos ng mga mga bulaklak ng punong chicharon at pinaikot-ikot niya ito upang makalikha ng dalawang ipo-ipo na tumangay sa ilang hukbo ni haring Plenaril pabalik sa karagatan.

Si Ploktok naman, gamit ang kanyang bilis ay nagpaulan ng maraming palaso laban sa mga kabalyero.

Sinamantala naman ni Yulet ang pagkakataon na abala ang dalawang kawal ni haring Ngepoy at tumakas patungong Gubat ng Walang Patutunguhan para doon mag-popoo at ni wala man lang kaalam-alam sa lihim ng gubat na ito.

Nang makabangon na sa pagkakahulog si haring Plenaril ay agad niyang inutusan si senyor Oliber.

"Senyor Oliber! Ang prasko! Gamitin mo na ang diyamante laban sa kanila!" Pag-uutos ni haring Plenaril

Kaya't kumuha ng isang diyamanteng kahel ang senyor mula sa hawakan ng kanyang espada at ipinasok sa loob ng praskong may lamang tubig para ihagis sa isang kalapit na hardin ng mga bulaklak ngunit siya'y natigilan nang kanyang napagtanto na ang dalawa sa mga mandirigmang kanyang tinulungan sa loob ng mahiwagang lagusan sa loob ng katawan ng sawa ay sina Kleng-kleng at Ploktok pala.

"Senyor Oliber! Ano pang hinihintay mo! Ihagis mo na ang prasko!" Pag-uutos ni haring Plenaril.

Klopeysyus 2-Ang Ikalawang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon