"Ang mga hayup na bulate! May kakayahan din pala kayong di magpakita! Ganun pa man, magbabayad kayo sa ginawa niyo sa aking kaharian." Wika ni haring Plenaril
At buong tapang na nilusob ng hari kasama ng kanyang hukbo ang dalawang dambuhalang bulate kahit na napakadehado ng kanilang katayuan, ngunit sa di inaasahang pangyayari ay umatras ang mga bulate at lumisan.
"Mga duwag! Lumaban kayo! Mga hukbo habulin sila at huwag silang hayaang makatakas, sugod!" Galit na utos ni haring Plenaril.
Sakay ng kanilang mga makikisig at mabibilis na kabayo, kasama si Adebnas at ang bago nilang kasangga, ang pulang-pulang cardinal ay hinabol ng hari at ng kanyang hukbo ang mga dambuhalang bulate hanggang umabot sila dalampasigan kung saan nilangoy ng dalawang dambuhalang bulate ang dagat patungong lupain ng Klopeysyus.
Datapwat nagawa nilang magbago ng anyo mula sa pagiging mga dambuhalang bulate sa pagiging maliliit na tutubi ay di na nila itong muling magagawa sapagkat isang beses lang nila itong maaring gawin sa buong buhay nila. Kaya't sa anyo nilang pagiging bulate ay kanilang nilangoy ang karagatan upang sumaklolo sa kanilang reyna.'Mahal na hari, tumawid po ng karagatan ang mga kalaban at sa pakiwari ko po ay patungo sa lupain ng Klopeysyus!" Pag-uulat ni senyor Oliber
"Kung gayon, iwanan muna natin ang ating mga kabayo dito sa lupa at tayo'y lumipat sa ating mga alagang kabayong-dagat at atin nang habulin ang mga kalaban! Adebnas, sumabay ka na sa akin at makisakay sa aking kabayong-dagat. Senyor Oliber, ipatawag ang ating mga kabayong-dagat" Pag-uutos ng hari
Bukod sa kanilang makikisig at mabibilis na mga kabayo, si haring Plenaril ay nag-aangkin din ng mga alagang kabayong-dagat na sinlaki ng kanilang mga kabayo na sinanay din sa pakikipaglaban sa karagatan. Nang tinawag na nga ni senyor Oliber ang mga alaga nilang kabayong-dagat gamit ang isang trumpeta ay mula sa kailaliman ng dagat ay mabilis na lumutang ang napakaraming kabayong-dagat at siya naman sinakyan ni haring Plenaril kasama ng kanyang mga hukbo.
At hinabol na nga nina haring Plenaril ang mga dambuhalang bulate at nagawa din nilang abutan sapagkat walang bisa ang bilis ng mga bulate pag sila'y nasa dagat at nababawasan din ng walumpong porsiyento ang kanilang lakas dahil sa tubig alat. Bukod sa maliit na diamante sa kanilang buntot na kapag natanggal ay magiging sanhi ng kanilang kahinaan, ang dagat ay isa ring lihim ng kanilang kahinaan.
"Palibutan ang mga iyan ng hindi na makatakas. Humanda kayo at sa aking hudyat ay sabay-sabay nating bugahan sila ng apoy." Pag-uutos ng hari
At pinaikutan na nga ng buong hukbo ang dalawang bulate upang hiluhin at lituhin ang mga ito na may paisa-isang pagbubuga ng apoy ng mga kabalyero.
"Adebnas, lalapit tayo sa isa sa kanila at sa hudyat ko'y sabay tayong tatalon sa isa sa kanila." Wika ng hari sa kanyang leon
"Senyor Jeepox! Ano ang pinaplano ng mahal na hari? Akala ko ba'y ating bubugahan ng apoy ang mga kalaban sa kanyang hudyat?" Tanong ni senyor Oliber
"Parang hindi ka na nasanay sa ating hari. Sundin na lang natin ang kanyang tagubilin at maghanda sa kanyang paghudyat." Wika ni senyor Jeepox sa kasamang senyor.
At nang magawa na ng hari na makalapit sa isa sa mga bulate.
"Adebnas! Talon!" Siyang utos ng hari sa alaga.
At nagsi-talon na nga ang dalawa papunta sa isang bulate at kanilang inakyat ang pinaka-ulo nito gamit ang espada ng hari at ang matatalim na kuko ni Adebnas.
"Ano kaya ang binabalak ng mahal na hari?" Tanong ni senyor Jeepox kay senyor Oliber
"Hindi ko rin alam kaya't alerto ka na lang sa pagbigay niya ng hudyat." Sagot naman ni senyor Oliber kay senyor Jeepox
At nang matunton na ng hari at ni Adebnas ang pinaka-tuktok ng bulate ay agad na itinurok ng hari ang kanyang espada sa ulunan nito na nawalan na ng bisa ang mala-metal nitong balat dulot na rin sa pagkaka-basa nito sa tubig-alat ng dagat. Mula sa sugat na dinulot ng espada ng hari ay bumulwak ang mala-langis nitong malapot na dugo na dumaloy sa buo nitong katawan.
"Ngayon na, mga hukbo! Ibuga niyo na ang inyong mga apoy!" Pag-huhudyat ng hari sa kanyang mga tauhan
"Bugahan na natin ng apoy? Sigurado ba ang ating hari sa ipinag-uutos niya? Eh paano na sila ni Adebnas? Matutusta silang kasama ang bulate?" May pag-aalinlangang tanong ni senyor Jeepox kay senyor Oliber
"Wala nang tanong-tanong at sumunod na lang tayo! Mga hukbo! Narinig ninyo ang hari! Bugahan niyo na ng apoy ang kalaban!" Pag-uutos ni senyor Oliber
Agad na nagliyab ang bulate dahil na rin sa mala-langis nitong dugo. Ngunit ang hari at si Adebnas ay nanatili pa rin sa ulunan ng bulate at halos malapit na rin silang marating ng apoy na mabilis na kumalat sa buong katawan ng bulate.
Walang pagkabahala ang maaaninag sa hari sa harap ng panganib na hinaharap at sa halip, napakatapang niyang hinarap ang kalaban para sa kapakanan ng kanyang bayan. At bago pa man tuluyang matupok ang bulate, sa sipol ni haring Plenaril ay dalawang dolpin ang tumalon galing sa kailaliman ng dagat at sinagip ang hari at si Adebnas mula sa nagbabagang bulate.
"Wow! Saan nanggaling yung dalawang dolpin na iyon? Di ko alam na meron pala tayong alagang mga dolpin." Nasorpresang wika ni senyor Jeepox
"Ako man ay nagulat din. Wala rin akong alam tungkol diyan. Malamang ito'y isang taktikang lihim ng ating hari para sa mga sitwasyong ganito." Ani ni senyor Oliber
Dahil sa pagkatuon ng lahat sa kaganapan, di nila napansin na nakatakas na pala ang isang bulate na patungo sa lupain ng Klopeysyus. Tanging ang pulang cardinal lamang ang nakagawang tumutok dito at sinundan ito sa kanyang patutunguhan.
"Mahal na hari! Napakagiting po ng inyong ginawa! Kami ng inyong mga hukbo ay lubos ninyong pinahanga at ipinagmamalaki po naming kayo po ang aming hari." May paghangang tugon ni senyor Jeepox
"Nasaan yung isang bulate?!" Tanong ng hari
"Ah eh, paumanhin po haring Plenaril, nakaligtaan po namin yung isang bulate nang matuon po ang aming pansin sa inyong kagitingan." Tugon ni senyor Oliber
"Pusang itim! Hindi katanggap-tanggap ang ganyang dahilan! Hala! Matapos lang natin ang misyong ito, huwag na huwag niyong kalilimutang ipaalala sa akin ang inyong mga kaparusahan at kung hindi ay makakatikim kayo ng parusa mula sa akin!" Galit na tugon ng hari
"Tara na at tumungo na tayo sa bayan ng Klopeysyus! Ngepoy! Magbabayad ka sa kalapastanganang ginawa mo sa aking kaharian!" Pagbabanta ni haring Plenaril
BINABASA MO ANG
Klopeysyus 2-Ang Ikalawang Aklat
RandomHindi pa man lubusang napapagtagumpayan ang masalimuot na kalagayang kinakaharap ng kaharian, heto't muli na naman silang nahaharap sa isang matinding pagsubok. Paano kaya haharapin ni haring Ngepoy at ng kanyang mga kasama ang panibagong hamon na s...