Ang Pagbabalik Ng Mga Taong Bato

13 0 0
                                    

"Haring Plenaril, mayroon po sana akong nais sabihin sa inyo." Hiling ni senyor Oliber sa kanyang hari.

"Sige, makikinig ako pero gawin mo muna ang ipinag-uutos ko at ihagis mo na ang prasko sa hardin." Pag-uutos ni haring Plenaril.

"Sige po kamahalan, masusunod po!" Tugon ng senyor.

At hinagis na nga ni senyor Oliber ang praskong may lamang tubig at isang diyamanteng kahel sa hardin ng mga bulaklak. At nang ito'y nabasag at dumaloy na ang tubig sa ugat ng mga ito ay isa-isa itong nagbago at naging mababangis na aso na kasinlaki ng mga kabayo. Ang bilang nila ay napakadami sapagkat ang lawak ng harding ito ay may dalawampu't isang (21) ektaryang iba't ibang uri ng bulaklak.

Muling nanumbalik sa alaala ni Ploktok ang kaganapang ito kaya't agad niyang sinabihan si Kleng-kleng.

"Kleng! Nakasagupa ko na ang mga mababangis na asong ito! Kailangan natin ng kamatis para matalo sila! Pagpapa-alam ni Ploktok kay Kleng-kleng.

"Ngunit saang lupalop naman tayo maghahanap ng kamatis ngayong nasa gitna tayo ng digmaan?" Balisang tanong ni Kleng-kleng kay Ploktok.

"Senyor Jeepox! Senyor Oliber! Tawagin niyo ang mga hukbo niyo at tayo nang tumungo sa kinaroroonan ni Ngepoy. Sa tingin ko'y magiging abala na ang ating dalawang kaibigang sina Kleng-kleng at Ploktok sa pakikipaglaban sa mga asong iyan. Adebnas! Sumunod ka na lang pagkatapos mo diyan sa kaibigan mong tigre." Utos ni haring Plenaril

At lumisan na nga ang hari kasama ang kanyang mga kabalyera patungo sa kinaroroonan ni haring Ngepoy.

Ngunit hindi pa man nakakalayo ay biglang napatigil sina haring Plenaril at ang kanyang mga hukbo nang sa harapan nila ay bumagsak ang isang malaking sawa.

"Mga hukbo! Buksan ang inyong kalasag at magsama-sama!" Utos ng hari sa mga tauhan sabay tingala sa taas at natanaw niya ang asul na agilang si Tene na siyang nagdala sa malaking sawa na siya nilang ikinagulat.

Sinugod kaagad ng ulupong sina haring Plenaril at ang kanyang hukbo ngunit wala rin siyang napala dahil protektado ng kanilang mga kalasag ang mga kabalyero kaya't nang makita ng kanyang gutom na gutom na mga mata ang lupon ng mga mababangis na aso ay agad niya itong tinungo at siya niyang pinagdiskitahan.

"Ploktok! Tignan mo! May malaking sawang lumalamon sa mga mababangis na aso!" Ani ni Kleng-kleng kay Ploktok.

"Oo nga! Mas mabuti pa ay tumakas na muna tayo nang di tayo matulad sa mababangis na asong ito!" Mungkahi ni Ploktok sa binibini.

At binuhat na nga ni Ploktok si Kleng-kleng at mabilis na tumakbong papalayo sa mga mababangis na aso na noo'y isa-isang inuubos ng gutom na gutom na malaking sawa. Nawaglit sa isip nina Ploktok at Kleng-kleng ang kaibigan nilang si Chipengaluk na noo'y nakikipaglaban kay Adebnas. Sa kasamaang palad, napasama si Chipengaluk sa mga mababangis na asong nilamon ng sawa. Si Adebnas naman ay masuwerteng nakatakas at daliang tumungo sa kanyang haring si Plenaril.

Sa loob ng katawan ng malaking ulupong, diretso lahat sa mahiwagang lagusan ang mga nilamon na mababangis na aso kasama na dito si Chipengaluk at napadpad sila sa panahong nakaraan sa bayan ng Klopeysyus. Mula sa bungad ng lagusan ay dali-daling  tinungo ng mga mababangis na aso ang palasyo ni haring Ngepoy na noo'y binabantayan ni Ploktok sa nakaraan.

"Mga kabalyero! Tayo nang magpatuloy, maging alisto lang kayo sa ating mga kala..." At di pa man natatapos sa pagsasalita si haring Plenaril ay bigla na lamang siyang dinagit ni Tene at nilipad nang pagkataas-taas.

"Ang mahal na hari! Dinakma siya ng asul na agila!" May pag-aalalang nasabi ng isang kabalyero.

"Huwag mag-alala, kayang-kaya ng ating hari na ipagtanggol ang kanyang sarili." May kumpiyansang tugon ni senyor Jeepox

At di nga nagkamali si senyor Jeepox sapagkat gamit ang kanyang espadang niyebe ay binugahan ni haring Plenaril ang kanang pakpak ni Tene dahilan upang mabitiwan siya ng agila.

May kataasan na rin ang nalipad ni Tene bitbit ang hari kayat may panganib na naghihintay sa hari para sa kanyang buhay sa pagbagsak niya sa lupa. At nang may dalawanpung (20) talampakan na lamang ang layo ng hari mula sa lupa ay biglang sumulpot ang kanyang mga alagang dolpin na sumalo sa kanya.

Samantala, kahit nag-aapoy ang kanang pakpak, buong lakas na nilipad ni Tene ang himpapawid patungong karagatan at nang marating niya ito ay kanyang ibinulusok ang sarili sa dagat upang mapawi ang apoy sa kanyang pakpak.

Nasaksihan ni kapitan Lerwal at ng kanyang mga pirata na noo'y padaong pa lang sa dalampasigan ng Klopeysyus ang nangyari kay Tene.

"Harrr! Si Tene! Nangangailangan ng ating tulong! Magsibalik sa barko at ating siyang puntahan para sagipin. Harrr!"  Pag-uutos ng kapitan.

At nagsibalik na nga ang kapitan at kanyang mga pirata sa kanilang mga barko ngunit bago pa man sila makalayag nang malayo-layo ay sunod-sunod na malalaking alon ang humampas sa kanilang mga barko dahilan para anudin sila pabalik sa dalampasigan.

"Harr! Anong nangyari? Saan nanggaling ang malalaking alon na iyon?" May pagkagulat na tanong ng kapitan.

"Kapitan! Sa di kalayuan! Ang mga higanteng taong bato, nabuhay! At paparating na sila dito!" Tugon ng isa sa mga pirata ni kapitan Lerwal

At nabuhay nga ang mga naging istatwang higanteng taong bato na ang tungo ay sa bayan ng Klopeysyus. Nang narating na nila ang dalampasigan ay walang habas nilang winawasak ang lahat ng kanilang madaanan kabilang na dito ang mga barko ni kapitan Lerwal kung saan mabilis na lumikas sina kapitan at kanyang mga pirata.

"Harr! Muntik na tayo doon ah! Bilis! Magsikubli kayo. Mapanganib ang mga higanteng ito." Utos ng kapitan sa kanyang mga tauhan.

Nasaksihan na din nina haring Plenaril at ng kanyang mga kabalyero ang pagdating ng mga higanteng taong bato pagkat sa laki ng mga ito ay kitang-kita nila mula sa kanilang kinaroroonan.

"Mga kabalyero! Tayo nang magmadali! Kailangan na nating makita si Ngepoy bago pa man tayo maunahan ng mga higanteng mga taong batong iyan." Pag-uutos ni haring Plenaril sa kanyang mga tauhan.

Dahil sa walang mga dalang kabayo ay tinakbo na lamang ng mga kabalyero ang landas patungo sa kastilyo ni haring Ngepoy maliban na lamang sa kanilang haring nakasakay sa kanyang lumilipad na mga dolpin.

Klopeysyus 2-Ang Ikalawang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon