"Ginoong Kito, tayo'y tumungo sa isa kong palasyo sa likod ng bundok Khun-Trulatdilit, isa sa mga pitong bundok ng Klopeysyus na pumapalibot sa aking palasyo at doon tayo'y ligtas na makakakubli pansamantala." Pag-uutos ni haring Ngepoy kay Kito
"Opo kamahalan, pakituro na lang po sa akin ang direksyon patungo roon." Tugon naman ni Kito
"Walang problema, eto na tayo! Sige pakibaba mo na lang kami diyan sa isang palapag na gusaling iyan." Sagot ng hari sa higanteng mandirigma sabay turo sa nag-iisang maliit na gusali sa paanan ng bundok Khun-Trulatdilit.
Dahil sa malalaking hakbang ni Kito ay narating nilang kaagad ang kinaroroonan ng matalinghagang palasyo ni haring Ngepoy
"Paumanhin kamahalan, ngunit ito na yata ang pinakamaliit na palasyong aking nakita sa buong buhay ko." May pagkamanghang komento ng higante.
"Ay naku, mas magugulat ka pa kapag nakita mo ang loob niyan." Wika naman ni reyna Klorina
"Tama ang mahal na reyna, marami pang mga kamangha-manghang mga bagay sa loob ng maliit na palasyong ito ngunit ikinalulungkot ko na hindi mo ito masasaksihan ginoong Kito sapagkat sa laki mong iyan ay di ka magkakasya sa tarangkahan ng palasyo" Aniya ni mang Damian Ballesteros
"Buweno, atin munang pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng ating kasamahang walang malay na si Transmit. Meron ba tayong kahit ano dyan na maaring magpabalik-malay sa kanya? Tanong ng hari sa mga kasama.
"Eto po mahal na haring Ngepoy, garantisadong magigising po sa pagkakatulog si Transmit. Sambit ni Kito sabay abot ng isang basang bimpo tila nanggaling sa pawis na pawis niyang kili-kili kay Kibord.
"Eh ano naman ang gagawin ko sa masangsang na bimpong ito?" May nandidiring tanong naman ni Kibord.
"Simple lang kaibigan, ipatong mo lang sa mukha ni Transmit iyang bimpo at magbabalik muli ang kanyang kamalayan." May paninigurong sagot ni Kito.
At nang akmang ilalagay na nga ni Kibord ang basang bimpo sa pagmumukha ni Transmit ay biglang nagising si Transmit.
"Ok na ko, ok na ko! Ilayo mo nga sa akin yang bimpong yan! Tara na sa loob ng palasyo!" Tugon ng gising na gising nang si Transmit.
BINABASA MO ANG
Klopeysyus 2-Ang Ikalawang Aklat
De TodoHindi pa man lubusang napapagtagumpayan ang masalimuot na kalagayang kinakaharap ng kaharian, heto't muli na naman silang nahaharap sa isang matinding pagsubok. Paano kaya haharapin ni haring Ngepoy at ng kanyang mga kasama ang panibagong hamon na s...