BILANG na lamang ang mga taong naliligaw sa kalsada. Hatinggabi na rin kasi at malamang ay natutulog na ang karamihan sa kanila. Ilang oras na rin ang nakararaan nang magsara ang mga tindihan, maliban lamang sa isa – ang Hali Mao Chastity Bar na ilang taon nang nagbebenta ng laman. Tatlong babae ang nakatayo sa labas ng pasukan nito. Nagkaroon yata sila ng patimpalak sa paiksian ng suot, base na rin sa mga laman nilang lumuluwa na.
Maliban sa nakahanay na mga poste ng ilaw sa kahabaan ng kalye, tanging makukulay na liwanag na lamang na nagmumula sa bar ang pumupunit sa kadilimang bumabalot sa paligid. Maririnig din ang may katamtamang lakas na tugtog at hiyawan ng mga tao sa loob.
Nanatili akong nakatago sa kadilimang hatid ng mga puno sa tabi ng kalsada – naghihintay ng tamang pagkakataon para lumabas sa dilim at magpakita. Sino nga ba namang mag-aakalang nagmamasid ang labis nilang kinadidirian? Siguro nga'y hindi ako maiintindihan ng mga tao, pero hindi ko na lamang hahayaan na yurakan nila ang pagkataong sa simula pa lamang ay taglay ko na. Kailanma'y hindi ko piniling sumalungat sa pamantayan nila, sapagkat hindi ko naging desisyon na ipanganak akong naiiba. Wala ring silbi kung ipaglalaban ko pa ang aking sarili. Kaya't nanaisin ko na lamang na lisanin ang lugar na ito at kalimutan ang mga alaala ko rito.
Isang kotse ang paparating. Huminto ito sa tapat ng bar at kaagad namang lumapit ang tatlong babae rito. Ilang sandali lamang ay lumabas ang nagmamaneho – ang alkalde ng bayan namin, si Mayor Hali. Kahati niya si Mr. Mao sa pagmamay-ari ng bar. Walang bahid ng pagiging tao ang mga budhi nila, pero hindi sila kinukutya ng mga tao. Sino nga ba namang magtatangka? Ang karamiha'y nasisilaw sa pera nila, sa impluwensiya at kapangyarihang nakabubulag sa mga mata.
Inakbayan ni Mayor Hali ang dalawang babae, habang nakahalikan niya naman ang pangatlo na kaagad namang sumunod sa kanilang pagpasok sa loob. Sinundan ng isang guwardiya si Mayor Hali at mabilis din itong lumabas ng bar at pumasok sa kotse ng alkalde. Minaneho nito ang sasakyan papunta sa parking lot na matatagpuan sa likuran ng gusali. Sakto namang pumasok sa loob ang naiwan na guwardiya sa tabi ng pasukan.
Napangiti ako sa nakita. Ito na ang tamang pagkakataon.
Marahang hinawakan ni Helen ang aking braso. "Sigurado ka na ba talaga rito, Lena?"
Napalunok na lamang ako at mahinahong tumango. "Walang makakaintindi sa 'tin dito. Kung hindi tayo lilipat ng lugar, hindi tayo magiging lubusang masaya."
Gumuhit sa kaniyang mga labi ang isang tipid na ngiti. Inilapit niya ang sarili at sinunggaban ako ng makapigil-hiningang halik sa labi. Kapos-hininga kaming humiwalay sa isa't isa at ipinagbigkis ang mga sarili sa isang mahigpit na yakap.
"Pakiusap, mag-iingat ka, Lena," bulong na sambit ni Helen. "Hihintayin kita rito."
Bago tuluyang maghiwalay ay binunot ko muna ang aking baril at saka ito ipinasakamay kay Helen. "Kung sakali mang may manakot sa 'yo, huwag kang mag-aalangan na gamitin ito."
Binilisan ko ang paglalakad at kaagad na nagtungo sa harapan ng Hali Mao Chastity Bar. Huminga muna ako nang malalim bago ako tuluyang pumasok sa loob. Sa pagbukas ko ng pinto ay kaagad na napakurap ang aking mga mata. Nakasisilaw ang patay-sinding mga ilaw. Lumakas din ang ingay na hatid ng tugtog na hindi gaanong maririnig sa labas.
Napakaraming mga tao. Ang karamiha'y nasa gitna – nagsasayawan, habang ang natitira nama'y nagpapahinga sa kanilang mga upuan – kumakandong ng mapuputi't makikinis na laman.
Umupo ako sa isang madilim na sulok, ngunit kahit doon ay napansin na kaagad ako ng ilang mga tao. Halata sa mga mukha nila ang pagtataka. Ang ilan ay natatawa at ang ilan naman ay napapangiwi sa kalahating babae na kanilang nakikita. Sino nga ba namang nilalang ang mag-aakalang naligaw ang isang tulad ko sa lugar na ito? Kahit ang mismong mga babaeng nag-aalok ng aliw ay napapakunot ang noo kapag nadadaanan ako. Pero bakit kailangan nila akong kasuklaman? Hindi ba't mas nakasusuklam ang libangan ng mga lalaking ito? Pamilyar ang mga mukha ng ilan sa kanila. Ang karamahin dito'y mayroong mga asawa't anak, pero naririto sila tuwing gabi – nangangaliwa't nagpapakasaya.