SA PAGHIHIWALAY ng mundo ng mga tao sa mga elementong hindi kauri ng mga ito, nabuo ang mundo na kung tawagin ay Illustra. Nahati ito sa walong rehiyon at isa na roon ang rehiyon na kung tawagin ay Hue.
Sa rehiyong Hue namumuhay ang mala-ulap na mga kulay na kung tawagin ay Pigmentia. Ang mga ito ang nakatalaga sa pagbibigay ng buhay at sigla sa mundo; mga kulay na nanganganak ng iba pang henerasyon ng mga kulay. Pinamumunuan sila ni Illumina—ang diyosa ng Pigmentia na kumakatawan sa kulay puti at sumisimbolo sa liwanang. Siya ay umibig kay Uruburu na kumakatawan naman sa kulay na itim at sumisimbolo naman sa kadiliman. Mahigpit na ipinagbabawal na sila ay mag-ibigan. Ngunit, hindi nila kayang puksain ang kanilang umusbong na damdamin. Dahil sa hindi maikakailang malakas na atraksiyon nila sa isa't isa at sa pagmamahalan na hindi maunawaan ng iba, sinuwag nila ang kaisa-isang batas ng kanilang rehiyon. Sila ay nagniig; nag-isa. Nag-alab ang kanilang mga damdamin. Nag-uumapaw ang kasabikan nilang mas mapalapit sa isa't isa. Ang relasyon na mayroon sila ang naging daan upang makamit nila ang inaasam-asam na kalayaang ipahayag ang wagas na damdamin. Pansamantala silang lumayo sa mga kauri at nagtungo sa bundok upang doon magkaroon ng pagkakataong maipahayag ng malaya ang kanilang mga sarili. Nag-isa ang kanilang porma. Ninamnam nila ang bawat sandali na sila ay magkahinang. Waring hindi alintana ang batas na kanilang nilabag. Sa bawat pagdampi at pagtagos ni Uruburo kay Illumina ay walang patid na ligaya ang kanilang nakamtan. Walang kapantay ang kasiyahan na kanilang naramdaman dahil sa wakas, sa kabila ng batas na pumipigil sa kanila; nagawa nilang maging malaya maging ang kanilang nag-uumapaw na damdamin.
Subalit, kapwa sila natahimik nang makita ang bagong sibol at mala-ulap na pigmento sa kanilang tabi nang matapos sila sa kanilang ginawa. Nagtataglay ito ng kulay na hindi katanggap-tanggap sa kanilang rehiyon—ang abo. Para sa mga Pigmentia, depresyon at kalungkutan lamang ang hatid ng kulay na abo kaya napagpasyahan nilang itago at ilayo sa mga Pigmentia ang bunga ng kanilang paglabag sa batas.
——
KAGAYA ng mga puting ulap sa kalangitan, nagpalutang-lutang na lamang si Abuhin sa kaniyang kinaroroonan. Maging ang kaniyang isip ay lutang. Sa tagal na panahon ng kaniyang pagkakakulong, iniisip niya kung paano makukumbinsi ang kaniyang Amang at Inang na payagan siyang makalabas kahit sa maiksing oras lamang upang masilayan ang bukambibig nilang kagandahan ng Hue; ganoon na rin upang masilayan ang mga kauri niyang nilalang. Ilang taon na siyang nakatago sa kuweba malapit sa bundok na naghahati sa rehiyon nila at rehiyon ng Bella. Puro kadiliman lamang ang nakikita ng kaniyang mga mata. Maging ang mga insekto na gaya ng langgam at gagamba ay pawang kakulay ng kaniyang amang si Uruburu. Madalang na lang siyang bisitahin ng mga ito; marahil ay mahigpit ang ginawang pagbabantay ng mga primerang kulay sa mga ito. Bilin pa nila noong huli silang magkita-kita ay huwag na huwag siyang lalabas. Kapag nagkataon na mahuli siya ng kahit na sinong Pigmentia, susunugin siya upang maglaho na nang tuluyan. Ganoon kahigpit ang batas sa kanilang rehiyon. Kahit isang Dyosa ang kaniyang Inang, nasa mga primerang kulay pa rin ang pagsasagawa at pagpapatupad ng kanilang batas. Para sa mga ito, ang sino mang walang silbi sa pagpapalaganap ng kagandahan sa mundo ng Illustra ay nararapat lamang na sunugin nang sa gayon ay hindi na rumami pa ang lahi ng mga kulay na kung tawagin nila ay patay na kulay.
"Pambihirang buhay!" aniyang paroo't parito sa madilim na kinaroroonan. Gustuhin man niyang wisikan ng pigmentong kulay abo ang paligid upang lumiwanag kahit paano ang kaniyang nakikita ay hindi maaari. Mas lalo lang niyang ipapahamak ang kaniyang sarili sa binalak na gagawin.
Panay ang sipat niya sa bukana ang kuweba. Waring inaakit siya ng bukana nito na lumabas. Napailing na lamang siya sa kapilyuhang naisip. Ngunit, hindi niyon naialis sa kaniya ang masidhing pagnanais na kumawala. Hanggang sa namalayan na lamang niya na malapit na siya sa pinakalabas.