Illustra: Moneres Region

195 11 4
                                    

Ayon sa mga kuwento ng matatandang duwende, may isang mahiwagang paraiso ang nakakubli sa isa sa mga bundok ng Moneres. Sinasabing doon matatagpuan ang limpak ng ginto't mga kayamanang naipon ng mga sinaunang duwendeng nanirahan sa rehiyon. Ang susi para matagpuan ang lagusan patungo sa paraiso ay ang masidhing pagnanasa sa ginto. At tulad ng ibang mga alamat na nagsalin-dila na sa mundo ng Illustra, ang mga nangahas pumasok sa lagusan ay hindi na muling nakabalik pa. Ang dahila'y lingid sa kaalaman ng lahat.

Kumalembang na ang batingaw. Hudyat para tumigil na ang mga duwendeng minero sa pagpiko ng lupa. Isa-isa nilang binitbit ang mga sako-sakong lupa para ipasiyasat sa mga gintero—mga duwendeng naatasang mangolekta ng mga ginto. May mga alaga silang gigintoy na kaanak ng mga daga. Malalaki ang ilong ng mga nilalang na ito ngunit di tinutubuan ng buntot. Maseselan din ang pang-amoy at talagang sinamay at hinasa para sa paghahanap ng mga ginto kahit nakabaon pa sa kailaliman ng lupa.

Nahati sa anim na pila ang mga minero. Isa-isang ipinaaamoy muna sa mga gigintoy ang mga sako bago idispatsa. Kung nakaamoy ng ginto ang mga ito, titimbangin ang sako bago bayaran ng pilak ang minero sa kung gaano kabigat ang naimina. Isang pilak kada isang kilo. Kung wala namang naamoy ang gigintoy, ididispatsa lang ang lupa at magtitiis sa isang pirasong tinapay ang manggagawa.

Sistemang bahagian ng ginto at ang paghahanap sa maalamat na paraiso. Ipinatupad ni Haring Jun Moneta sa kanyang nasasakupan. Mula sa Bundok Hulio, lumipat sila sa pinakamaliit na bundok sa Moneres, ang Lumi, para lamang hagilapin ang paraisong matagal nang alamat sa buong rehiyon.

Isang haring halos buong katawan ay nababalutan ng ginto. Mula sa botang may maliliit na piraso ng ginto bilang disenyo, hanggang sa koronang ihinulma ng ginto. Pulbos na ginto naman ang nagpapaningning sa balabal niyang hinabi ng pinakamahuhusay. May bilugan na tiyan ang hari at balbas na ginintuan ang kulay. Palagi niyang bitbit ang isang bilog na ginto at kadalasang hinihimas-himas na animo'y isang maamong alaga; habang nakasalagpak ang puwit sa malambot na tronong akma sa kanyang panlasa.

"Masaganang tanghali, Mahal na Hari! Petra po, isang gintero, may hatid na isang mahalagang balita para sa inyo," bungad kay Haring Jun ng isang babaing gintero.

Tatlong himas mula sa bilog na ginto bago tumugon ang hari, "Ilahad mo sa'kin."

"May natagpuan pong isang lagusan ang ating mga minero sa silangang bahagi ng bundok. May kahabaan po ang lagusan at nagpadala na po ako ng tatlong minero para pasukin ito at tingnan ang loob. Inaasahan pong mamayang gabi ay makalabas na ang tatlo at ipahayag ang kanilang natuklasan."

"Ang lihim na lagusan na ba?" namamanghang tanong ng hari.

"Malalaman po natin mamaya, Mahal na Hari," tugon ng gintero.

May panginginig ng kamay ang nadarama ni Haring Jun. Sabik sa kung anong hiwaga ang ihahatid sa kanya ng natagpuang lagusan. Umaasang masisilayan na niya ang paraiso ng gintong kanyang pinapangarap.

"Nais ko ring sumama sa pag-aabang," sambit ng hari.

May gulat sa mukha ng ginterong si Petra. Hindi niya inaasahan ang anunsiyo ni Haring Jun.

"Ihanda ang karwahe, nais kong tumungo sa silangang bahagi ng Lumi, ngayon din!" utos ng hari.

Ilang oras na biyahe mula sa karwaheng pinatatakbo ng lakas at tibay ng mga tagapasan. Sa loob, tahimik na nagninilay-nilay si Haring Jun, pinipigil ang pagkasabik ng kanyang katawan.

"Malapit na po nating matungo ang lugar, Mahal na Hari. Ihanda po ninyo ang inyong sarili!" saad ni Petra.

Unti-unting bumagal ang paglalakad ng mga tagapasan. Sinilayan ni Haring Jun ang labas. Iniilawan ng mga nakasinding gasera ang lugar at ng mga mumunting kulisap na malayang lumilipad. May mga nagtipong minero't manggagawa para hintayin ang paglabas ng tatlong minerong nasa loob. Huminto ang karwahe at agad na lumukso paibaba ang hari. Isang malaking lagusan ang tumambad sa kanya. Mas malaki pa sa kanyang inaasahan. Mga sampung ulit ng kanyang tangkad ang pagitan ng sahig at tuktok, at tatlong karwahe ang lapad ng pasukan.

Second Battle: LustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon